Tawhid

TAWHEED

Batid ng mga Muslim, na ang Tawheed ay ang basehan ng relihiyong Islam at ito ay tiyak at tumpak na naipapakita sa pormulang-“La illah ha illallah”. Walang ibang Diyos ang may karapatang sambahin maliban sa Allah (Subhanahu wa taala, Napakataas at Napakadakila Niya) – na nagsasaad na meron lamang isang totoong Tagapaglikha at Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin. Ang pormulang ito ng paniniwala ang siyang naghihiwalay at nagiging hangganan sa pagitan ng Eeman (paniniwala) at Kufr (hindi paniniwala o pagtanggi sa katotohanan). Dahil sa prinsipyong ito ng Tawheed, ang Islamikong paniniwala sa Diyos ay isinasaalang-alang  na tumutukoy sa pagiging isang Natatanging Lumikha.

Dahil dito, ang prinsipyo ng Tawheed ay lubos na malalim at nangangailangan ng higit at malinaw na pagpapaliwanag sa mga hindi Muslim, ganoon din sa ibang Muslim. Dahil sa lihis at ibang pananaw sa  punto ng Tawheed, marami sa mga Muslim ang naligaw at nawala sa tunay na katuruan ng Islam. Ang mga kalaban ng Islam ay nagtangkang neutralisahin ang prinsipyo ng Tawheed, dahil ito ang kumakatawan sa buod at sa pinakamahalagang parte ng dibinong mensahe ng Islam na dinala at ipinahayag ng mga propeta. Sila ay nagpahayag ng mga konsepto tungkol sa Allah (SWT) na ganap na malayo  sa Islam; mga ginawang konsepto upang iligaw ang mga tao sa tamang pagsamba at pagkilala sa kaisahan nang Allah. Kapag tinanggap ng tao ang mga paganong pilosopiya hinggil sa Lumikha, sila ay madaling akitin at kumbinsihin sa napakaraming ligaw at lihis na pananaw na nagiging sanhi nang pagtanggap nila sa pagsamba sa mga bagay na nilikha lamang sa ilalim ng balatkayo na pagsamba sa Lumikha.

Samakatuwid, importante na ang Tawheed ay malinaw na maintindihan sa pamamaraan na itinuro at ipinakita ng huling Propetar (Sallahu Alehyhi Was-Salaam, sumakanya nawa ang kapayapaan at ang pagpuri ng Allah) at sa pagkakaintindi ng kanyang mga sahaabah (kasamahan); kung hindi, ang isang tao ay madaling mahikayat nang isa sa maraming ligaw at lihis na paniniwala kahit na inaangkin niya ang paniniwala sa Tawheed, pagdarasal, pag-aayuno, pagbabayad ng Zakaah at ang peregrinasyon sa Makkah (Hajj). Ang Tawheed ay ang siyang pundasyon nang Islam kung saan ang mga haligi at prinsipyo nang Islam ay nakasalalay. Kung ang Tawheed ng isang tao ay hindi tama, ang kanyang Islam ay nagiging isang paganong ritual na lamang.

Ang Tawheed ay nanggaling sa salitang Arabic na” wahhada” na ang ibig sabihin ay pag-isahin, gawing isa o pagsamahin. Ngunit kapag ang terminong Tawheed ay ginamit patungkol sa Allah (Tawheedullah, Kaisahan ng Allah), ang ibig sabihin nito ay ang pagpapanatili ng kaisahan nang Allah sa lahat ng gawain ng mga tao; direkta man o hindi direktang umuugnay sa Allah. Ito ay ang paniniwala na ang Allah ay isa, walang katambal sa Kanyang Kapangyarihan at sa Kanyang Gawain (Ruboobeeyah), nag-iisa at walang katulad sa Kanyang Esensiya, Pangalan at Katangian (Asma was-Sifaat) at ang nag-iisa at walang karibal sa Kanyang Dibinidad at sa Pagsamba (Ulooheeyah/ Ebaaadah).

Ang tatlong aspetong ito ng Tawheed ang nagbuo ng basehan sa mga kategorya kung saan ang siyensiya ng Tawheed ay hinati. Ang mga ito ay magkakasama at hindi puwedeng paghiwalayin sa isa`t-isa, at kung sino man ang magbawas alinman sa tatlo ay nabigong kumpletuhin ang kinakailangan ng Tawheed. Ang pagtatambal ng iba sa kadakilaan ng Allah, ay itinuturing sa terminong Islamiko bilang idolotriya o pagsamba sa mga diyus-diyosan (Shirk).

TAWHEED AR-RUBOOBEYAH

Ito ay base sa pundamental na konsepto na ang Allah lamang ang nagsanhi at nagbigay pahintulot sa lahat ng mga nilikha na mabuhay noong wala pang nilikha at buhay. Ang Allah lamang ang nagbibigay at nagpapanatili sa buhay ng mga nilikha nang walang pangangailangan sa mga ito, at Siya lamang ang nag-iisang panginoon ng sansinukuban at nang lahat ng mga nilikha na walang anumang hamon sa Kanyang kapangyarihan. Ang Allah lamang at walang nang iba ang nagbigay sa lahat ng mga nilikha nang kakayahang gumalaw at magbago. Walang mangyayari o pangyayari maliban sa kung ano ang Kanyang pinahintulutang mangyari. Samakatuwid, ano man ang isipin ng tao bilang maganda at hindi magandang kapalaran ay isang pangyayari o pagkakataon lamang na itinalaga nang Allah bilang pagsubok sa buhay na ito.

TAWHEED AL ASMAA WAS-SIFAAT

Ang kategoryang ito ay mayroong limang aspeto;

1.) Upang ang Al-asmaa  was-sifaat nang Allah ay mapanatili, ang Allah ay dapat na kilalanin ayon sa kung paano Niya at nang Kanyang huling sugor inilarawan ang Kanyang sarili nang walang maling pagpapaliwanag, pagkaintindi o maling pakahulugan sa Kanyang pangalan at katangian. Halimbawa; sinabi ng Allah na Siya ay nagagalit sa mga hindi naniniwala o sa mga walang pananampalataya at sa mga ipokrito. Samakatuwid, ang galit ay isang katangian ng Diyos. Hindi tama na sabihin na ang Kanyang galit ay nangangahulugan nang Kanyang parusa; dahil ang galit ay isang senyales ng kahinaan sa isang tao, kaya hindi ito bagay at karapat-dapat sa Allah. Kung ano ang sinabi nang Allah, ay dapat tanggapin ng merong kwalipikasyon na ang Kanyang galit ay hindi katulad ng sa tao; base sa ipinahayag ng Allah sa Banal na Qur`an;”Walang katulad o kahambing ang Allah”. Ang katotohanan, na ang pagkakatulad lamang ng mga katangian ng Allah at nang sa sangkatauhan ay sa pangalan lamang at hindi sa antas.

2.) Ang pangalawa ay ang pagkilala sa Allah kung paano Niya ipinakilala ang Kanyang sarili nang walang pagdaragdag o pagbibigay ng bagong pangalan o katangian. Hal.,hindi natin pwedeng igawad sa Kanya ang pangalang Al-Ghaadib (ang isang nagagalit), kahit na sinabi ng Allah na Siya ay nagagalit, dahil kailan man ay hindi ito ginamit ng Allah o nang Kanyang sugo bilang Kanyang pangalan. Ang limitadong kaisipan ng tao ay wala sa lugar para ilarawan ang kawalang hangganan nang Panginoon ng mga nilikha.

3.)Ang pangatlo ay ang pagbabawal sa pagbibigay sa Allah ng mga katangian ng Kanyang mga nilikha. Hal., sinasabi sa Biblia at Torah na ang Allah ay gumugol ng anim na araw sa paglikha Niya ng sanlibutan; pagkatapos ay natulog Siya at nagpahinga sa ikapitong-araw.(Genesis 2:2). Ang ganitong uri ng paniniwala ng tao ay nagbibigay sa Lumikha ng mga katangian ng pangkaraniwang tao. Ang mga tao ang siyang napapagod pagkatapos ng mabigat na trabaho at kailangang matulog para magpalakas.

4.)Ang pang-apat ay ang pagbabawal sa  pagbibigay sa mga tao o nilikha ng mga katangian ng Nag-iisang Tagapaglikha. Hal., sa Biblia;Hebrews 7:13, isinahalimbawa ni Pablo si Melchizedek, hari ng Salem, hango sa Torah (Genesis 14:18,20), gayundin si Propeta Hesus na may dibinong katangian na walang pinagmulan at walang katapusan; mga katangiang nababagay lamang sa Allah subhanahu wa taala.

5.)Ang panglima- upang mapanatili ang Al-Asma was-sifaat ng Allah, ang direkta o eksaktong pangalan ng Allah ay hindi pwedeng ipangalan sa Kanyang mga nilikha, maliban kung ito ay lalagyan ng unlaping “Abd” na ang ibig sabihin ay alipin o alagad.

TAWHEED AL-EBAADAH

Kahit na malawak ang implikasyon nang dalawang kategorya ng Tawheed, ang mahigpit na paniniwala dito ay hindi sapat para punuan ang Islamikong pangangailangan ng Tawheed. Ang pinaka-importanteng aspeto ng Tawheed ay ang Tawheed Al-Ebaadah, ang pagpapanatili nang kaisahan sa pagsamba sa Allah. Lahat ng uri ng pagsamba ay dapat na idirekta sa Allah dahil Siya lamang ang may karapatang sambahin, at Siya lamang ang maaring makapagbigay ng benipisyo sa tao bilang resulta ng pagsamba sa Kanya.

Samakatuwid, ang pinakaimportanteng aspeto ng Tawheed ay ang Tawheed Al-Ebaadah o Uloohiyah; pagpapanatili sa kaisahan nang Allah subhanahu wa taala sa pagsamba. Ang lahat ng uri ng pagsamba ay nararapat lamang na sa Kanya natin ialay dahil Siya lamang ang Natatanging may karapatang sambahin; Siya lamang ang Siyang nagkakaloob ng mga biyaya sa Kanyang mga nilikha dahil sa kanilang pagsamba sa Kanya. Bukod pa dito, hindi na kakailanganin pa ang isang tagapamagitan sa pagitan nang Allah at nang Kanyang mga nilikha. Binigyang diin nang Allah ang kahalagahan nang direktang pagsamba sa Kanya lamang sa pamamagitan nang paghahayag ng mga mensahe na ito ang tunay na dahilan kung bakit ang mga tao ay Kanyang nilikha at ito ay ang siyang pinakabuod nang mensahe na dinala nang lahat ng mga propeta

Ang pagkakaunawa o pag-intindi sa kabuuang anyo nang tunay na dahilan nang paglikha ay hindi kayang unawain ng mga tao. Ang mga tao ay nilikhang ang kaaalaman ay limitado at hindi niya makakayanang lubusang maunawaan ang mga gawain o kilos nang Allah. Samakatuwid, sinanhi nang Allah na makabilang sa naturalesa nang isang tao ang sumamba lamang sa Kanya, na nag-iisang Tanging Tunay na Tagapaglikha. Ipinadala Niya ang mga sugo at mga mensahero at mga aklat ng rebelasyon upang liwanagin ang aspeto nang tunay na dahilan ng pagkakalikha sa lahat ng mga nilikha na malaon nang nasa sa kaalaman, kaisipan at sa puso ng mga tao.

Katulad nang nabanggit kanina, ang dahilan ng pagkakalikha ay: Sumamba ka lamang sa Nag-iisang Tunay na Diyos, sa Allah; huwag kang maglalagay ng anumang katambal sa Kanya at huwag kang kukuha nang kung anu-anong bagay upang ito ang iyong sambahin maliban sa Allah. Ito ang mensahe ng lahat ng mga sugo at mensahero. Samakatuwid ang pinakamatinding kasalanan na magagawa nang isang tao laban sa kanyang Tagapaglikha ay ang maglagay siya ng katambal, kawangis, kapareha, katulong, kasama, o kahalintulad sa Allah na tinatawag sa wikang Arabic na Shirk (ang natatanging kasalanan na hindi mapapatawad nang Allah kapag ang isang tao ay namatay na hindi nakapagsisi sa kasalanang ito).

Ang pagkumpirma sa Tawheed Al-Ebaadah ay nangangailangan nang lubusang pagtanggi o pagtakwil sa lahat ng uri ng tagapamagitan o paglalagay nang anumang katambal sa Allah. Kung ang isang tao ay nanalangin sa isang patay upang humingi ng tulong, ito ay paglalagay na nang katambal sa Allah, dahil imbis na sa Allah lamang siya manalangin at magsumamo, ito ay iginagawad niya sa isang namatay nang tao. Sinabi nang Allah: “Huwag ninyong sambahin ang iba (mga bagay o anumang klase ng nilikha na walang karapatang sambahin) maliban sa Allah na hindi naman makatutulong o makapagbibigay nang anumang sakit o karamdaman sa inyo.

Kapag ang isang tao ay nanalangin sa isang Propeta, sa mga santo, sa mga Jinn, sa mga Anghel sa paghingi ng tulong o hiningi nila pamamagitan ng mga ito sa Allah, walang pag-aalinlangan na sila ay nakagawa ng Shirk.

Ang Ebaaadah sa pananaw ng Islam, ay hindi lamang ang pagdarasal, pag-aayuno, pagbabayad ng Zakaah, peregrinasyon sa Makkah para mag-Hajj, at pagsasakripisyo ng hayop, kundi kasama na rito ang emosyon tulad hal. ng pag-ibig, pagmamahal, pagtitiwala at pagkatakot; lahat ay may kanya-kanyang antas na dapat ay idirekta lamang sa Allah.

Sa kadahilanang ang ibig sabihin ng Ebaadah ay ang kumpleto at perpektong pagsunod at pagtalima sa Nag-iisang Tunay na Tagapaglikha at ang Allah ay ang Siyang Natatanging Tagapagbalangkas at Tagapagbigay ng mga Batas, ang implementasyon ng mga batas na hindi base sa dibinong mga batas (Sharee’ah) {Qur’an & Hadith ng Propeta Muhammadr}ay nagpapakita ng kawalang paniniwala sa mga dibinong batas at nagsasaad ng paniniwala at pagtanggap sa pagiging tama ng mga sistemang sekularismo at sa mga batas na gawa-gawa lamang ng mga tao, at ang ganitong paniniwala ay nagpapakita ng pagsamba sa iba maliban sa Allah.

Sinabi ng Allah: “Yaong mga hindi namumuno ng ayon sa ipinahayag nang Allah ay mga walang paniniwala.” Surah Al-Maidah 5:44

Kaya kabilang bilang isang makabuluhang bahagi ng Tawheed Al-Ebaadah ang implementasyon ng Shareeah (batas ng Islam), lalung-lalo na sa lugar kung saan ang nakararami ay ang mga Muslim. Ang Dibinong batas ay dapat na maibalik na muli sa mga tinatawag na mga Muslim na bansa o lugar na ang pamumuno ng mga lider o pinuno ay ayon sa mga inangkat na batas ng mga Kapitalista o mula sa konstitusyon ng mga Komunista, at ang Islamikong batas ay hindi na ipanatutupad o sinusunod.

Ganundin sa mga lugar kung saan ang Islamikong batas ay nasa sa mga aklat subalit sekular na pamamaraan ng ipinatutupad, ay kailangang ibalik na muli sa Shareeah dahil ito ay tumatalakay sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga hindi Islamikong batas kaysa sa pagtanggap ng batas ng Islam (Shareeah) sa lugar ng mga Muslim ay Shirk at pagsasagawa ng Kufr. Ang mga taong nasa sa posisyon upang baguhin ito ay kailangang kumilos, samantalang yaong mga walang kakayahan ay dapat na magsalita laban sa mga batas ng Kufr at isulong ang pag-iimplementasyon ng Shareeah. Kung ito ay hindi pa rin maaaring magawa, ang hindi Islamikong pamumuno ay dapat na lubos na kamuhian alang-alang sa kaluguran ng Allah at sa pagtatatag at pagpapanatili ng Tawheed.

SHIRK

Ang pag-aaral ng Tawheed ay hindi maituturing na kumpleto kung hindi rin pag-aaralan ang kasalungat nito.

Sinabi nang Allah: “Hindi patatawarin nang Allah ang kasalanan ng pagtatambal sa pagsamba sa Kanya, subalit patatawarin Niya ang kasalanan na mas mababa dito sa sinumang naisin Niya.” Surah An-Nisa, 4:48

Ang Shirk sa literal nitong kahulugan ay ang paglalagay ng katambal, kahati o kasama, subalit sa Islamikong pananaw, ito ay tumutukoy sa paglalagay ng katambal sa Allah (subhanahu wa taala) sa Kanyang Kaisahan, Kadakilaan at Kapurihan.

SHIRK SA RUBOOBEEYAH

Ang Shirk sa Ruboobeeyah ay tumutukoy sa paniniwala na mayroong ibang kabahagi ang Allah sa Kanyang pagiging natatanging Rabb sa Kanyang mga nilikha bilang Kanyang katulad, o ang paniniwala na walang Tagapaglikha sa mga nilikha.

1.)  Paglalagay ng Katambal

Ang paniniwalang kabilang dito ay ang paniniwalang mayroong Nag-iisang tunay na Tagapaglikha subalit Siya ay mayroong kabahagi o kasama katulad ng mas mababang panginoon, espiritu, tao, makalangit o makalupang mga bagay sa Kanyang pagdodomina sa Kanyang mga nilikha

Sa Hinduismo, ang Tagapaglikha, si Brahman ay itinuturing na Natatangi at Nag-iisa, na kung saan ang lahat ng mga nilikha ay nagmula at umaasa sa kanilang mga pangangailangan. Si Brahma ay ang siyang itinuturing na tagapaglikha ng sandaigdigan na kabilang sa bumubuo nang trinidad, kasama ang diyos na tagapangasiwa na si Vishnu at ang diyos na tagapamuksa o tagasira na si Shiva. Ito ay maliwanag na Shirk sa Ruboobeeyah kung saan ang kapangyarihan na lumikha, mangasiwa o pumuksa ay ibinigay sa ibang mga diyos.

Sa paniniwalang Kristiyanismo, sila ay naniniwala na inihayag nang Diyos ang Kanyang Sarili bilang tatlong persona nang trinidad, ang Ama, ang Anak (Hesu Kristo) at ang Espiritu Santo. Itinuturing nila na ang tatlong ito ay nagkakaisa, hindi pwedeng magkakasalungat.

Ang Shirk sa Ruboobeeyah ay maliwanag na makikita sa Kristianong paniniwala kung saan si Hesus at ang Espiritu Santo ay katambal o kapartner nang Diyos sa Kanyang pangangasiwa, pangangalaga at pamamatnubay sa mga nilikha; sa paniniwalang si Hesus lamang ang siyang magbibigay ng hukom sa sangkatauhan at sa paniniwalang ang mga Kristiano ay tinutulungan at ginagabayan ng Espiritu Santo.

Sa paniniwalang Zoroastrianismo, si Ahura Mazda ay ang siyang lumikha ng lahat ng mga mabubuti, at siya lamang ang may karapatang pag-ukulan ng pagsamba. Ang Apoy ay isa sa pitong nilikha ni Ahura Mazda at itinuturing na kanyang anak o isang representante. Hindi lang ito ang Shirk sa Ruboobeeyah sa kanilang paniniwala, dahil sila ay naniniwala na ang mga kasamaan, kaguluhan at kamatayan ay nlikha ng isa pang diyos na ang pangalan ay Angra Mainyu na kumakatawan bilang simbolo ng kadiliman. Dito, ang pangangalaga sa lahat ng mga nilikha ay nahahati sa dalawa; isang masama at isang mabuti.

2.)  Pagtanggi sa pagkakaroon ng Tagapaglikha

Ang paniniwalang kabilang dito ay ang mga ideolohiya o pilosopiya na nagsasaad nang pagtanggi at pagtakwil sa pagkakaroon ng isang Tagapaglikha para sa lahat ng mga nilikha. Atheism ang tawag sa paniniwalang walang Diyos na lumikha at nangangalaga sa mga nilikha at Pantheism naman ang tawag sa pagpapaliwanag na mayroong diyos subalit ang pamamaraan kung papaano ito ipinapaliwanag ay nagsasaad ng pagtanggi sa pagkakaroon ng Tagapaglikha.

Sa paniniwalang Budhismo (Hinayana), ang matanda at mas istriktong interpretasyon ng Budhismo ay maliwanag na nagpapakita na walang Diyos at ang pananagutan sa kaligtasan ay nakasalalay mismo sa bawat tao.

Katulad din sa paniniwalang Jainism ayon kay Vardhamana, walang Diyos, kundi ang mga malalayang mga kaluluwa ay maaaring makakuha ng kalagayan ng isang diyos, magiging imortal at makababatid ng lahat ng bagay. At ang mga relihiyosong komunidad ay nagtuturing sa kanila (mga kaluluwa) bilang mga banal, ipinagtatayo sila ng mga templo at pinagpipitagan at sinasamba ang kanilang mga imahe. Isa pang halimbawa ay si Paraon noong kapanahunan ni Propeta Moses. Sinabi nang Allah na itinanggi ni Paraon ang pagkakaroon ng Diyos at inangkin niya kay Moses at sa mga tao ng Egipto na siya (Paraon) ang tunay na panginoon ng lahat ng mga nilikha.

Sa ikalabing-siyam at dalawampung siglo, maraming mga Europeang pilosopo ang nagsabi nang kawalan ng Diyos na tinatawag nilang “Ang pilosopiyang kamatayan ng Diyos”. Isang German philosopher na nagngangalang Philipp Mainlander (1841-1876), sa kanyang pangunahing isinulat, The Philosophy of Redemption” ,1876 ay nagsasaad na ang mundo ay nagsimula pagkatapos mamatay ng Diyos. Ang teoriya ni Darwin ay nagsasaad na ang mga tao ay nagmula sa mga unggoy, na nagpapakita ng kawalan ng Tagapaglikha o Diyos para sa sangkatauhan. Ang isa pa ay si Karl Marx na nagtaguyod ng paniniwala na ang Diyos ay bunga lamang ng imahinasyon ng tao na inimbento ng mga nakatataas na antas sa sosyalidad upang ibaling ang atensiyon ng mga masang naaapi mula sa katotohanan kung saan sila nabubuhay.

SHIRK SA AL-ASMA WAS-SIFAAT

Kabilang sa Shirk sa kategoryang ito ay ang paglalagay o pagbibigay ng mga pangalan at katangian ng mga nilikha sa Tagapaglikha at ang paglalagay o pagbibigay ng mga pangalan at katangian ng Tagapaglikha sa Kanyang mga nilikha.

1.)  Pagtuturing sa Kanya bilang katulad ng isang tao

Sa aspetong ito ng Shirk, ang hugis, anyo at katangian ng mga tao o ng mga hayop ay ikinakabit sa Allah subhanahu wa taala. Dahil sa pagiging higit ng mga tao sa hayop, ang hugis ng tao ang kalimitang ginagamit ng mga sumasamba sa diyus-diyosan upang isalarawan ang Diyos sa mga nilikha. Kaya naman, ang imahe o hugis ng Tagapaglikha ay kalimitang iginuguhit, iniaanyo o hinuhugis sa hubog ng mga tao.

Bilang halimbawa, ang mga Hindus at Budhista ay sumasamba sa hindi mabilang na mga idolo na inihubog katulad ng mga taong Asiano at itinuturing silang manipestasyon ng Diyos. Ang mga makabagong Kristiyano ay naniniwala na si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao, na ang Tagapaglikha ay naging isang nilikha. Marami ring mga kilalang pintor katulad ni Michaelangelo (1565), ang gumuhit sa larawan daw ng Diyos bilang isang matandang European na may mahabang puting buhok at mahabang puting balbas na naka-display sa kisame ng Sistine Chapel sa Vatican.

2.)  Paglalagay ng katangian at pangalan ng Allah sa Kanyang mga nilikha.

Sa aspetong ito ng Shirk, ang mga pangalan at katangian ng Allah ay inaangkin o ikinakabit sa Kanyang mga nilikha lamang. Bilang halimbawa, nakaugalian na ng mga sinaunang Arabo bago dumating ang tunay na pananampalataya ang pagsamba sa mga idolo na ang mga pangalan ay kinuha sa pangalan nang Allah subhanahu wa taala. Ang kanilang tatlong pinakadakilang idolo ay sila al-Laat na kinuha sa pangalan ng Allah na Al-Elaah, al-Uzza mula sa pangalang Al-Azeez, at al-Manaat mula sa Al-Mannan.

SHIRK SA EBAADAH

Sa kategoryang ito ng Shirk, ang pagsamba ay iniuukol sa mga diyus-diyosan, idolo, buwan, araw, apoy, espiritu, sa mga nilikha lamang imbis na sa Nag-iisang Tunay na Tagapaglikha; at ang mga gantimpala na nais matamo ay sa mga nilikha hinihingi imbis na sa Tagapaglikha. Ito ay nahahati sa dalawang aspeto:

1.)  Ash-Shirk Al-Akbar (Major Shirk)

Ito ay ang pagsamba sa mga bagay na walang karapatang sambahin; hindi sa Allah subhanahu wa taala. Ito ay sumisagisag sa pinakamaliwanag na porma nang idolatriya kung saan ang mga propeta ay isinugo ng Allah upang balaan at iiwas ang mga tao sa mga gawaing ganito.

Sinabi ng Allah: “Walang pag-aalinlangan na ipinadala namin sa bawat nasyon ang mensahero na nagsasabing: Sambahin lamang ang Allah at umiiwas sa mga Taghoot (mga diyus-diyosan).” Surah An-Nahl; 16:36

Ang Taghoot ay nangangahulugan na kahit na anong bagay na sinasamba kasama o imbis na ang Allah. Bilang halimbawa, ang pag-ibig ay isang uri ng pagsamba na sa pinakaperpektong anyo nito ay dapat na sa Allah lamang natin ididirekta. Sa Islam, ang ibig sabihin ng Pagmamahal sa Allah ay naipapakita sa lubusang pagsunod, pagtalima at pagpapasakop sa Kanya. Ito ay hindi katulad ng pagmamahal na ating nararamdaman sa ating kapwa nilikha; sa ating mga magulang, kapatid, anak, pagkain, kayamanan atbp. Ang idirekta ang ganitong uri ng pagmamahal sa Allah ay nangangahulugan ng pagpapababa sa Allah sa level ng Kanyang mga nilikha. Kapag hinayaan ng isang tao na may mamagitang pagmamahal ng anumang bagay o sinuman sa pagitan niya at ng Allah, ito ay nangangahulugan na nasamba niya ang bagay na yaon. Sa ganitong pamamaraan, ang pera o ang kanyang kagustuhan ay maaaring maging diyos.

Ang ganitong klase ng Shirk ay nagpapakita ng pinakamatinding rebelyon laban sa Dakilang Tagapaglikha, kaya ito ang pinakamatinding kasalanan. Binubura nito ang lahat ng mga kabutihan ng isang tao at ginagarantiya nito ang paninirahan noong taong yaon sa Naglalagablab na Apoy ng Impiyerno. Samakatuwid, ang mga bulaang relihiyon ay nakabase sa ganitong porma ng Shirk. Ang lahat ng mga batas o sistema na binalangkas at ginawa lamang ng tao ay nag-iimbita sa kanilang mga tagasunod na sambahin ang mga nilikha imbis na ang Tagapaglikha.

Ang mga Kristiyano ay inuutusang manalangin sa isang tao, isang propeta ng Diyos na nagngangalang Hesus, na kanilang inaangkin na Diyos na nagkatawang-tao. Ang mga Katoliko naman ay nananalangin kay Birheng Maria sa paniniwalang siya ay ang “ina ng diyos”, ganundin ang pagsamba sa iba’t iba pang mga santo at mga patron.

2.) Ash-Shirk Al-Asghar (Minor Shirk)

Isinalaysay ni Mahmood ibn Lubayd na sinabi ng Propeta Muhammadr: “Ang bagay na aking ikinatatakot para sa inyo ay ang Ash-Shirk Al-Asghar.” Sinabi ng mga Sahaba: “O propeta ng Allah, ano ang minor Shirk?” Sumagot ang Propeta: “ito ay ang Ar-Riyaa (pakitang tao), dahil walang pag-aalinlangan, sa Araw ng Muling Pagkabuhay kapag ang mga nilikha ay tumatanggap na ng mga gantimpala ay sasabihin ng Allah, “Pumunta ka doon sa mga taong pinagpapakitaan mo (ng iyong mga gawa) sa materyal na mundo at tingnan mo kung may makukuha kang gantimpala mula sa kanila”.

Sinabing muli ni Mahmood ibn Lubayd, lumabas ang propeta at nagpahayag: “o mga tao, mag-ingat sa nakatagong Shirk. Ang mga tao ay nagtanong: “O mensahero ng Allah, ano ang nakatagong Shirk? Siya ay sumagot: “Kapag ang isang tao ay tumayo upang magdasal at pagkatapos ay pagbubutihin at pagagandahin niya ang kanyang panalangin  dahil sa mga taong nakatingin sa kanya; ito ang ibig sabihin ng sekreto o nakatagong Shirk.”

AR-RIYAA

Ito ay ang pagsasagawa ng mga gawain sa pagsamba upang makita at purihin ng mga taong nakakakita sa kanya. Ang kasalanang ito ay ang siyang sumisira sa mga benepisyong makukuha sa tamang gawain at nag-aakay sa isang taong gumagawa nito patungo sa isang matinding kaparusahan. Ito ay kalimitang delikado, dahil natural na sa isang tao ang masiyahan at magustuhan ang mga papuri ng kanyang kapwa tao. Ang pagsasagawa ng mga pagsamba upang magmayabang lamang sa tao at upang makuha ang mga papuri nila ay tunay na isang kasamaan na kinakailangang pag-ingatang huwag maisagawa.

Sa isang tunay  na mananampalataya, ang pagkakataong makagawa ng Riyaa ay napakalaki dahil ito ay nakatago. Kalakip lamang nito ay ang simpleng pagbabago ng intensiyon. Kaya naman masusing pag-iingat ang kinakailangan upang masigurado na ang intensiyon ay tapat, dalisay, puro at mananatiling puro na para lamang sa Allah sa pagsasagawa ng mga mabubuting gawain.

Upang masigurado ito, ang pagsambit sa pangalan ng Allah ay ipinagtatagubilin sa mga Muslim sa lahat ng kanilang mga gawain. Maraming mga dua at panalangin ang itinuro ng Propetar katulad ng bago at pagkatapos kumain, uminom, matulog, sa pakikipagtalik, at kahit na sa pagtungo sa mga comfort rooms o palikuran, upang ang pang-araw-araw na mga gawaing ito ay maging isang uri ng pagsamba; upang madebelop at sanayin ang mga Muslim sa pagkakabatid sa Allah subhanahu wa taala. Ang pagkakaalam at pagkatalos na ito sa Allah, na tinatawag na Taqwaa ang siyang nagsisiguro na manatiling tapat, puro at dalisay ang intensiyon.

Ang Propetar ay nagturo din ng pamamaraan upang maging proteksiyon mula sa pagsasagawa ng Shirk. Sinabi ni Abu Moosa: “Isang araw, ang propeta ay nagbigay ng sermon sa mga tao na nagsasabi: “O mga tao, katakutan ninyo ang Shirk dahil ito ay mas lingid o tago pa kaysa sa paglalakad ng isang langgam. Sila ay nagtanong: “O mensahero ng Allah, papaano namin ito maiiwasan gayung ito ay mas lingid pa kaysa sa paglalakad o paggapang ng isang langgam? Siya ay sumagot, sabihin ninyo: “Allahumma inni audhu bika an nushrika bika shay’an na’alamu was nastaghfiruka lima la na’alamuh” ( O Allah kami ay nagpapakupkop sa Iyo mula sa pagsasagawa ng Shirk sa pagsamba sa Iyo ng harapan at hinihingi namin ang Iyong kapatawaran sa mga bagay na hindi namin naaalaman.)

ANG KASUNDUAN NG ALLAH KAY PROPETA ADANu

ANG BARZAKH

Hindi sinusuportahan ng Islam ang paniniwala ng mga Hindu sa reincarnation o ang paglipat ng kaluluwa ng isang tao sa ibang katawan pagkatapos mamatay ng kanyang unang katawan. Kabilang sa mga taong yumakap nito ay naniniwala sa prinsipyong Karma , na ang mga bagay na ginawa ng isang tao sa kasalukuyan ang siyang magsasabi at maghahatol kung anong antas o estado ang kanyang kabibilangan kapag siya ay ipinanganak na muli.

Kung siya ay isang masama, siya ay muling isisilang mula sa sinapupunan ng isang babae na mula sa mababang antas ng sosyalidad at kailangang gumawa siya ng maraming kabutihan upang siya ay maisilang na muli sa mas mataas na antas ng sosyalidad. Sa kabilang banda, kung siya ay isang mabuti, siya ay isisilang na muli sa sinapupunan ng isang babae na mula sa mataas na antas ng sosyalidad bilang isang banal o kapita-pitagang tao at magpapatuloy na ipanganak sa mas mataas na antas hanggang marating niya ang perpeksiyon bilang kabahagi ng pinakamataas na uri ng lipi, ang liping Brahmin. Kapag siya ay naging perpekto na, ang paulit-ulit niyang pagsilang ay titigil na at ang kanyang kaluluwa ay sasapi at magiging isa na nang kay Brahma, sa prosesong tinatawag nilang Nirvana.

Ayon sa pananampalatayang Islam, kapag ang isang tao ay namatay, hindi na siya muling isisilang pa hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Pagkatapos na magunaw ang sandaigdigan, ang lahat ng sangkatauhan ay muling bubuhayin upang hatulan ng Allah subhanahu wa taala, ang Natatanging Tunay na Tagapaglikha na Siyang may karapatang pag-ukulan ng lahat ng uri ng pagsamba at ang Hukom ng mga hukom. Mula sa oras ng pagkamatay ng isang tao hanggang sa siya ay buhaying muli, siya ay mananatili sa isang lugar na kung tawagin ay Barzakh (partisyon sa pagitan ng buhay sa daigdig at araw ng muling pagkabuhay).

Sinabi ng Propetar na ang kamatayan ng bawat tao ay ang simula ng kanyang resureksiyon o pagkabuhay na muli. Ang oras ay para lamang doon sa mga taong nabubuhay dito sa daigdig. Kapag ang isang tao ay namatay, iiwanan na niya ang time zone o oras, at ang isang libong taon ay magiging isang kurap na lamang ng mata. Katulad din ito na kapag ang isang tao ay nagising mula sa napakahabang pagkawala ng ulirat, iisipin nila na konting panahon o saglit lamang ang lumipas sa kanila. Magkaminsan na ang isang oras na pag-idlip kapag tayo ay nagising ay iniisip natin na sandaling panahon lamang iyon at para bang naisarado niya lamang ang kanyang mata, yon pala ay isang oras na ang lumipas sa kanya.

BAGO ANG PAGLIKHA

Bagama’t mariing itinatanggi ng Islam ang reincarnation, isinusulong naman nito ang paniniwala na ang kaluluwa ng lahat ng mga bata ay nilikha na bago pa sila isilang sa daigdig.

Sinabi ng Propetar na noong likhain ng Allah si Adan, gumawa Siya ng kasunduan kay Adan sa isang lugar na kung tawagin ay Na’maan noong araw ng Arafat. Pagkatapos ay kinuha ng Allah mula kay Adan ang lahat ng kanyang mga inapo na isisilang hanggang sa katapusan ng sandaigdigan, generasyon pagkatapos ng generasyon, at ikinalat sa harapan Niya upang makipagkasundo rin sa kanila. Sinabi ng Allah sa kanila ng harapan: “Hindi ba Ako lamang ang inyong Rabb (panginoon)?, at sila ay sumagot na lahat: “oo, kami ay tumitestigo tungkol dito”. Pagkatapos ay ipinaliwanag Niya kung bakit pinatestigo Niya ang sangkatuhan na Siya lamang ang Tunay na Tagapaglikha at ang Natatanging may karapatang sambahin at pag-ukulan ng lahat ng uri ng pagsamba.

Sinabi ng Allah: “Yan ay kung sasabihin ninyo (sangkatauhan) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, “Katiyakang hindi namin batid ito. Wala kaming kaalaman na Ikaw lamang, o Allah ang aming natatanging Rabb. Walang nagsabi sa amin na Ikaw lamang pala ang dapat naming sambahin”. At sa bilang pagpapatuloy ng Allah na kung sakaling sabihin ninyo: “Ang aming mga ninuno ang siyang naglagay at nagbigay ng katambal sa Iyo at kami ay kanila lamang mga inapo; sasanhiin Mo ba na mawasak kami dahil sa mga ginawa ng mga sinungaling (kanilang mga ninuno)?

Ang mga bersikulo at mga paliwanag ng Propetar ay kumukumpirma sa katotohanang ang bawat nilalang ay responsable sa kanilang paniniwala sa Diyos at sa Araw ng Paghuhukom ang kanilang mga dahilan o paliwanag ay hindi tatanggapin. Ang bawat isang tao ay may natural na paniniwala sa Kaisahan ng Nag-iisang Tunay na Diyos na malaon nang inilagay sa ating mga kaalaman at ipinapakita ng Allah sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan na ang kanilang mga sinasamba ay tunay na hindi dapat na pag-ukulan ng anumang pagsamba.

Sinabi ng Propetar: “Inilagay nang Allah sa pagitan ng dalawang mata ng bawat tao ang liwanag na nagpapakita ng kanilang Eeman at ipinakita Niya ito kay Adan. Si Adan ay namangha sa kanyang natunghayan na hindi mabilang na mga nilalang na mayroong liwanag sa pagitan ng kanilang dalawang mata; kaya tinanong niya ang Allah, “O aking Rabb, sino po sila? Sinabi ng Allah na sila ay ang lahat ng iyong mga inapo. Pagkatapos ay tiningnang mabuti ni Adan ang isang liwanag na nakamangha sa kanya, pagkatapos ay itinanong niya kung sino ito at sinabi ng Allah: Siya ay si Dawood na mula sa huling nasyon kabilang sa iyong mga inapo. Itinanong ni Adan kung ilang taon na siya at noong sinabi ng Allah na siya ay edad-sisenta, sinabi ni Adan: “O aking Rabb, pahabain mo ang kanyang edad sa pamamagitan ng pagkuha Mo ng apatnapung taon sa aking edad.” Subalit noong dumating na ang hangganan ng buhay ni Adan at dumating na ang anghel ng Kamatayan, sinabi ni Adan: “Hindi ba meron pang apatnapung taon na nalalabi sa aking buhay? Sinabi ng Anghel: “Hindi ba ito ay ipinagkaloob mo sa isa sa iyong inapo na si Dawood? Itinanggi ni Adan ito at ang kanyang mga inapo ay itinanggi rin ang kanilang kasunduan at pangako sa Allah. Nakalimutan ni Adan ang kanyang kasunduan sa Allah, ganundin ang kanyang mga inapo at sila ay nahulog sa paggawa ng kamalian.

Kumain si Adan mula sa ipinagbabawal na puno dahil sa paglimot niya sa kanyang pangako sa Allah at dahil sa panunukso ni Satanas, at karamihan sa mga tao ay kinalimutan ang kanilang responsibilidad na maniwala sa Allah at Siya lamang ang pag-ukulan ng pagsamba, at nahulog sa patibong ni Satanas, ang pagsamba sa mga nilikha lamang ng Allah.

Sinabi ng Propeta Muhammadr: “pagkatapos ay ituro ng Allah ang ilan sa mga inapo na kinuha Niya kay Adan at sa kanyang mga anak at sinabi: Nilikha ko ang mga taongito para sa Paraiso at gagawin nila ang mga gawain ng tao ng Paraiso.” At pagkatapos ay ituro Niya ang iba at sinabing: “Nilikha ko ang mga taong ito para sa Impiyerno at gagawin nila ang gawain ng mga tao ng Impiyerno.”

Pagkatapos na ito ay masabi ng Propeta, isa sa kanyang kasamahan ang nagtanong: “O Propeta ng Allah! ano pa ang saysay ng paggawa ng mabuting gawain? Sumagot ang Propeta: “Katotohanan, kung ang isang nilikha ay itinakda para sa Paraiso, tutulungan siya ng Allah na magawa ang mga gawain ng tao sa Paraiso hanggang sa mamatay siya na ginagawa ito, pagkatapos ay ilalagay siya ng Allah sa Paraiso dahil dito. Subalit kung ang isang nilikha ay itinakda para sa Apoy ng Impiyerno, tutulungan siya ng Allah na magawa ang gawain ng mga taong maninirahan sa Impiyerno, at pagkatapos ay ilalalagay siya ng Allah sa Impiyerno dahil dito. (Sunan Abu Dawood, vol. 3, p 1318, no. 4686)

Ang pahayag na ito ng Propetar ay hindi nangangahulugan na ang mga tao ay wala nang kalayaang pumili o magpasya sa pagitan ng mabuti at masama, dahil kung magkakaganito, ang Paghuhukom, ang gantimpala o kaparusahan ay magiging walang saysay. Ang pagkakalikha ng Allah sa isang tao para sa Paraiso ay sa dahilang batid na batid ng Allah ang taong yaon bago pa man siya likhain kung siya ba kabilang sa mga taong maninirahan sa Paraiso dahil sa pagpili niya na maging isang mananampalataya laban sa di- paniniwala at pagpili ng kabutihan laban sa kasamaan.

Kung ang isang tao ay matapat na naniniwala sa Allah at pinagsusumikapan niyang gumawa ng tama at mabuti, pagkakalooban siya ng Allah ng maramng oportunidad o pagkakataon upang payabungin at mapabuti niya ang kanyang paniniwala at madagdagan ang kanyang mabubuting gawa. Hindi sasanhiin ng Allah na ang mga tapat na pananampalataya ng isang tao ay masayang at kung siya ay maliligaw mula sa tamang landas, tutulungan siya ng Allah na makabalik at baguhin ang kanyang gawi. Maaari siyang parusahan ng Allah dito sa mundong ibabaw kung siya ay maliligaw upang ipaalaala sa kanya ang kanyang mga pagkakamali at upang gisingin para siya ay makapagsisi sa kanyang mga kamalian.

Sa katotohanan, kinukuha ng Allah, ang Pinakamaawain ang buhay ng isang mananampalataya habang siya ay gumagawa ng kabutihan, na magsisilbing kasiguruhan sa isang mananampalataya na makabilang doon sa mapapalad  na maninirahan sa Paraiso. Kung ang isang nilikha, sa kabilang banda, ay hindi naniwala sa Allah at itinatwa ang paggawa ng kabutihan, sasanhiin ng Allah na maging madali ang paggawa niya ng kasamaan. Pagkakalooban siya ng Allah ng tagumpay sa paggawa niya ng katampalasanan na siyang magpapaibayo ng kanyang kagustuhan na gumawa ng kasamaan hanggang sa siya ay mamatay sa makasalanang kalagayan at magiging sanhi ng pagkakabulid niya sa Naglalagablab na Apoy ng Impiyerno.

ANG FITRAH

Yayamang ang buong sangkatauhan ay pinasumpa ng Allah sa Kanyang pagiging Natatanging Tunay na Diyos na Tagapaglikha at walang sinuman ang may karapatang sambahin maliban sa Kanya noong nilikha Niya si Adan, ang kasunduang ito ay nakatanim at nakalagay na sa kaluluwa ng bawat tao bago pa man ito inilagay ng Allah sa sinapupunan ng isang ina sa ikalimang buwan niyang pagdadalantao.

Kaya naman kapag ang isang bata ay ipinanganak, siya ay mayroon nang natural na paniniwala sa kaisahan ng Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha. Ang natural na paniniwalang ito ay tinatawag sa wikang Arabic na “Fitrah”. Kung ang isang bata ay hahayaang lumaking mag-isa, siya ay lalaking nakababatid sa Kaisahan ng Allah subhanahu wa taala, subalit ang lahat ng mga bata ay naapektuhan ng kanilang kapaligiran at ng mga taong nakapaligid sa kanila, direkta man ito o hindi direkta.

Sinabi ng Propeta Muhammadr na sinabi ng Allah: “Nilikha Ko ang Aking mga alipin sa matuwid na pananampalataya subalit iniligaw sila ng mga demonyo”. (Sahih Muslim, vol.4, p.1488, no. 6853)

Sinabi din ng Propetar: “Ang bawat bata ay isinilang sa natural na kalagayan ng “Fitrah”, subalit ginawa silang Hudyo o isang Kristiyano ng kanilang mga magulang. Ito ay katulad halimbawa ng isang hayop na nanganak na isang normal na anak. Nakakita na ba kayo ng isang batang hayop na noong isinilang ay sira-sira at gutay-gutay na bago ninyo sila gutayin at sirain? (Sahih Al-Bukhari, vol. 8, pp. 389-390, no 597)

Maliwanag, katulad din na kung papaano ang katawan o ang kabuuan ng isang bata ay natural na nagpapasakop sa pisikal na batas ng Allah, ang kaluluwa niya ay ganoon din na natural na naniniwala sa katotohanang ang Allah lamang ang kanyang Panginoon at Tagapaglikha. Subalit ang mga bata ay napilitang sumunod na lamang sa kagustuhan ng kani-kanilang mga magulang dahil sa sila ay wala pang kakayahan na sumuway sa kagustuhan ng kanilang mga magulang. Ang relihiyon na sinusunod ng bata sa panahong ito ay ang nakaugalian o nakagisnan lamang ng bata at siya ay hindi pa mananagot sa bagay na ito sa panahong nabanggit. Subalit kapag ang isang bata ay nagka-isip at lumaki na at ang maliwanag na katotohanan o kamalian ay naipakita na sa kanya, ang dapat niyang piliin ay ang tunay na relihiyon, ang tunay na pamamaraan ng pagsamba sa Tagapaglikha na base sa kaalaman at katuwiran. Sa panahong ding ito, gagawin ng mga demonyo ang lahat ng kanilang nalalaman upang panatiliin siya sa maling pananampalataya o dili kaya ay palayuin siya sa tunay na pananampalataya at lalo siyang maligaw.

Ang mga kasamaan ay pinapaganda at ginagawang kahali-halina ng mga demonyo sa kanyang paningin at kailangang mabuhay siya ng may pakikibaka sa pagitan ng kanyang Fitrah at kanyang mga pagnanasa upang makita niya ang matuwid na daan. Kung ang pipiliin niya ay ang kanyang Fitrah, tutulungan siya ng Allah na mapangibabawan ang kanyang pagnanasa kahit pa nga gugulin pa niya ang buong buhay niya sa pagtakas dito; maraming mga tao ang yumayakap sa pananampalatayang Islam sa kanilang katandaan at marami rin naman ang yumayakap bago pa man dumating ang kanilang katandaan.

Dahil sa mga makapangyarihang puwersa na kumakalaban sa Fitrah ng isang tao, ang Allah ay pumili ng mga matutuwid at dalisay na tao upang ipagkaloob sa kanila ang mga rebelasyon na siyang magtatama at tatanglaw sa matuwid na landas ng buhay. Ang mga taong ito na ating tinatawag na mga Propeta at Mensahero ay ipinadala upang tulungan ang ating Fitrah na talunin nito ang kanyang kalaban.

Ang mga katotohanan at mga mabubuting gawain na ating makikita sa sanlibutan ay nagmula sa kanilang mga katuruan, at kung wala ang kanilang mga katuruan, wala nang makikita pang kapayapaan o ligtas na lugar dito sa sandaigdigan.

Samakatuwid, tungkulin ng bawat tao ang sumunod at ipamuhay ang batas at pamamaraan ng mga propeta sa dahilang ito lamang ang tamang daan na dapat tahakin ninuman na hindi kumukontra sa kanyang naturalesa. Kailangan ang ibayong pag-iingat na hindi porke ito ang ginawa o isinasagawa ng kanyang mga magulang ay yaon na din ang kanyang gagawin lalo pa nga at kung dumating sa kanya ang kaalaman na ang mga ganitong pagkilos at gawi ay mali at paglapastangan sa Nag-iisang Tunay na Tagapaglikha. Kung hindi niya susundin ang katotohanan, siya ay mapapabilang sa mga taong naligaw. Kung ang ipinag-uutos ng ating mga magulang ay taliwas sa mga ipinag-utos ng mga propeta, kung gayon ipinagbawal ng Allah ang pagsunod natin sa kanila.

IPINANGANAK NA MUSLIM

Yaong mga masuwerteng isinilang sa pamilyang Muslim ay dapat na makabatid na hindi porke isinilang siya sa pamilyang Muslim at may pangalang Muslim ay nakatitiyak nang papasok ng paraiso. Ito ay sa dahilang ang Propeta Muhammadr ay nagbabala na malaking parte ng mga Muslim ang susunod sa mga Hudyo at mga Kristiyano, na kahit na sila ay sumuot pa sa napakaliit na butas, may mga Muslim na susunod pa rin sa kanila. (Sahih Al-Bukhari, vol.9 pp.314-315, no 422.

Sinabi rin ng Propetar na bago dumating ang Huling Araw, may mga Muslim na sasamba sa mga diyus-diyosan. (Sahih Al-Bukhari vol.9, p.178, no 232)

Ang mga taong ito ay may mga Muslim na pangalan at itinuturing ang kanilang mga sarili bilang mga Muslim, subalit ito ay hindi magbibigay sa kanila ng kahit na anong benepisyo sa Araw ng Paghuhukom. Sa ngayon, may mga Muslim sa ibat-ibang parte ng mundo na nagdarasal sa mga patay, nagtatayo ng mga masjid sa ibabaw ng mga libingan at nagsasagawa ng mga pagsamba sa mga ito. May mga nag-aangking Muslim na sumasamba kay Ali bilang ang Allah (Nusayris ng Syria at ang Druzes ng Palestine at Lebanon). Ang iba naman ay nagturing sa Banal na Qur-an bilang isang uri ng anting-anting na isinasabit nila sa kanilang mga leeg, sa mga sasakyan o sa mga key chains.

Samakatuwid, yaong mga isinilang sa mundo ng mga Muslim na bulag na yumakap at sumunod sa mga maling gawain at paniniwala ng kanilang mga magulang, ay dapat na tumigil sumandali, at masusing pag-isipan kung sila ba ay Muslim lamang dahil sa pagkakataon o pinili nilang maging isang Muslim?

ANG KASUNDUAN

Ang kasunduan na ipinangako ng bawat tao sa Allah bago pa man sila likhain ay ang pagkilala sa Allah bilang ang kanyang natatanging Rabb at hindi ididirekta ang anumang uri ng pagsamba sa iba maliban sa Kanya. Ito ang kahulugan ng Shahada (ang deklarasyon ng paniniwala) na kinakailangang sambitin at ipamuhay nang bawat isa upang siya ay maging isang tunay na Muslim.

La ilaha illa-Allah, walang sinuman ang may karapatang sambahin kundi ang Allah ay kilala rin bilang Kalimah at-Tawheed, ang testamento sa Kaisahan ng Allah. Ang pagtestigo sa Kaisahan ng Allah sa mundong ito ay kumpirmasyon lamang ng pangakong kasunduan ng isang tao sa kanyang Tagapaglikha noong siya ay nasa kalagayang espiritu pa. Subalit nanatili pa rin ang katanungang: Papaano natin maisasakatuparan ang naturang kasunduan?

Ang kasunduang ito ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng dalisay na paniniwala sa Tawheed at pagsasabuhay nito sa pang-araw-araw niyang pamumuhay. Ang Tawheed  ay naisasagawa sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng uri ng gawain ng pagtatambal sa Allah (Shirk) at sa istriktong pagsunod sa huling mensahero na ipinadala ng Allah upang maging modelo at huwaran na ang pamumuhay ay base sa prinsipyo ng Tawheed.

Noong idiniklara ng tao na ang Allah lamang ang kanyang Rabb, kailangan niyang mabatid na ang mga mabubuting gawa ay kailangang base lamang sa mensahe ng Allah at sa ipinaliwanag ng huling Propeta Muhammadr bilang tunay na kabutihan at ganundin sa kasamaan.

Ang ganitong sistema ay mahalaga sa kadahilanang may mga gawain na sa palagay ng isang tao ay mabuti subalit sa paningin pala ng Allah ito ay isang uri ng paglapastangan sa Kanya. Bilang halimbawa, kung ang isang pulubi ay may nais sa isang hari, mas makabubuti sa pulubing ito na makiusap muna sa isang prinsipe o sa isang tao na malapit sa hari na siyang magsasalita para sa kanya. Base rito, sinasabi ng ibang tao na walang kaalaman, na kung gusto niya talagang sagutin ng Allah ang kanyang panalangin, kailangang manalangin muna siya sa isang propeta o sa isang santo na ipanalangin siya ng mga ito dahil siya ay marumi sa mga kasalanang kanyang nagagawa sa araw-araw. Masasabi nating ito ay may katwiran, subalit maliwanag na sinabi ng Allah at ng Kanyang Propetar na kung mananalangin ang isang tao ay dumiretsa siyang manalangin sa Allah at huwag gumamit ng anumang tagapamagitan.

Sa kabilang banda naman, may mga gawain na sa tingin ng iba ay masama subalit sa katotohanan ay mabuti para sa sangkatauhan. Ang halimbawa nito; sinasabi ng ibang tao na ang pagputol ng kamay para sa mga taong napatunayang nagnakaw at ang pagpalo sa mga taong uminom ng alak ay hindi makatao, at maaring maramdaman ng iba na ang mga parusang ito ay sobra at hindi tama, subalit ang mga kaparusahang ito ay ipinag-utos nang Allah at nang Kanyang Propetar at ang mabuting resulta nito ang siyang makapagsasabi kung ito nga ay tama o mali.

Samakatuwid, ang kasunduan sa Allah ay maisasakatuparan lamang ng isang Muslim sa pamamagitan ng pagpili, kahit pa ang kanyang mga magulang ay Muslim o hindi, at ang aplikasyon ng kasunduan, sa katotohanan ay ang implementasyon ng mga prinsipyo ng pananampalatayang Islam. Ang Fitrah ng isang tao ang basehan ng Islam, kaya kapag ipinamuhay niya ang Islam sa kabuuan, ang kanyang panlabas na mga gawain at pag-uugali ay umaayon sa kanyang naturalesa.

Kapag ito ay nangyari , mapag-iisa niya ang kanyang panlabas (pisikal) at panloob (espiritwal) na katauhan na siyang susi sa aspeto ng Tawheed. Ang resulta ng aspeto ito ng Tawheed ay ang pagkakalikha sa isang tunay na matuwid na tao sa katauhan ni Adan, na kung kanino sinanhi ng Allah na yumukod at magpatirapa ang mga anghel at siyang pinili ng Allah upang mamahala dito sa daigdig. Ang taong maingat na ipinamumuhay ang Tawheed ay ang siya lamang maaaring humatol at mamuno sa daigdig na may tunay na katarungan.

Ikalawang Kabanata

iv. GAYUMA, ANTING-ANTING AT MGA PAMAHIIN

Sa unang kabanata ng Tawheed, ipinaliwanag ang Tawheed Ar-Ruboobeeyah bilang ang pagkakabatid at pagkakilala sa Allah bilang Siyang Natatanging Rabb, ang Natatanging Tagapaglikha at Nangangasiwa sa lahat ng mga nilikha, sa langit man o sa lupa. Ang paglikha, pagpapanatili, pangangasiwa at ang pagkawasak ng sandaigdigan at ang lahat ng mga naandito ay sa pamamagitan lamang ng Kautusan ng Allah at ang mga mabubuti at masasamang kapalaran ay ayon lamang sa Kagustuhan ng Allah.

Subalit ang mga tao, sa lahat ng panahon, ay laging nagtatanong: Mayroon bang paraan upang malaman ang mga bagay na darating at mangyayari sa panghinaharap, mabuti man ito o masama? Ito ay sa kadahilanang, kung mayroong paraan upang malaman ang mangyayari sa hinaharap, ang kamalasan ay maiiwasan at ang tagumpay ay siguradong makakamtan. Mula pa noong unang panahon, may mga tao na nag-angkin ng mga kasinungaling batid nila ang mga nakatagong kaalaman at ang mga ignoranteng mga tao ay nagtutungo sa kanila, nagbabayad ng malalaking kayamanan upang makuha ang mahalagang impormasyon na ito. Ilan sa mga pamamaraan upang maiwasan ang kamalasan ay naging pangkaraniwang kaalaman na lamang; kaya ang paglago at pagdami ng mga anting-anting, gayuma at talisman ay makikita sa maraming lugar. Subalit meron din namang mga parte ng kaalaman na nanatiling sekreto at ito ay naipasa, generasyon sa generasyon, sa ilang porma ng mga kulto ng panghuhula at mahika.

Napakahalagang magkaroon ng maliwanag na konsepto ng Islam sa mga ganitong gawain dahil ito ay talamak na nakakalat na sa lipunan. Siguro, na mas mahalaga pa ay ang katotohanan na kung ito ay hindi maliwanag na maiintindihan at mauunawaan, ang isang Muslim ay maaaring mahulog sa patibong na ito; sa malaking kasalanan ng Shirk na siyang ugat ng lahat ng ganitong gawain.

ANTING-ANTING AT GAYUMA

Naging gawain na ng mga Arabo kahit noong kapanahunan ng Propetar ang magsuot ng mga pulseras, bangles, kuwintas atbp. bilang mga anting-anting upang maiwasan ang kamalasan at magbigay ng swerte o kabutihan.

Ang mga talisman, mga anting-anting at gayuma ay makikita natin sa ibat-ibang panig ng kapuluan sa ibat-ibang hugis o porma. Katulad ng nabanggit kanina, ang paniniwala sa mga ito ay sumasalungat sa tunay na paniniwala sa Kaisahan ng Allah sa Kanyang pagiging Natatanging Rabb sa pamamagitan ng pagbibigay ng katangian sa mga nilikhang bagay ng kapangyarihan na pumigil sa kamalasan at magdala ng kabutihan.

Mariing sinasalungat ng Islam ang lahat ng uri ng ganitong paniniwala na nangyari noong kapanahunan ng Huling Propetar upang itatag ang pundasyon na magiging basehan na kung saan ang mga katulad na paniniwala at gawain (ng mga anting-anting, talisman at gayuma) ay tutuligsain at ipagbabawal saanman at kailanman ito muling magaganap at mangyayari.

Ang ganitong mga paniniwala, sa katotohanan ay ang siyang nagbibigay ng ideolohikang basehan sa pagsamba sa mga idolo sa mga paganong lugar at ang mga ito (anting-anting, talisman at gayuma) ay kumakatawan sa isang sangay ng idolatriya. Ang ganitong pangyayari ay maliwanag na makikita sa Roman Catholic na sangay ng Kristiyanismo kung  saan si Propeta Hesusr ay ginawang diyos, at ang kanyang inang si Maria at ang iba pang mga santo at santa ay sinamba; ang mga larawan, estatwa, mga medalyon na naglalaman ng kanilang mga larawan ay iniingatan at isinusuot upang magdala ng kabutihan.

Noong tanggapin ng mga tao ang Islam noong kapanahunan ng Propetar, ang iba ay nadala pa rin ang kanilang paniniwala sa mga anting-anting na tinatawag sa wikang Arabic na Tamaa-im. Bunga nito, maraming naitalang mga paliwanag ang Propetar kung saan mahigpit niyang ipinagbabawal ang ganitong mga gawain.

Sinabi ni Imran ibn Husayn na noong nakita ng Propetar ang isang singsing na tanso sa pang-itaas na kamay ng isang tao, sinabi niyar : Kapighatian para sa iyo! Ano ito? Sumagot ang lalaki na ito ay kanyang proteksiyon laban sa pagkakasakit ng al-Waahinah (panghihina na maaaring tumutukoy sa pamamaga ng kasu-kasuan). Pagkatapos ay sinabi ng Propetar, (Alisin) ihagis mo iyan, katiyakan ito ay magdadagdag lamang sa iyong kahinaan. At kung ikaw ay mamatay na mayroon niyan, hindi ka magtatagumpay.

Samakatuwid, ang pagsusuot ng tanso o bakal na pulseras, singsing sa kamay at braso ng mga taong may sakit o nang taong walang karamdaman sa paniniwalang ito ay magpoproteksiyon sa kanya mula sa mga sakit o magpapagaling sa kanyang sakit ay mahigpit na ipinagbabawal. Ang ganitong mga gawain ay kabilang sa mga ipinagbabawal na paggamit ng mga Haram (ipinagbabawal) na gamot na kung saan ang Propetar ay nagsabi: Gamutin ninyo ang mga sakit, subalit huwag ninyong gagamutin ang mga sakit sa pamamagitan ng paggamit ng mga ipinagbabawal na bagay. (Sunan Abu Dawud, vol. 3, p.1087, no 3865)

Isinalaysay naman ni Abu Waaqid al-Laythee na nang maglakbay ang Propetar patungong Hunayn (ang lugar kung saan naganap ang huling pinakamalaking pakikipaglaban ng Propeta Muhammadr sa mga paganong Arabo na nangyari noong ika-10 taon pagkatapos ng Hijrah), nadaanan nila ang isang puno na tinatawag na Dhaatu Anwaat (may nakasabit na bagay). Ang mga pagano ay may kaugaliang isabit ang kanilang mga armas sa mga sanga nito para magdala ng kabutihan.

Ilan sa mga kasamahan ng Propetar na babago pa lamang yumakap ng Islam ang nagsabi sa Propetar na igawa rin sila ng katulad na puno para sa kanila. Sinabi ng Propetar: Subhanallah (luwalhati sa Allah)! Ito ay katulad din ng sinabi ng mga tao ni Moses sa kanya: Igawa mo kami ng diyos para sa amin katulad ng kanilang diyos! Sumusumpa ako sa Allah, na Siyang nagtatangan ng aking kaluluwa, susunod kayo sa mga yapak ng mga nauna sa inyo (mga Hudyo at Kristiyano).

Sa Hadeeth na ito, hindi lamang tinanggihan ng Propetar ang konsepto ng paniniwala sa mga anting-anting o talisman kundi inihula din niya na may mga Muslim na gagayahin ang mga ginagawa ng mga Hudyo at mga Kristiyano. Ang Dhikr na rosaryo ay laganap ngayon sa mga Muslim na panggagaya sa rosaryo ng mga Katoliko; ang Mawlid (pagdiriwang ng kaarawan ng Propetar ay panggagaya sa Pasko, at ang paniniwala ng ibang ligaw na Muslim sa mga santo at sa kanilang pamamagitan ay hindi rin kaiba sa matatagpuan sa Kristiyanismo. Ang hula ay naganap na.

Mariing binigyang diin ng Propetar ang panganib nang pagsusuot at paniniwala sa mga anting-anting sa pamamagitan ng paghingi ng sumpa ng Allah sa mga taong nagsasagawa ng mga ito. Isinalaysay ni Uqbah ibn Aamir na sinabi ng Propetar: Naway sanhiin ng Allah na hindi mapakali at mabigo ang sinumang nagsuot ng talisman o naglagay (nagbigay) nito sa iba. (Ahmad at Haakim).

Ang mga kasamahan ng Propetar ay maingat at istriktong sumunod sa mga ipinag-uutos ng Propetar ukol sa mga anting-anting, talisman at gayuma. Kaya naman, maraming mga tala ng pangyayari kung saan tahasan nilang tinutuligsa ang ganitong uri ng mga gawain sa lipunan ganundin ang kani-kanilang mga pamilya.

Isinalaysay ni Urwah na si Hudhayfah, isang kasamahan ng Propetar ay bumisita sa isang may sakit na tao at nakita niya ang pulseras sa may bandang itaas ng kanyang kamay, hinugot niya ito at sinira. Pagkatapos ay sinambit ni Hudhayfah ang bersikulo ng Banal na Qur’an: Karamihan sa kanila na naniniwala sa Allah ay nakakagawa ng kasalanang Shirk. (Surah Al-Yusuf, 12:106)

Sa isa namang okasyon, hinipo niya ang itaas na bahagi ng kamay ng isang may sakit at napag-alaman niya na may khayt (nakataling pulseras) na nakapalibot dito. Noong tinanong niya ang may sakit kung ano iyon, sinabi ng lalaki: Ito ay naglalaman ng gayuma na ginawa para talaga sa akin. Kinuha’t sinira niya ito at sinabing: Kung ikaw ay namatay na mayroon niyan, hindi ko isasagawa ang Salatul Janazah para sa iyo.

Ang asawa ni Abdullah ibn Masoud na si Zaynab ay nagsalaysay na nakita ni ibn Masoud ang isang kuwintas sa kanyang leeg at tinanong siya nito tungkol dito, siya ay sumagot: ito ay isang tali kung saan ang isang gayuma ay inilagay upang tulungan ako. Hinablot niya (Ibn Masoud) ito mula sa kanya, sinira at pagkatapos ay nagsabing: katiyakan na ang pamilya ni Abdullah ay walang pangangailangan sa pagsasagawa ng Shirk. Narinig ko na sinabi ng Propetar: Katiyakan na ang gayuma, talisman at mga anting-anting ay Shirk.

Sumagot si Zaynab: Bakit mo sinasabi ito? Ang aking mata ay parang binabaltak (hinahatak o hinihila) at noong nagpunta ako kay ganoon, ganito na isang Hudyo, may inilagay siyang bulong o gayuma dito at ito ay gumaling. Sinabi ni Ibn Masoud: Walang pag-aalinlangan na ito ay kagagawan ng demonyo na siyang sumusundot sa iyong mata at nang ipagamot mo ito, umalis na ang demonyo. Sapat nang sabihin mo na lamang ang sinabi ng Propetar: Idh-habil-ba’s Rabban-naas washfi antash-shaafee Laa shifaa illaa shifaa’uk shiffaa’an laa yughaadiruhu saqamaa (Pawiin mo ang paghihirap, O Rabb ng sangkatauhan at pagalingin Mo ito ng lubusan dahil Ikaw lamang ang tunay na Tagapagpagaling. Walang anumang lunas maliban sa Iyong gamot, ang lunas na hindi na susundan ng pagkakasakit.)

ALITUNTUNIN UKOL SA GAYUMA (ANTING-ANTING, TALISMAN)

Katulad ng nabanggit kanina, ang pagbabawal sa mga anting-anting, talisman at gayuma ay hindi lamang limitado sa mga anyong ginamit ng mga Arabo na mariing tinuligas ng Propetar. Ang kahit na anong bagay na ginamit sa magkatulad na layunin (sa pangkukulam, anting-anting o galing), ang pagbabawal sa mga ito ay mahigpit ding ipinatutupad. Ang paggamit ng ibat-ibang uri o anyo ng mga galing, gayuma, karisma, anting-anting o talisman ay laganap sa Kanluraning Bansa kahit pa nga sabihin nating ang bansang ito ay nakarating na sa masulong na teknolohiya at mga sientipikong gawain. Ang mga ito ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng isang tao kaya kukunting tao na lamang ang nagbibigay ng pansin ukol dito, subalit kung pag-aaralan at pag-iisipang mabuti ang mga pinagmulan ng ganitong mga gawain, ang gawaing Shirk ay maliwanag na makikita at mababanaag. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa dalawang halimbawa ng kilalang-kilalang uri ng talisman sa Kanluraning lipunan.

1.)  Paa ng Kuneho. Ang paa ng kuneho o ang ginto at ang pilak na replika ng paa ng kuneho ay inilalagay sa mga kuwentas at pulseras bilang panggayuma sa mabuting kapalaran ng milyong-milyong tao sa Kanluran. Ang paniniwalang ito ay nagsimula base sa nakaugaliang pagpadyak o pagkalabog ng paa ng kuneho sa lupa. Ayon sa mga matatandang kasabihan, ang mga kuneho ay nakikipag-usap sa mga espiritu sa ilalim ng lupa kapag ipinapadyak nila ang kanilang mga paa. Kaya nga, ang paa ay ini-ingatan bilang paraan ng pagbabatid o pagpapaalam sa mga espiritu ng kanilang mga kahilingan at bilang gayuma upang dumating ang swerte o mabuting kapalaran.

2.)  Horseshoe (bakal ng kabayo). Maraming mga bahay sa Amerika ang may nakasabit na horseshoe sa kanilang mga pintuan, ang mga malilit na hugis o anyo ay isinusuot din sa mga pulseras, singsing, key chains, o kuwintas, sa paniniwalang ito ay magdadala ng swerte at mabuting kapalaran. Ang pinagmulan ng paniniwalang ito ay makikita sa Mitolohiya ng mga Griego. Sa matandang Griego, ang mga kabayo ay itinuturing na mga sagradong hayop. At kung ang isang horseshoe ay isasabit sa pintuan ng bahay ito ay magdadala daw ng mabuting kapalaran. Kailangang ang bukas na dulo ng horseshoe ay nakaturo pataas, sa paniniwalang ito ay magtatangan ng mabuting kapalaran at kung ito naman ay nakaturo pababa, naniniwala sila na matatapon o malalaglag ang swerte sa buhay.

Ang paniniwala sa mga gayuma, talisman o anting-anting ay ang pagbibigay sa mga nilikhang bagay ng mga dibinong kapangyarihan upang maiwasan ang mga kamalasan na sa katunayan ay pag-aari lamang ng Nag-iisang Tunay na Tagapaglikha, ang Allah. Sa katotohanan ay itinuturing pa nilang mas makapangyarihan ang mga anting-anting, talisman o gayuma sa Allah, ito ay dahil sa paniniwala nilang maaari nilang maiwasan ang itinakdang kamalasan ng Allah sa kanila sa pamamagitan ng mga ito. Kaya naman, ang paniniwala sa mga ito ay isang maliwanag na paglapastangan sa Nag-iisang Tunay na Diyos naTagapaglikha, isang Shirk, katulad nang ipinihayag ni Ibn Masoud.

Isinalaysay ni Uqbah Ibn Aamir na noong may sampung katao na nagtungo sa Propetar, ang tinanggap lamang ng Propetar ay ang pagsumpa ng katapatan ng siyam na katao. Sila ay nagtanong: O Propeta ng Allah, bakit mo tinanggap sa aming siyam ang pagsumpa ng katapatan subalit ang isa ay hindi mo tinanggap. Sumagot ang Propetar: Katotohanang meron siyang pag-aaring talisman. Ipinasok nang lalaki ang kanyang kamay sa kanyang kapa, hinila ang talisman at saka sinira. Pagkatapos tanggapin nang Propetar ang pagsumpa ng katapatan ng lalaki sa kanya, siya ay nagsabi: Sinuman ang magsuot ng talisman ay nakagawa ng Shirk. (Kinolekta nina at-Tirmidhee at Ahmad)

ANG PAGGAMIT NG QUR’AN BILANG GAYUMA O TALISMAN

Ang mga Sahaabah (kasamahan) ng Propetar, katulad nila Ibn Masoud, Ibn Abbas at Hudhayfah ay mahigpit na tumututol sa paggamit at pagsusuot ng mga Qur’anic na talisman. Mayroong mga iskolar na kabilang sa mga Taabi’oon (estudyante ng mga Sahaabah), na pinapahintulutan ang paggamit nito subalit karamihan sa kanila ay hindi ito pinapayagan. Magkaganunpaman, ang teksto ng Hadith ng Propetar ay hindi namimili sa pagitan ng mga anting-anting na mayroong bersikulo ng Banal na Qur’an o yaong wala.

Walang anumang Hadith na naitala na pinahintulutan o pinayagan ng Propeta Muhammadr ang pagsusuot ng mga bersikulo ng Banal na Qur’an. Ang pagsusuot ng Qur’an bilang talisman o karisma ay taliwas sa pamamaraan ng Propeta sa paggamot sa mga kulam at pagpapalayas ng mga demonyo. Ang Sunnah ay bigkasin ang ilang kabanata ng Qur’an tulad ng Surah Al-Falaq (113) at Surah An-Nas (114) at ang bersikulo ng Ayatul Kursi (2: 255) kapag lumapit ang demonyo. Ang tanging pamamaraan upang makuha ang mabuting kapalaran sa Banal na Qur’an ay ang pagbasa nito at pagsasabuhay ng mga mensaheng nilalaman nito.

Sinabi ng Propetar: Kung sinuman ang bumigkas ng isang letter mula sa Aklat ng Allah ay magtatamo ng mabuting gawa at ang isang mabuting gawa ay katumbas ng sampung beses nang bigat nito. Hindi ko sinasabing ang Alif, Lam, Mim ay isang letra kundi ang Alif ay isang letra, ang Lam ay isang letra at ang Mim ay isang letra.

Ang pagsusuot ng Qur’an bilang anting-anting o karisma ay katulad din nang sa isang may sakit na tao na binigyan ng doktor ng reseta o preskripsiyon. Imbis na basahin niya at kunin ang gamot, inirolyo niya ito, inilagay sa isang supot at pagkatapos ay ginawang kwintas, sa paniniwalang ito ang siyang makapagpapagaling sa kanya.

Hangga’t ang isang tao ay nagsusuot ng Qur’an bilang isang uri ng anting-anting o galing at naniniwala siya na ito ang siyang magdadala sa kanya ng swerte at mag-aalis nang kamalasan, ang kapangyarihang kanselahin ang kung ano ang itinakdang kapalaran ng Allah ay ibinigay niya sa isang nilikha lamang. Samakatuwid, imbis na ang kanyang pagtitiwala ay sa Allah lamang, dito na lamang siya aasa at dedepende. Ito ang pinakabuod ng Shirk sa paggamit ng mga anting-anting, talisman, galing, karisma o gayuma.

Sinabi ni Eesa Ibn Hamzah: Minsan ay bumisita ako kay Abdullah Ibn Ukaym at nadatnan ko si Hamzah na kasama niya, tinanong ko si Abdullah: Hindi ka ba nagsusuot ng Tameemah (anting-anting)? Siya ay sumagot: Naway pangalagaan tayo ng Allah mula sa pagsasagawa ng bagay na iyon! Hindi mo ba alam na sinabi ng Mensahero ng Allahr: Kung sinuman ang magsuot ng kwintas o ng pulseras, dito na lamang siya aasa.

Ang gawi ng pagsasagawa ng Qur’an sa napakaliit nitong anyo na halos hindi na mabasa ng mga mata na may layuning isabit o isuot ay nag-aanyaya sa pagsasagawa ng Shirk. Katulad din nito ang pagpapalamuti sa bersikulo ng Ayatul Kursi na isinulat nang napakaliit, hindi mabasang mga letra at isinusuot bilang palamuti ay nag-aanyaya rin sa pagsasagawa ng Shirk.*

Ang mga Muslim ay kinakailangang maging maingat at iwasan ang paggamit ng Qur’an bilang talisman o panghikayat sa mabuting kapalaran. Sa pagsasabit nito sa mga sasakyan, sa key chains, pulseras o kwintas sa pamamaraan kung papaano ginagamit ng mga hindi Muslim ang kanilang mga anting-anting at talisman ay nagbubukas ng pintuan sa pagsasagawa ng Shirk.

PANGITAIN

Ang mga Arabo noong bago pa dumating ang Huling Sugor ay naniniwala na ang direksiyon kung saan ang ibon at mga hayop ay nagtungo ay senyales ng napipintong mabuti o masamang kapalaran at ipaplano nila ang kanilang buhay base sa mga pangitaing ito. Ang gawi ng pagbabasa ng mabuti at masamang pangitain sa mga ibon at mga hayop ay tinatawag na Tiyarah mula sa pandiwang Taara na ang ibig sabihin ay lumipad.

Bilang isang halimbawa, kung ang isang tao ay naglalakbay at mayroong isang ibon na lumipad sa ulunan niya at kumaliwa, iisipin niya na ito ay isang pahiwatig na may masamang mangyayaring magaganap, kaya ang gagawin niya siya ay tatalikod at babalik sa bahay niya. Pinawalang-bisa ng Islam ang mga ganitong gawain dahil ito ay sumisira sa pundasyon ng paniniwala sa Tawheed Al-Ebaadah at Tawheed Al-Asmaa Was-Sifaat:

1.) sa pamamagitan ng pagdirekta ng isang uri ng pagsamba na tinatawag na pagtitiwala (tawakkul) sa iba maliban sa Allah.

2.) sa pamamagitan ng paglalagay at pagbibigay sa mga tao o nilikha ng kapangyarihang malaman ang hinaharap, mabuti man o masama, at ang kakayahang maiwasan ang kapalarang itinakda ng Allah subhanahu wa taala.

Ang basehan ng pagbabawal ng paniniwala sa Tiyarah ay nakuha mula sa Hadeeth ng apo ng Propetar na si al-Husain, kung saan kanyang isinalaysay na sinabi ng Propetar : Kung sinuman ang naniwala o nagsagawa ng Tiyarah o ipinagawa niya ito para sa kanyang sarili, pinahulaan ang kanyang kapalaran sa hinaharap o kaya ay nagsagawa ng pangungulam, ay hindi kabilang sa atin. Ang tinutukoy dito na atin ay ang Nasyon na sumusunod sa pananampalatayang Islam. Samakatuwid, ang Tiyarah ay itinuturing na kabilang doon sa mga gawain na naglalagay sa mga taong naniniwala sa gawaing ito sa labas ng Islam.

Pinasinungalingan ng Propeta Muhammadr ang epekto ng Tiyarah sa isa pang Hadeeth na isinalaysay ni Mu-aawiyah Ibn Al-Hakam. Sinabi ni Mu-aawiyah kay Propeta Muhammadr: Mayroong kabilang sa amin ang naniniwala at sumusunod sa mga pangitain sa ibon. Sumagot ang Propeta r Ito ay isang bagay na kayo lamang ang may likha o gawa, kaya huwag ninyong hayaan na pigilin kayo nito. Ang ibig sabihin nito ay huwag ninyong hayaang pigilin kayo sa mga bagay na inyong gagawin ng mga pangitaing ito dahil ang ganitong pangitain ay gawa-gawa at walang katotohanan na produkto lamang ng malikot na imahinasyon ng mga tao.

Kaya naman, ipinaliwanag na mabuti ng Propetar na hindi ginawa ng Allah subhanahu wa taala, na maging palatandaan o senyales ang direksiyon na liliparan ng ibon. Walang anumang tagumpay o kalamidad ang naganap dahil sa direksiyon ng paglipad ng mga ibon.

Ang mga Sahaabah ng Propetar ay mahigpit na tinatanggihan ang lahat ng manipestasyon o anyo ng anumang paniniwala sa pangitain sa mga ibon. Bilang halimbawa, sinabi ni Ikrimah: Minsan kami ay nakaupo kasama si Ibn Abbaas, nang may isang ibon na lumipad sa aming ulunan at sumigaw ng matinis o humiyaw. May isang lalaki na kabilang sa grupo ang biglang nagsabi: Mabuti! mabuti! Pinagsabihan siya ni Ibn Abbaas: Walang anumang kabutihan o kasamaan diyan. (Tayzeer Al-Azeez al-Hameed, p. 428)

Isinalaysay ni Aaeshah t na sinabi ng Propeta Muhammadr na ang mga tao noong hindi pa siya isinusugo bilang propeta ay nagsasabi, Walang pag-aalinlangan na ang Tiyarah (masamang pangitain) ay nasa mga kababaihan, sa mga bahay at sa hayop na sinasakyan. Pagkatapos ay binigkas niya (Aaeshah) ang bersikulong: Walang anumang karamdaman o kaguluhan ang dadapo sa daigdig o magaganap sa inyo kundi ayon sa kung ano ang nakasulat na. (Surah Al-Hadeed 57:22)

At sinabi ng Propetar ang mas maliwanag na paliwanag hinggil dito, sinabi niyar: Kung sakaling may magaganap na masamang pangitain, ito ay kalimitang mangyayari sa mga bagay, sa kababaihan, o sa mga kabayo. Sahih Al-Bukhari p.435, no 649

Maliwanag sa salaysay na ito na hindi kinukumpirma ng Propetar ang pagkakaroon ng masamang pangitain. Itinuturo niya lamang ang mga bagay o lugar kung saan ito ay posible o maaaring mangyari o maganap kung ito nga ay katotohanan.

Ang dahilan kung bakit ang tatlong ito ang sinabi ng tahasan ay sa kadahilanang ang mga negatibong pangyayari ay kadalasang sa kanila nangyayari dahil noong kapanahunan nila ang tatlong ito ang ilan sa pinakaimportanteng bagay sa buhay ng isang lalaki. Kaya naman, nagbigay at nagpayo ang Propetar ng panalangin ng paghingi ng kalinga na sasabihin o uusalin ng isang tao bago niya ariin o pasukin ang mga ito.

Sinabi ng Propetar: Sinuman sa inyo ang magpapakasal sa isang babae o umupa ng isang katulong, dapat ay hawakan niya muna ang bumbunan nito, bigkasin ang pangalan ng Allah subhanahu wa taala, manalangin para sa mga biyaya, at pagkatapos ay sabihin: Allahumma innee as-aluka khayrahaa wa khayra maa jabaltahaa alayh wa a-oudhu bika min shar-rihaa wa sharri maa jabaltahaa alayh.

O Allah hinihiling ko sa Iyo ang pinakamabuti sa kanya at ang nilikha Mong pinakamabuting parte na bahagi ng kanyang naturalesa. Hinihiling ko rin sa Iyo ang kalinga laban sa kanyang kasamaan at sa kasamaan na Iyong nilikha na kabilang sa kanyang naturalesa. At kung siya ay bumili ng isang kamelyo, hawakan niya ang pinakamataas na bahagi sa umbok ng kamelyo at ganundin ang kanyang sabihin. Sunan Abu Dawud, vol. 2, p. 579, no 2155.

Naisalaysay din na sinabi ng Propetar na bago pumasok ang isang tao sa isang bahay, dapat ay bigkasin niya ang ganitong panalangin: A-oodhu bi kalimaa-til-laah at-taam-maati min shar-ri maa kha-laq. Ako ay nagpapakupkop sa perpektong Salita ng Allah, mula sa kasamaan na Kanyang nilikha. Muslim, vol.4, p. 1421, no. 6521. Isinalaysay ni Anas Ibn Maalik na sinabi ni Yahyaa Ibn Sa-eed na mayroong babae na nagtungo sa Propetar at nagsabi: O Mensahero ng Allah, mayroong isang bahay na maraming nakatira at ang kayamanan nila ay marami. Pagkatapos ay umunti ang bilang nila ang nawala ang lahat ng kayamanan. Pwede ba naming lisanin ito? Sumagot ang Propetar :Iwan ninyo ang bahay na yaon dahil ito ay isinumpa ng Allah. Sunan Abu Dawud, vol. 3, pp. 1099-1100, no. 3913.

Ipinabatid sa kanila ng Propetar na ang paglisan sa bahay ay hindi isang porma ng Tiyarah dahil ang lugar na ito ay naging pabigat sa kanilang kaisipan at kalooban dahil sa masamang nangyari at kalungkutan. Ito ay natural na damdamin na inilagay ng Allah sa damdamin ng bawat tao. Kapag ang isang tao ay nakaranas ng masama o kamalasan sa isang bagay, kamumuhian niya ito at ang nais niya ay makaiwas dito, kahit pa nga hindi talaga ang bagay na iyon ang naging sanhi ng kanyang kabiguan. Dapat din nating isipin na ang pakiusap na ito ay naganap pagkatapos ang isang kamalasan at hindi bago ito naganap. Tama lamang na sabihin na ang isang lugar o bagay ay isinumpa ng Allah dahil sa kabiguang sumapit dito. Isinumpa sa kapaliwanagang sila ay pinarusahan ng Allah dahil sa mga kasamaang kanilang nagawa. Sa kabilang banda, minamahal ng isang tao at nais niya ay laging malapit sa mga bagay na nagbibigay sa kanya ng swerte at tagumpay. Ang damdaming ito ay masasabi nating hindi pa Tiyarah, subalit kung ito ay mauunawan at isasagawa ng mali, ito ay maaaring mauwi sa Tiyarah at Shirk. Ang pagbabago ay nangyayari kapag ang isang indibidwal ay umiiwas na sa mga lugar o bagay kung saan ang iba ay nakaranas ng malas at kabiguan o dili kaya ay hinahanap niya ang bagay o lugar kung saan ang iba ay nakaranas ng swerte at kabutihan. Iniisip na niya na ang katangian ng masama at mabuting kapalaran ay dahil sa lugar at bagay at baka dumating pa ang panahon na magsagawa pa siya ng mga pagsamba sa lugar na ito.

FA-L (MABUTING PANGITAIN)

Iniulat ni Anast na sinabi ng Propetar: Walang pagkakahawa (paglipat ng sakit ng isang bagay patungo sa isang bagay) o Tiyarah, subalit ang Fa-l gusto ko. Tinanong siya ng mga Sahabah, ano kung gayon ang Fa-l? Siya ay sumagot: Mabuting salita. {Al-Bukhari, vol.7, p. 436, no. 651}

Ang pagkilala ng masamang pangitain sa mga bagay ay nagpapahiwatig ng masamang kaisipin ukol sa Allah at ang pagkakaroon ng mga idea o isiping naglalaman ng Shirk. Kahit na sabihin pa na ang mabuting pangitain ay mas positibong daan patungo sa Allah, kasangkot pa rin dito ang pagsasagawa ng Shirk na paglalagay ng dibinong kapangyarihan sa isang nilikhang bagay.

Ito ang dahilan kung bakit nabigla ang mga Sahaabah nang sabihin ng Propeta Muhammadr ang pagkagusto niya sa tinatawag na Fa-l, isang magandang pangitain. Magkaganun pa man, maliwanag na ipinaliwanag sa kanila ng Propetar ang limitadong aspeto ng tinatawag na Fa-l na katanggap-tanggap sa batas ng Islam. Ito ay yaong paggamit ng mga terminong magbibigay pag-asa sa isang tao. Katulad na lamang halimbawa ay ang pagbibigay ng alyas sa isang may sakit na tao nang pangalang Saalim (magaling) o doon sa isa na nawalan ng isang bagay nang Waajid (tagahanap). Ang paggamit ng mga ganitong termino o ng iba na katulad nito ay nagbibigay pag-asa at panibagong sigla doon sa mga kinapus-palad at nagbibigay ng maayos na damdamin sa isang tao. Ang mga mananampalataya ay mahigpit na tinatagubilinan na panatiliin ang pag-asa at positibong kaisipan tungkol sa Allah sa lahat ng panahon.

BATAS NG ISLAM UKOL SA MGA PANGITAIN

Maliwanag na mababanaag at mauunawaan mula sa mga tinalakay na Hadeeth na ang Tiyaarah ay tumutukoy sa pangkalahatang paniniwala sa mga pamahiin. Ang prinsipyo ng pagkuha ng kapalaran mula sa paglipad o paggalaw ng mga ibon ay mariin at maliwanag na tinanggihan ng Sunnah ng Propeta Muhammadr. Kinuha ng mga sinaunang Arabo ang kanilang mga pamahiin mula sa mga ibon samantalang ang iba naman ang ginamit ng ibang nasyon, subalit ang prinsipyong nakapaloob dito ay iisa. Magkaminsan, kung mauunawan lamang talaga kung ano ang pinagmulan ng mga pamahiing ito, ang pagsasagawa ng Shirk ay mas nagiging malinaw. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa hindi mabilang na mga pamahiin na makikita ngayon sa Kanluraning Bansa.

1.)   Knock on Wood {pagkatok sa kahoy}: kapag ang isang tao ay nais magpasalamat dahil sa isang bagay at umasa at nagnais na ang kanyang swerte ay hindi magbabago, sasabihin niyang: knock no wood, at tapos ay maghahanap ng kahoy upang katukin o paluin. Ang paniniwalang ito ay nag-ugat mahabang panahon na ang nakalilipas sa Europa sa paniniwalang ang diyos ay naninirahan sa loob ng kahoy. Upang hingin ang pabor o swerte sa diyos ng kahoy, hihipuin o kakatukin nila ang kahoy. Kapag ang kanilang mithiin ay natupad, kakatukin nilang muli ang kahoy upang magpasalamat sa diyos ng kahoy.

2.)   Spilling Salt (pagtatapon ng asin): maraming tao ang naniniwala na kapag natapon ang asin, ang kasunod nito ay kamalasan para sa isang tao, kaya naman ang natapong asin ay itatapon sa kaliwang balikat upang kontrohin ito. Ang ugat ng paniniwalang ito ay nakabase sa kakayahan ng asin na panatilihing sariwa ang isang bagay. Ito ay dulot daw ng kapangyarihang nagmumula dito, ayon sa mga sinaunang tao. Kaya naman daw, ang pagkakatapon ng asin ay palatandaan na may kamalasang darating. Dahil sa paniniwala ng mga tao na ang masamang espiritu ay nakatira sa kaliwang bahagi ng katawan, at ang pagtatapon ng asin sa may kaliwang balikat ay ang siyang magpapakuntento sa mga espiritung ito.

3.)   Breaking a Mirror: maraming tao ang naniniwala na ang aksidenteng pagkakabasag ng salamin ay tanda ng pitong taon ng kamalasan. Ang mga sinaunang tao ay naniwala na ang kanilang repleksiyon sa tubig ay ang kanilang mga kaluluwa. Kaya naman daw, kapag ang kanilang repleksiyon ay nasira (kapag mayroong nagtapon ng bato sa tubig), ay masisira na rin ang kanilang kaluluwa. Noong ang salamin ay naimbento, ang paniniwalang ito sa tubig ay nalipat sa salamin.

4.)   Black Cats (Itim na Pusa): sa maraming tao, ang pagbagtas o pagtawid ng itim na pusa sa kanilang daraanan ay nagsasaad ng mangyayaring kamalasan. Ang paniniwalang ito ay nagsimula noong Middle Ages kung saan ang mga tao ay naniwala na ang mga itim na pusa ay mga alaga ng mga mangkukulam. Ang mga nasabing mangkukulam ay gumagawa ng magic na alak mula sa pinaghalog utak ng itim na pusa, bahagi ng palaka, ahas at mga insekto. Sinasabi nila na kapag ang alagang pusa ng isang mangkukulam ay nabuhay nang pitong taon nang hindi ito naisasamang panghalo sa alak, ang pusang ito ay magiging isang mangkukulam.

5.)   Number 13 (Numero-13): sa Amerika, ang bilang 13 ay itinuturing na malas na numero, kaya naman karamihan sa mga apartment na may 13 palapag ito ay tinatawag na ika-14. Ang Biernes a-13 ay itinuturing bilang natatanging araw ng kamalasan at maraming tao ang umiiwas maglakbay o gumawa ng anuman sa nasabing araw. Kapag may masamang nangyari sa kanila sa araw na ito, sasabihin nilang ito ay dahil ngayon ay Biernes a-13. Ang paniniwalang ito ay hindi lamang nakaapekto sa mga ordinaryong tao na katulad ng iniisip ng iba. Bilang halimbawa, ang flight commander ng Apollo noong 1970 patungong buwan, na muntik nang mauwi sa isang malaking trahedya, ay nagpaliwanag sa mga tao pagbalik niya sa daigdig na dapat sana ay nabatid niya na mayroon talagang masamang mangyayari bago pa man sila umalis patungong buwan. Noong siya ay tanungin kung bakit, sinabi niya na ang paglalakbay na kanilang isinagawa ay nangyari sa araw ng Biernes a-13, nag-blast off sa ika-1300 hours (one o’clock), at ang flight number ay Apollo 13. Ang paniniwalang ito ay nag-ugat sa gabi ng huling hapunan nina Jesus at ng kanyang mga disipulo na nakasaad sa Bibliya. Isa sa 13 ay si Judas, na sinasabi ng mga Kristiyano na siyang nagkanulo kay Jesus. Ang Biernes a-13 ay itinuturing na espesyal na araw ng kamalasan dahil daw sa dalawang kadahilanan. Una, Biernes ang araw noong si Jesus daw ay ipinako sa krus. At ayon sa mga sinaunang tao, ang pagtitipon-tipon ng mga mangkukulam ay isinasagawa tuwing araw ng Biernes.

Sa mga paniniwalang ito ng mga tao, ang mga tao ay naging kabahagi ng Allah sa Kanyang kapangyarihan na magsanhi ng swerte o kamalasan. Ganundin naman, ang takot sa pagkakaroon ng kamalasan o ang pag-asa sa pagdating ng kabutihan o swerte na dapat ay para lamang sa Allah ay naidederekta at naitutuon sa iba na sa katotohanan ay wala namang mga kapangyarihan. Ang mga katangian ng pagkakabatid sa kinabukasan, sa mga bagay na mangyayari sa hinaharap at ang pagkakaalam sa mga bagay na hindi nakikita ay tanging sa Allah lamang at wala nang iba. Maliwanag itong isinaad nang Allah bilang bahagi ng Kanyang mga Katangian na Aalim al-Ghayb, ang Natatanging Nakaaalam ng mga Bagay na Hindi Nakikita. Ipinakita rin ng Allah sa Banal na Qur’an ang pag-amin ng Propeta Muhammadr, na kung sakaling batid at alam niya ang hinaharap, naiwasan niya sana ang lahat ng mga bagay na hindi maganda.

Kaya naman maituturing na ang paniniwala sa mga omen o pamahiin ay maliwanag na isang malaking kalapastangan sa harapan ng Tagapaglikha; Shirk sa tunay na kahulugan ng Tawheed. Isinalaysay ni Ibn Mas’uod (kalugdan nawa siya ng Allah) na sinabi ng Propeta Muhammadr na: “Ang Tiyarah ay Shirk! Ang Tiyarah ay Shirk! Ang Tiyarah ay Shirk!”. Ibinalita rin ni Abdullah ibn Amr ibn Al-‘Aas (kalugdan nawa sila ng Allah) na sinabi ng Propetar: “Sinuman sa inyo ang napigilan ng Tiyarah upang isagawa ang isang bagay, ay nakagawa ng Shirk”. Ang kanyang mga kasamahan ay nagtanong: “Ano ang pagtatakip-sala o ang paglilinis kapag ito ay naisagawa ng isang tao?”. Ang Propetar ay sumagot, sabihin: “Allah-humma laa khayra il-laa khayruk wa laa Tayra il-laa Tayruk wa la elaaha ghayruk”(Oh Allah, walang ibang kabutihan maliban sa Iyong kabutihan, o ibon maliban sa Iyo, at walang ibang Diyos maliban sa Iyo)

Sa mga nabanggit na Hadith, maliwanag na makikita na ang Tiyarah ay hindi lamang limitado sa mga ibon. Kabilang dito ang lahat ng uri ng paniniwala sa mga pamahiin. Ang mga paniniwalang ito ay nagbabago at nag-iiba mula sa iba’t-ibang lugar at panahon subalit ang mga ito ay Shirk at paglapastangan sa Kadakilaan ng Allah.

v. ANG PANGHUHULA AT PAGBASA NG KAPALARAN

Katulad ng nabanggit sa naunang kabanata, mayroong mga tao ang nag-aangkin na batid nila ang hinaharap, ang kinabukasan at ang mga bagay na hindi nakikita. Sila ay kilala sa iba’t-ibang pangalan katulad ng: fortune teller, soothsayer, foreseer, magician, astrologer, palmist atbp. Ang mga manghuhula ay gumagamit ng iba’t-ibang uri ng pamamaraan at mga tagapamagitan kung saan, inaangkin nilang dito nagmumula ang kanilang mga impormasyon, kabilang sa mga ito: pagbasa sa tea-leaves, pagguhit ng mga linya, pagsulat ng mga numero, pagtingin at pagbasa sa palad, sa mga horoscope, sa bolang kristal, paghagis ng mga buto o mga patpat (sticks) atbp.

Ang mga manghuhula na nag-aangkin na makakapagbukas ng kaalaman sa mga bagay na hindi nakikita at nag-aangkin na makapagsasabi ng hinaharap ay nahahati sa dalawang grupo:

1.)  Yaong sa katotohanan ay walang kaalaman kundi dumedepende lamang sa pagsasabi sa kanyang mga customer ng mga pangkaraniwang mga pangyayari na nagaganap sa mga tao. Ipinapakita nila kunwari sa mga tao na sila ay nagsasagawa ng mga ritwal at pagkatapos ay magbibigay ng mga hula.

Karamihan sa kanilang mga inihuhula ay karaniwang natutupad dahil sa ang mga ito ay mga pangkaraniwang pangyayari sa buhay ng isang tao. Karamihan sa mga tao ay madaling makaalaala at maniwala sa mga mangilan-ngilang inihula sa kanila at kalimutan naman ang napakaraming inihula sa kanila na hindi naman naganap. Ang ganitong pangyayari ay resulta ng katotohanan na pagkalipas lamang ng ilang sandali, ang lahat ng mga inihula ay halos makalimutan na at naging bahagi na lamang ng isipan hanggang sa mayroong pangyayari na magpapaalaala nito sa isang tao. Bilang halimbawa, naging kaugalian na sa North Amerika na ilathala, sa pag-uumpisa ng bagong taon ang mga inihula ng mga sikat na manghuhula. Noong magsagawa ng survey sa mga nagdaang hula para sa taong 1980, natuklasan na ang pinakawasto o eksakto sa kanyang panghuhula mula sa mga sikat na manghuhula ay 24% lamang ang naging tama sa lahat ng kanyang mga inihula!

2.)  Ang ikalawang grupo naman ay yaong mga tao na nakikipagkomunikasyon o gumagamit ng Jinn. Ang mabigat na kasalanang Shirk ay kaakibat ng grupong ito, at ang mga taong kabilang dito, magkaminsan ay may napakataas na porsiyento na magkatotoo ang kanilang mga prediksiyon, at maging wasto ang kanilang mga impormasyon.

ANG DAIGDIG NG MGA JINN

May mga tao na nagtangkang itanggi at itatwa ang katotohanan na mayroong mga Jinn kung saan sa Banal na Qur’an ay may isang kabanata na Suratul Jinn (Kab. 72) na inilaan para rito. Sa pagbabase sa literal na kahulugan ng salitang Jinn na Janna, Yajunnu: na ang ibig sabihin ay takpan, itago o isekreto, inangkin nila na ang salitang Jinn ay tumutukoy sa “maalam na dayuhan o banyaga”. Ang iba ay nagsabi pa nga na ang Jinn ay isang uri ng tao na walang pag-iisip subalit mayroon namang mabagsik at nag-aapoy na pag-uugali. Subali’t sa katotohanan, ang mga Jinn ay kumakatawan sa ibang uri ng nilikha ng Allah na kasa-kasamang nabubuhay ng mga tao dito sa daigdig. Ang mga Jinn ay naunang nilikha ng Allah bago Niya likhain ang sangkatauhan, iba rin ang uri ng materyal ang ginamit upang likhain ang mga Jinn, kaiba sa atin bilang mga tao. Sinabi ng Allah: “Walang pag-aalinlangan na nilikha Namin ang mga tao mula sa natuyong luwad na putik. At nilikha Namin ang mga Jinn bago (ang mga tao) mula sa alab ng apoy na walamg usok. Surah Al-Hijr (kabanata 15:26-27)

Sila ay pinangalanang Jinn sa kadahilanang sila ay nakatago sa paningin ng sangkatauhan. Si Iblees (Satanas) ay mula sa Jinn. Sa Islam, siya ay hindi itinuturing na isang fallen angel o isang anghel.

Ang Jinn ay maaaring hatiin sa tatlong kategorya ayon sa kanilang pamumuhay sa daigdig. Sinabi ng Propetar: “Mayroong tatlong uri ng Jinn: ang isang uri ay yaong mga lumilipad sa hangin sa lahat ng oras at panahon, ang isang uri naman ay nabubuhay bilang mga ahas at mga aso, at ang isa ay ang makadaigdig na uri na nagpapalipat-lipat ng tirahan sa iba’t ibang lugar sa daigdig.”

Ang Jinn ay maaari ding hatiin ayon sa kanilang pananampalataya: Muslim (mananampalataya) at ang mga walang pananampalataya. Surah Al-Jinn 72:1-4. Ang mga walang pananampalataya sa mga Jinn ay tinawag sa iba’t-ibang klase ng pangalan: Ifreet, Shaytaan, Qareen, demonyo, devil, espiritu, multo atbp. Ang mga tao ay sinusubukan nilang iligaw sa napakaraming mga pamamaraan. Kung sinuman ang susunod at makikinig sa kanila ay tinatawag na taong Shaytan (masamang tao).

Ang bawat tao ay may kasa-kasamang Jinn na tinatawag na Qareen (kasama). Ito ay bahagi ng pagsubok sa mga tao dito sa mundong ibabaw. Ang Jinn ay ang siyang nag-uudyok sa kanyang mga pagnanasa at palagi na ay inililigaw siya sa kanyang pagiging isang matuwid. Sinabi ng Propeta Muhammadr: “Ang bawa’t isa sa inyo ay may nakatalagang Jinn bilang kasama”. Nagtanong ang mga Sahabah: “kahit po kayo, Propetar?” Sinabi ng Propetar: “Kahit na ako ay mayroon din, dangan nga lamang ay tinulungan ako ng Allah laban sa kanya at siya ay sumunod. Ngayon, puro kabutihan na lamang ang sinasabi niya sa akin”.

Si Propeta Sulayman (Solomon)r ay pinagkalooban ng kapangyarihan upang kontrolin ang mga Jinn bilang tanda ng kanyang pagiging propeta. Sinabi ng Allah sa Surah An-Naml, 27:17: “At tinipon Namin ang mga sundalo ni Sulayman mula sa mga Jinn, sangkatauhan at mga ibon, at sila ay pinanatiling nasa kaayusan at hanay”.

Subalit ang kapangyarihang ito ay hindi ipinagkaloob sa iba maliban kay Propeta Sulaymanr: Walang sinuman ang pinahintulutan na kontrolin at hawakan ang mga Jinn. Sinabi ng Propetar: “Isang Ifreet (isang malakas na masamang Jinn) mula sa mga Jinn ang nakipag-away sa akin kagabi upang sirain ang aking Salaah. Subalit tinulungan ako ng Allah upang siya ay aking magapi at gusto ko sana siyang itali sa isa sa mga haligi ng masjid upang makita ninyo siya kinaumagahan. Pagkatapos ay naalala ko ang panalangin ng aking kapatid na si Propeta Sulaymanr: “O Aking Rabb, patawarin Mo po ako at ipagkaloob Mo sa akin ang isang kaharian na hindi Mo ipagkakaloob kaninuman maliban sa akin.” Surah As-Saad: 38: 35

Ang mga tao ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan upang kontrolin ang mga Jinn, dahil sa ito ay isang espesyal na himala na ipinagkaloob lamang kay Propeta Sulaymanr. Ang pakikipagkomunikasyon sa mga Jinn ay kinapapalooban ng pagsasagawa ng mga ritwal na kasuklam-suklam at ipinagbabawal sa matuwid na pananampalataya. Ang masamang Jinn na tinatawag sa ganitong gawain ay ang siyang magtutulak sa kanyang kapartner upang gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan at pag-iwas sa paniniwala sa Tagapaglikha. Ang kanilang layunin ay ang makaakay ng maraming mga nilikha sa pinakamatinding kasalanan, ang pagsamba sa iba o maglagay ng katambal sa pagsamba sa Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha.

Kapag nakontak at ang pakikipagkasundo sa mga Jinn ay naisagawa ng mga manghuhula, ang Jinn ay magbibigay sa kanila ng mga ilang pangyayari na magaganap sa hinaharap. Isinalarawan ng Propeta Muhammadr kung papaano ang mga Jinn ay nakakakuha ng mga impormasyon na magaganap sa hinaharap. Sinabi niyar na ang mga Jinn ay nagawang makapaglakbay sa pinakamababang antas ng lugar sa paraiso at makapakinig sa ilang mga impormasyon tungkol sa hinaharap na ipinapasa ng mga anghel sa isa’t-isa.

Ang mga Jinn, pagkatapos nilang makapakinig ng mga ito, ay dali-daling magbabalik sa daigdig at ibibigay ang mga impormasyong kanilang nakalap sa mga taong kanilang kontak. Ang mga ganitong pangyayari ay madalas mangyari noong hindi pa ipinapadala ang huling Propetar, at ang mga manghuhula noon ay napakagaling sa kanilang panghuhula. Nagawa pa nga nilang maabot ang mga matataas na posisyon sa mga Royal Courts, naging tanyag at ang iba pa nga ay sinamba sa ilang lugar at rehiyon sa daigdig.

Noong ang huling Propetar ay isinugo ng Allah ang sitwasyon ay nag-iba. Masusing pinabantayan ng Allah ang pinakamababang antas ng lugar sa paraiso sa mga anghel, at karamihan sa mga Jinn na nagpupumilit na makarating doon at makapakinig ng mga impormasyon sa hinaharap ay hinahabol ng mga meteor at ng mga bulalakaw (shooting star). Ito ay isinaad ng Allah sa Banal na Qur’an kung saan sinabi ng isang Jinn:

“Kami (Jinn) ay nagnais na maabot ang pinakamababang antas ng lugar ng kalangitan, upang marinig namin ang mga salitaan ng mga nakatira doon. Subalit pagtungo namin doon, ito ay puno ng mga anghel na mahigpit na nagbabantay at sinusunog ang sinumang lalapit sa kanila.”. Surah Al-Jinn 72:8-9

“At ginawardiyan Namin ito (ang kalangitan) mula sa lahat ng mga isinumpang mga demonyo, maliban doon sa isa na nagawang makaulinig ng mga impormasyon at siya ay hahabulin ng isang maliwanag at nagliliyab na apoy.” Surah Al-Hijr 15:17-18

Isinalaysay ni Ibn Abbas: Noong ang Propetar, kasama ang kanyang mga kasamahan ay nagtungo sa palengke ng Ukaadh, ang mga demonyo ay hinarangan at hindi pinahintulutan na makaulinig at makakuha ng impormasyon sa kalangitan. Tinutugis sila ng mga meteor at bulalakaw, kaya sila ay magbabalik sa kanilang mga lugar. Kapag tinanong sila ng mga tao nila kung ano ang nangyari, sasabihin ng iba: meron sigurong nangyari, at sila ay kakalat sa daigdig upang alamin ang pangyayaring ito. Ang ilan sa kanila ang nakakita at nakarinig sa Propetar at sa kanyang mga kasamahan habang sila ay nagdarasal at narinig nila ang Banal na Qur’an. Sinabi nila sa kanilang mga sarili na ito marahil ang dahilan kung bakit hindi na tayo pinapayagang makapakinig ng mga impormasyon ukol sa hinaharap. Noong sila ay nagbalik sa kanilang mga tao sinabi nila:

Katotohanan na aming napakinggan ang kataka-takang Qur’an. Ito ay naggagabay patungo sa kabutihan at sa pagiging makatarungan kaya naniwala kami ditto. At hindi kami maglalagay ng anumang katambal sa aming Panginoon. Surah Al-Jinn, 72: 1-2

Kaya nga ang mga Jinn ay hindi na makakuha ng mga impormasyon tungkol sa hinaharap na kasing dali noong hindi pa isinusugo ang Propeta Muhammadr. At dahil dito, hinahaluan na nila ng mga kasinungalingan ang kanilang mga impormasyon. Sinabi ng Propetar: Ipapasa ng mga Jinn ang kanilang mga impormasyon pababa hanggang sa ito ay makarating sa bibig ng mga mahikero o manghuhula. Magkaminsan, maaabutan sila ng bulalakaw o meteor bago nila ito maipasa sa ibang Jinn. At kung sakaling maipasa nila ito bago sila abutan ng bulalakaw, dadagdagan nila ito ng isang daang kasinungalingan..

Isinalaysay ni Aeshah (kalugdan nawa siya ng Allah) na noong tinanong niya ang Propetar tungkol sa mga manghuhula at sinabi niya sa kanya na ito ay hindi katotohanan. Pagkatapos ay sinabi niya sa Propetar na magkaminsan ay nagsasabi ang manghuhula ng mga bagay na nagkakatotoo. Sumagot ang Propetar sa kanya: Iyon ay ang maliit na bahagi ng katotohanan na ninakaw ng mga Jinn at ibinulong sa teynga ng kanyang kaibigan, subalit hinaluan niya ito ng isangdaang kasinungalingan.

Minsan, habang si Umar ibn al-Khattab (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nakaupo, dumaan sa harapan niya ang isang makisig na lalaki. Sinabi ni Umar: Kung hindi ako nagkakamali, ang taong ito ay sumusunod pa rin sa kanyang relihiyon, ang relihiyon bago dumating ang Islam o dili kaya, siya ay isang manghuhula. Ipinag-utos niya na tawagin ang lalaki at tanungin siya tungkol sa kanyang naiisip tungkol sa lalaki.

Ang lalaki ay nagsabi: ngayon lamang ako nakakita na ang isang Muslim ay nahaharap sa ganyang akusasyon. Sinabi ni Umar: Gusto ko talagang sabihin mo sa akin ang katotohanan. Ang lalaki ay nagwika: ako ay dating isang manghuhula noong panahon ng kamangmangan. Noong marinig ito ni Umar, siya ay nagtanong: Sabihin mo sa akin ang kakaibang bagay na ang kaibigan mong babaeng Jinn ay ipinahayag sa iyo. Sinabi ng lalaki: Isang araw habang ako ay nasa palengke, siya ay lumapit sa akin na alalang-alala at nagsabi, hindi mo ba nakita ang mga Jinn sa kanilang kalungkutan pagkatapos ng kanilang kahihiyan? At ang pagsunod nila sa mga babaeng kamelyo at sa mga sakay nito. (Pagkaraang mapagbawalang makaulinig ang mga Jinn sa mga usapan ng mga anghel, kinakailangan nilang sumunod sa mga Arabo upang malaman ang dahilan kung bakit sila napagbawalan). Si Umar ay sumagot, ito ay totoo.

Nagagawa ring ipaalam ng mga Jinn sa kanilang mga human contact ang nalalapit na mangyayari sa hinaharap. Bilang halimbawa, kapag mayroong lumapit sa isang manghuhula, ang Jinn na kaibigan ng manghuhula ay kukuha ng impormasyon sa Qareen (ang Jinn na nakatalaga sa bawat tao) ng taong yaon, kung ano ang kanyang mga binabalak o layunin bago siya magtungo sa manghuhula. Kaya naman nagagawang sabihin sa kanya ng manghuhula na gagawin niya ito, pupunta siya roon o nais niya ang ganito. Sa ganitong pamamaraan, ang tunay na manghuhula ay nagagawang malaman ang detalyadong nakaraan ng isang tao. Nagagawa niyang sabihin sa tao, ang pangalan ng kanyang mga magulang, saan siya ipinanganak, at ano ang mga ginawa niya noong siya ay maliit pa.

Ang kakayahang ito nang pagsasalarawan ng nakaraan ay isang palatandaan ng tunay na manghuhula na gumagamit ng Jinn. Dahil sa ang mga Jinn ay nagagawang maglakbay ng mabilis, kaya rin nilang tipunin ang marami at malalaking imbak ng impormasyon tungkol sa mga tagong bagay, mga bagay na nawala at ang mga hindi napapansing mga pangyayari. Ang kakayahang ito ng mga Jinn ay makikita sa Banal na Qur’an, sa istorya ni Propeta Sulaymanr at si Bilqees, ang Reyna ng Sheba. Noong si Reyna Bilqees ay nagtungo kay Propeta Sulaymanr, inutusan niya ang isang Jinn na dalhin ang trono ng reyna mula sa kanyang lupain patungo sa palasyo ni Sulaymanr.

Isang Ifreet mula sa mga Jinn ang nagsabi: dadalhin ko ito sa iyo bago ka makatayo sa iyong kinalalagyan. Katotohanan, na ako ay malakas at mapapagkatiwalaan sa ganitong tungkulin. Surah an-Naml 27:39-40

ANG BATAS NG ISLAM UKOL SA PANGHUHULA

Dahil sa kalapastangan at taliwas na paniniwala sa katotohanan na kaakibat sa panghuhula, mahigpit ang paninindigan ng Islam laban dito. Ang Islam ay mahigpit na tumututol sa anumang anyo o hugis ng pakikisama at pakikiisa sa mga taong nagsasagawa ng mga panghuhula, maliban na lamang kung ito ay para payuhan sila na tigilan na ang mga ganitong gawain.

ANG PAGBISITA SA MGA MANGHUHULA

Ang Propetar ay nagbigay ng mga panuntunan na malinaw na nagbabawal ng anumang anyo ng pagbisita sa mga manghuhula. Isinalaysay ni Safiyyah mula kay Hafsah na asawa ng Propetar, na sinabi ng Propetar: Ang Salaah ng sinumang lumapit o bumisita sa mga manghuhula at magtanong sa kanya ng kahit na ano ay hindi tatanggapin mula sa kanya sa loob ng 40 araw at 40 gabi.

Ang kaparusahang nabanggit sa Hadith na ito ay para sa paglapit at pagtatanong sa manghuhula dahil lamang sa kuryusidad o pagkamausisa. Ang pagbabawal na ito ay sinusugan pa ng isang Hadith na isinilaysay ni Muawiyyah ibn Al-Hakam kung saan sinabi niya: O Propeta ng Allah, katotohanang mayroong sa ating mga tao ang bumibisita sa mga manghuhula. Ang propeta ay sumagot, Huwag kang magtungo sa kanila.

Ang matinding kaparusahang ito ay para sa mga bibisita pa lamang, dahil ito ang siyang unang hakbang para ang isang tao ay maniwala sa manghuhula. Kung mayroong isang sa manghuhula ay magtutungo, pero nagdududa sa katotohanan nito, at ang ilan sa mga prediksiyon at hula ng manghuhula ay magkatotoo, siya ay magiging isang tunay na tagasunod at tagapaniwala ng manghuhula at nang panghuhula. Ang taong bumisita sa manghuhula ay kinakailangan pa rin isagawa ang kanyang mga Salaah sa loob ng 40 araw na ito, kahit na siya ay pagkakalooban ng gantimpala para dito. Kung iiwanan na niya ang pagdarasal, siya ay nakagawa ng isa pang malaking kasalanan.

PANINIWALA SA MGA MANGHUHULA

Ang batas ng Islam sa sinumang bibisita sa manghuhula at paniniwalaang sila ay nakababatid ng mga bagay na hindi nakikita at nang hinaharap ay itinuturing na Kufr (walang paniniwala). Isinalaysay nina Abu Hurayrah at al-Hasan na sinabi ng Propetar: Sinuman ang bumisita sa manghuhula at paniwalaan ang sinabi nito, ay tumanggi at nawalan ng paniniwala sa kung ano ang ipinahayag kay Muhammad.

Ang paniniwalang ito ay ang paglalagay sa mga nilikha ng ilan sa mga katangian ng Allah na pagkakabatid at pagkakaalam sa mga bagay na hindi nakikita at sa mga magaganap sa hinaharap. Samakatuwid, ito ay sumisira sa Tawheed Al-Asma Was-Sifaat, at nagpapakita ng Shirk sa aspetong ito ng Tawheed.

Kabilang sa batas ukol sa Kufr sa pamamagitan ng Qiyaas (ayon sa napagkasunduan), ay yaong mga nagbabasa ng mga aklat at kasulatan ng mga manghuhula, pakikinig sa kanila sa radyo at panonood sa kanila sa telebisyon, dahil sa ang mga ito ang pangkaraniwang pamamaraan ginagamit ng mga manghuhula ngayong ika-20 siglo upang palaganapin ang kanilang mga prediksiyon o hula.

Maliwanag na ipinahayag ng Allah sa Banal na Qur’an na walang sinuman ang nakababatid ng mga bagay na nakatago sa paningin ng mga tao o mga bagay na hindi nakikita maliban sa Kanya. Sa Kanya lamang ang mga susi sa mga bagay na hindi nakikita at walang sinuman ang nakaaalam ng mga ito maliban sa Kanya. Surah Al-An’am, 6:59

Pagkatapos ay sinabi Niya sa Propetar: Sabihin! Wala akong anumang lakas o kapangyarihan upang dalhin ang kabutihan sa aking sarili ni ang maiwasan ang karamdaman, kundi sa kapahintulutan lamang ng Allah. Kung totoo na batid ko ang mga bagay na hindi nakikita, gagawin kong doble-doble ang kabutihan at walang anumang kasamaan ang darating sa akin. Surah Al-A’raaf, 7:188

Kaya nga, ang lahat ng pamamaraan na ginagamit ng mga manghuhula sa buong mundo ay ipinagbabawal sa mga Muslim. Palm reading, I-ching, fortune cookies, tea leaves ganundin ang tungkol sa mga Zodiacal Signs at Bio-rhythm computer programs¸ na nag-aangking nakakapagsabi sa mga tao ng tungkol sa kanilang mga kinabukasan. Magkaganun pa man, mariing sinabi ng Allah na Siya lamang ang nakababatid ng hinaharap.

Katotohanan, ang kaalaman tungkol sa Oras ay sa Allah lamang. Siya lamang ang nagsasanhi at nagpapadala ng ulan, at ang Siyang nakababatid sa nilalaman ng sinapupunan. Walang sinuman ang nakababatid kung ano ang para sa kanya sa hinaharap, ganundin ang lugar kung saan siya mamamatay, subalit ang Allah ang Siyang Walang-Hanggang Nakababatid at Nakaaalam ng lahat. Surah Luqman, 31:34

Kaya naman, ang mga Muslim ay kinakailangan ang ibayong pag-iingat sa pakikitungo sa mga aklat, babasahin, newspapers ganundin sa mga tao na nag-aangkin na nakababatid ng hinaharap o ng mga bagay na hindi nakikita. Bilang halimbawa, kapag ang isang Muslim na weatherman ay manghuhula na uulan o magyeyelo o anumang magiging lagay ng panahon kinabukasan, dapat na idadagdag niya ang mga katagang, In Shaa Allah (kung luloobin ng Allah). Ganundin naman, kapag sinabi ng isang doctor sa kanyang pasyente na manganganak siya pagkalipas ng 9 na buwan at sa ganon at ganitong oras at araw, dapat ay idadagdag niya ang katagang, In Shaa Allah, ang ganitong mga pananalita ay estimasyon lamang base sa impormasyong istatistiko.

vi. KABANATA UKOL SA PAGBASA SA MGA BITUIN (ASTROLOGY)

Tinukoy nang mga iskolar na Muslim nang nakalipas na panahon ang pag-aaral sa mga bituin at sa kalkulasyon ng mga planeta bilang Tanjeem, at hinati nila ito sa tatlong pangunahing kategorya sa layuning maging maliwanag ang pag-aanalisa at klasipikasyon ayon sa Batas ng Islam.

  1. Ang unang kategorya ay kumakatawan sa paniniwalang ang makalupang mga bagay ay naiimpluwensiyahan ng heavenly bodies (araw, buwan, bituin atbp.) at ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap ay maaaring malaman sa pamamagitan ng pag-oobserba sa galaw ng mga ito. Ang paniniwalang ito na tinatawag ngayong astrology, ay nagmula sa Mesopotamia noong ika-3 millenium B.C. (before Christ), at naging tanyag at nakilala sa sibilisasyon ng mga Griego. Ang matandang paniniwalang ito sa Mesopotamia ay nakarating din sa India at China noong ika-6 na siglo B.C., bagama’t ang prediksiyon o panghuhula ukol sa hinaharap sa pamamagitan ng pagbasa sa bituin ay ang siyang ginamit at naging tanyag sa China.

Sa Mesopotamia, ang astrology ay isang maharlikang institusyon kung saan ang mga omens (masama o mabuting mangyayari) hinggil sa kapakanan ng hari at nang kanyang nasasakupan ay ibinabase sa mga palatandaan sa kalangitan. Ang mga Mesopotamian ay naniniwala na ang mga heavenly bodies ay mga makapangyarihang diyos. Noong ang mga diyos na ito ay ipinakilala sa Greece noong ika-4 na siglo BC., ito ang siyang pinanggalingan ng Griegong kaalaman ukol sa kalawakan.

Sa loob ng dalawang libong taon, ang astrology ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa relihiyon, pilosopiya at sa siensiya ng mga pagano, at pagkatapos ay sa mga Europeang Kristiano.Sina Dante at santo Thomas Aquinas nang ika-13 siglo sa Europa ay parehong tumanggap sa impluwensiya ng astrolohiya sa kani-kanilang mga pilosopiya. Ang paniniwalang ito ay ang paniniwala rin ng mga Sabians kung saan ang Propeta Ibrahim ay isinugo ng Allah. Sinamba ng mga Sabiano ang araw, buwan at ang mga bituin. Gumawa rin sila ng mga espesyal na lugar ng sambahan kung saan ang mga estatwa at mga larawan na kumakatawan sa mga heavenly bodies ay inalagay at sinamba. Sila ay naniniwala na ang mga espiritu ng mga heavenly bodies ay sumasapi sa mga idolo, nakikipagkomunikasyon sa kanila at ang siyang pumupuno sa sa mga pangangailangan ng mga tao. Ang anyong ito ng astrology ay tinatawag na Kufr dahil sinisira nito ang Tawheed al-Asmaa was-Sifaat

Ang paniniwalang ito ay nagbibigay sa mga planeta, bituin at mga galaxies ng ilan sa katangian ng Allah, partikular na ang Qadar (kapalaran). Yaong mga taong nagsasagawa ng astrology ay nasa kalagayan din ng Kufr sa dahilang inaangkin nila ang pagkakabatid sa hinaharap gayong ito ay mga bagay na ang Allah lamang ang Siyang nakakaalam. Sa pamamagitan ng pag-aangkin sa kanilang mga sarili ng katangian ng Allah, ang pagkakaalam sa hinaharap, pinapaniwala nila ang mga tao na maiiwasan nila ang mga sakuna o ang kasamaan na itinakdang mangyari sa kanila ng Allah at ang makuha ang kabutihan na hindi itinakda sa kanila ng Allah. Ang astrology ay itinuturing na Haraam (hindi pinapahintulutan) base sa Hadeeth na isinalaysay ni Ibn Abbas kung saan sinabi ng Propeta Muhammadr, :Sinuman ang mag-aral nang alinman sa mga sangay ng astrolohiya, ay nakakuha ng kaalaman ng isang sangay ng salamangka. Habang dumarami ang kanyang kaalaman dito, dumarami rin ang kanyang kasalanan.

  1. Ang pangalawang kategorya ay kumakatawan naman doon sa mga nag-aangkin na sinanhi ng Allah na ang paggalaw at ang pagkakasaayos ng mga heavenly bodies ay nagpapahiwatig ng ilang kaganapan sa daigdig. Ito ay ang paniniwala ng ilang mga Muslim astrologist na nakatuto at nagsasagawa ng Siensiya ng Astrolohiya mula sa Babilonia. Ang astrolohiya ay naipasok sa royal court ng mga nahuling Calipha ng Umayyad Dynasty at ng mga naunang Calipha ng Abbasid Dynasty. Ang bawat isang Caliph ay mayroong isang astrologer (mambibituin), na siyang magpapayo sa kanyang pang-araw-araw na gawain at upang balaan siya sa mga nakaambang panganib. Sa kadahilanang ang pagsasagawa ng astrolohiya ay batid ng mga Muslim bilang Kufr, isang kompromiso ang isinagawa ng mga Muslim na nagnanais na magsagawa ng mga ito, upang ito ay maging katanggap-tanggap sa batas ng Islam.

Samakatuwid, ang prediksiyong astrolohikal ay iniuugnay sa kagustuhan ng Allah. Magkaganun pa man, ang anyong ito ng astrolohiya ay itinuturing ding Haraam at ang mga nagsasagawa nito ay dapat ding ituring na Kaafir., dahil ang paniniwalang ito ay wala ring pinagkaiba doon sa paniniwala ng mga pagano. Ang kapangyarihan ng Allah ay ibinibigay sa mga heavenly bodies, at yaong mga nag-aangkin na nakakabasa ng kanilang pormasyon ay nag-aangking nakababatid ng kaalaman sa hinaharap na tanging ang Allah lamang ang nakaaalam.

3. Ang pangatlo at ang pinakahuling kategorya ay ang paggamit ng pormasyon ng mga bituin ng mga mandaragat o ng mga taong naglalakbay sa desierto upang malaman ang direksiyon o ng mga magsasaka upang malaman ang pagdating ng panahon (tag-init, taglamig etc.) upang malaman kung kailan sila magtatanim ng mga pananim. Ang ganitong uri at ang mga praktikal na paggamit katulad nito ay kumakatawan sa natatanging aspeto ng astrolohiya na Halaal (ipinapahintulot) sa mga Muslim, ayon sa Qur’an at sa Sunnah ng Propetar.

Sinabi ng Allah: “Siya ang Isa na Siyang lumikha sa mga bituin upang maging gabay doon sa inyo na nasa kadiliman sa kalupaan at karagatan.” Surah Al-An’am 6:98

Isinalaysay ni Al-Bukharee ang pangungusap na ito mula kay Qataadah: Katotohanan na nilikha ng Allah ang mga bituin bilang gabay sa direksiyon at bilang pambato at panghabol sa mga demonyo. Kaya nga, ang sinumang gumamit ng mga bituin maliban sa tunay na kadahilanan ng pagkakalikha sa mga bituin ay lumampas sa hangganan na pinahintulutan ng Allah. At kung siya ay mamamatay na kaiba ang paniniwala, maliban sa katotohanan, at hindi nakapagsisi ay nanganganib na manirahan magpakailanman sa Impiyernong-Apoy. Sila ay nag-imbento ng panghuhula ayon sa mga bituin, nag-aangkin na kung sinuman ang ikinasal sa ganon at ganitong bituin, ganun at ganito ang mangyayari atbp. Sinabi ng Allah: “Katotohanan na Aming pinaganda ang kalangitan ng mga lampara at ginamit ang mga ito upang batuhin ang mga demonyo. Surah Al-Mulk, 67:5

KATWIRAN NG MGA MUSLIM ASTROLOGER

Ang mga Muslim na nagsasagawa ng astrolohiya ay nagtangkang gamitin ang ilan sa mga bersikulo ng Qur’aan upang suportahan at i-justify ang kanilang gawain. Bilang halimbawa, sa naunang panahon, ang Surah al-Burooj ay isinalin sa English bilang kabanata ng Zodiacal Signs, at ang unang bersikulo nito ay ang dibinong pagsumpa, “sa pamamagitan ng Zodiacal Signs”. Ito sa katotohanan ay mali at nakaliligaw na pagkakasalin ng salitang “Burooj”. Ang ibig sabihin nito ay ang “porma o pagkakasaayos ng mga bituin” at hindi zodiacal signs. Ang Zodiacal Signs ay ang mga representasyon ng mga hayop na inembento ng mga naunang tao sa Babilonia at Greece base sa porma ng mga bituin. Kaya naman, ang bersikulong ito ay hindi maaaring gamiting panuporta ng mga walang pananampalataya sa pagsasagawa nila ng pagsamba sa mga bituin. Ang pagsasalarawang representasyon ay walang anumang relasyon sa porma at ayos ng mga bituin. Hindi lamang iyon, kundi ang paggalaw ng mga bituin sa kalawakan ay magsasanhi sa porma ng mga bituin upang magbago paglipas lamang ng ilang panahon.

Noong una, ang bersikulong sumusunod mula sa Surah An-Nahl ay ginamit upang suportahan ang astrolohiya sa Courts ng mga calipha. At mga palatandaan, at sa pamamagitan ng mga bituin, sila ay matuwid na pinatnubayan.”Surah An-Nahl, 16:16

Inangkin ng mga “Muslim” astrologer na ang bersikulong ito ay nangangahulugan na ang mga bituin ay mga palatandaan na nagpapakita ng mga bagay na hindi nakikita at sa pamamagitan ng pagkakaalam dito, ang mga tao ay maaaring mapatnubayan sa hinaharap. Subalit sinabi ni Ibn Abbaas, na tinawag ng Propetar bilang Turjumaan al-Qur’aan (ang tagapagsalin at tagapagpaliwanag sa kahulugan ng Qur’aan), ang “palatandaan” na tinutukoy sa bersikulong ito ay ang roadsigns o ang landmarks na makikita sa maliwanag na panahon. Ito ay hindi tumutukoy sa mga bituin. At idinagdag pa niya na ang katagang: “sa pamamagitan ng bituin sila ay matuwid na pinatnubayan” ay nangangahulugan na sila ay pinapatnubayan ng mga bituin sa kanilang paglalakbay sa gabi sa kalupaan at karagatan. Sa madaling salita, ito ay katulad din ng kahulugan noong bersikulo na makikita sa Surah Al-an’aam, 6:98

Ang paggamit nito at ng iba pang mga bersikulo sa Banal na Qur’aan upang suportahan ang pag-aaral at ang aplikasyon ng walang katotohanang siensiya ng astrolohiya, ay hindi katanggap-tanggap sa Islam. Ito ay kumukontra sa napakaraming mga bersikulo sa Qur’aan na nagsasabing ang Allah lamang ang Siyang Natatanging nakababatid ng hinaharap, at sa napakaraming Hadeeth na nagbabawal sa pag-aaral at paniniwala sa astrolohiya.

Isinalaysay ni Ibn Abbass (kalugdan nawa siya ng Allah) na sinabi ng Propetar, Sinuman ang mag-aral nang alinman sa mga sangay ng astrolohiya, ay nakakuha ng kaalaman ng isang sangay ng salamangka. Sinabi naman ni Abu Mahjam na sinabi ng Propetar: Ang pinakatatakot ko para sa aking Ummah (nasyon) pagkatapos ng aking panahon ay: ang pagiging walang katarungan ng kanilang mga pinuno, ang paniniwala sa mga bituin at ang pagtanggi sa dibinong kapalaran. Samakatuwid, walang anumang matibay na basehan sa Islam ang paniniwala at pagsasagawa ng astrolohiya.

ANG ISLAMIKONG BATAS UKOL SA HOROSCOPES

Hindi lamang ang pagsasagawa ng astrolohiya ang Haraam katulad ng nabanggit sa naunang paliwanag, kundi ang pagbisita rin sa isang astrologist at ang paniniwala sa kanilang mga hula at prediksiyon, pagbili ng mga aklat tungkol sa astrolohiya o ang pagbasa ng horoscope ay Haraam din sa Islam. Sa kadahilanang ang astrolohiya ay ginagamit upang mahulaan ang mangyayari sa hinaharap, ang mga taong nagsasagawa ng mga ito ay itinuturing na mga manghuhula. Samakatuwid, ang isa naghahangad na malaman ang kanyang horoscope ay kabilang doon sa batas na nakapaloob sa sinabi ng Propetar: Ang Salaah ng sinumang lumapit o bumisita sa mga manghuhula at magtanong sa kanya ng kahit na ano ay hindi tatanggapin mula sa kanya sa loob ng 40 araw at 40 gabi.

Katulad ng nabanggit sa naunang kabanata, ito ay kaparusahan pa lamang doon sa mga taong pupunta at magtatanong sa mga astrologist, kahit na pinagduduhan niya ang katotohanan ng kanyang mga sasabihin. Kung siya ay may pagdududa sa pagiging totoo o kasinungalingan ng mga astrolohiyang impormasyon, siya ay may pagdududa rin kung meron ba o walang ibang nakababatid ng mga bagay na hindi nakikita at ang kaalaman sa hinaharap maliban sa Allah. Ito ay isang uri ng Shirk. Sinabi ng Allah:

Sa Kanya lamang ang susi ng mga bagay na hindi nakikita at walang sinuman ang nakababatid nito maliban sa Kanya. Surah Al-An’aam 6:59.

Sabihin: Walang sinuman sa kalangitan o sa kalupaan ang nakababatid ng mga bagay na hindi nakikita maliban sa Allah. Surah An-Naml 27:65

Kung sakali at may isang naniwala sa hula ng kanilang horoscope, kahit na ito ay sinabi ng isang astrologist o nakasulat sa aklat ng astrolohiya, siya ay nakabilang na doon sa mga walang paniniwala o Kufr, ito ay ayon sa sinabi ng Propetar: Sinuman ang bumisita sa manghuhula at paniwalaan ang sinabi nito, ay tumanggi at nawalan ng paniniwala sa kung ano ang ipinahayag kay Muhammad.

Katulad ng naunang Hadeeth, ito ay tumutukoy sa manghuhula subalit ito ay angkop din sa mga astrologist dahil pareho silang nag-aangkin ng kaalaman ukol sa mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Ang pag-aangkin ito ng mga astrologist ay katulad din ng sa mga manghuhula na sumisira sa Tawheed. Inaangkin nila na ang personalidad ng mga tao ay naiimpluwensiyahan ng galaw ng mga bituin, at ang kanilang mga gagawin sa hinaharap at ang mga pangyayari sa kanilang buhay ay nakasulat na sa mga bituin.

Ang mga Tunay na Muslim ay mahigpit na pinapayuhan at inoobliga na umiwas sa anumang anyo o uri ng mga ito. Kaya nga, ang mga singsing, kwintas o anupaman na mayroong nakaukit na mga tanda ng Zodiac ay hindi dapat isuot, kahit na siya ay hindi naniniwala dito. Ang mga ito ay parte at bahagi ng mga nilikhang sistema na nagpapalaganap ng Kufr kaya dapat nating iwasan. Walang tunay na Muslim ang magtatanong kung ano ang kayang Zodiac sign, o hulaan ito. Ganundin naman, hindi siya dapat magbasa ng mga horoscope na nakasulat sa mga pahayagan o makinig sa pagbasa sa mga ito. At, ang sinumang Muslim ang pahintulutang ang astrolohiyang hula at prediksiyon at magdikta sa kanyang mga gawain, at dapat na hingin ang kapatawaran ng Allah at i-renew ang kanyang Islam.

vii. KABANATA TUNGKOL SA SALAMANGKA O MAHIKA

Ang salamangka ay tila ang pagkapangasiwa o ang pagkakini-kinita ng natural na lakas o puwersa sa pamamagitan ng ritwal na inbokasyon o pananalangin sa maykapangyarihan bagay, ganundin ang paniniwala na ang mga tao ay may kakayahang pilitin o puwersahin ang kalikasan sa pamamagitan ng paggamit ng mga ritwal, pormula at mga gawain. Ang pag-aaral ng natural na penomena, na tinatawag na “puti” o “natural na mahika”, sa Kanluraning bansa ay nadebelop sa tinatawag ngayong modernong natural na siensiya. Katangi-tangi rito ang “itim na mahika” o ang “pangungulam”, ang pagtatangka na gumamit o humingi ng tulong sa maykapangyarihang lakas para sa personal o masamang balakin.

Ang terminong mangkukulam, dibinasyon, at necromancy (pakikipagkomunikasyon sa patay) ay ilan lamang sa mga katawagan na kalimitang ginagamit patungkol sa mga mahika, salamangka at sa mga nagsasagawa nito. Ang pangkukulam ay ang pangungulam na isinasagawa ng isang babae na sinasapian ng demonyo. Ang dibinasyon o panghuhula ay tumutukoy sa pagtatangka na makamit ang kapangyarihang makita ang hinaharap samantalang ang necromancy, ang pakikipagkomunikasyon sa patay, ay isang pamamaraan ng dibinasyon.

Sa wikang Arabic, ang katagang Sihr (mahika) ay tumutukoy sa lahat ng sangay ng mahika; pangungulam, panggagaway, dibinasyon at necromancy. Walang pagkakaiba sa kanila. Ang ibig sabihin ng Sihr sa Arabic ay ang anuman na sinanhi ng mga hindi nakikita at matalinong puwersa o lakas. Bilang halimbawa, sinabi ng Propetar, : Katotohanan na ang ilang anyo o porma ng pananalita ay mahika o salamangka. Ang isang bihasa at magaling na tagapagsalita ay maaring gawing parang mali ang tama at parang tama ang mali. Kaya naman, tinukoy ng Propetar ang ilang aspeto ng pagsasalita bilang mahika.

ANG KATOTOHANAN NG SALAMANGKA O MAHIKA

Sa makabagong panahon, naging popular ang pagtanggi sa pagiging katotohanan ng mahika. Maraming mga istorya ang nagsasabing ang epekto raw ng magic ay hindi totoo at ito ay dulot lamang ng hindi maayos na pag-iisip ng isang tao katulad ng hysteria, atbp., at sinasabi pa na ang tinatablan lang daw ng magic ay ang mga taong naniniwala dito. Ang mahika o salamangka ay isinasalarawan bilang kasinungalingan base sa mga gawaing ilusyonal at panlilinlang.

Sa kabila ng katotohanan nang pagtanggi ng Islam sa mga epekto ng mga charms at amulet kung ang tinutukoy ay ang pagpigil sa mga masamang mangyayari at ang paghalina sa mabuting kapalaran, kinikilala naman nito na ang ilang aspeto ng mahika ay katotohanan. Totoo na ang karamihan sa mga mahika na ating makikita sa ngayon ay produkto lamang ng mga gamit sa pandaraya na talagang idinesenyo upang linlangin ang madla. Subalit, katulad na lamang ng sa panghuhula, mayroon ding mga tao ang nagsasagawa ng tunay na mahika bunga ng kanilang pakikipagkomunikasyon sa mga Shayateen (masasamang mga Jinn). Bago natin tingnan ang mga Jinn, ang kanilang mga abilidad at kakayanan, tingnan muna natin ang mga ebidensiya sa Qur’aan at sa Sunnah na sumusuporta sa pagiging totoo ng ilang uri ng salamangka.

At nang dumating sa kanila ang isang mensahero mula sa Allah na kumukumpirma sa mga bagay o propesiya na nasa kanila, isang grupo mula sa mga yaong pinagkalooban ng Aklat ang naglagay ng Aklat ng Allah sa kanilang mga likod at nagpapakunwaring wala silang alam tungkol doon. Sinundan nila kung ano ang sinabi ng Shayaateen (demonyo) tungkol sa kaharian ni Solomon, subalit hindi si Solomon ang nawalan ng pananampalataya, kundi ang mga demonyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao ng mahika at sa kung ano ang ipinadala sa mga anghel na sina Haaroot at Maaroot sa Babilonia.

Subalit ang dalawang anghel ay hindi nagturo kaninuman ng anuman kundi pagkatapos na sila ay balaan sa pamamagitan ng mga paalala:Katotohanan na kami ay bilang pagsubok at iksamen, kaya huwag magsagawa ng walang pananampalataya. Subalit ang mga tao ay nagpatuloy at natutunan nila mula sa dalawa ang pamamaraan kung papaano ihihiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa. Subalit, hindi nila masasaktan ang sinuman maliban kung ito ay papahintulutan ng Allah. Sa katotohanan, ang kanilang natutunan ay para sa kanilang sariling kasamaan at hindi para sa kanilang benepisyo at kabutihan. Katotohanang batid din nila na ang kanilang nakamit ay walang kabahagi sa Paraiso sa kabilang-buhay. Surah Baqarah 2:101-102

Pinatotohanan at inaangking tama ng mga Hudyo ang pagsasagawa ng mahika na nakapaloob sa tinatawag nilang Cabala sa pamamagitan ng pag-aangkin na natutunan nila ito mula kay Propeta Sulayman. Ipinaliwanag ng Allah na pagkatapos nilang itago ang Aklat ng Allah sa kanilang likod at tanggihan ang huling propeta, pinili ng mga Hudyo na sundin ang pormula ng mahika na itinuro sa kanila ng demonyo. Ang mga demonyong ito ay nakagawa na kaagad ng Kufr sa pamamagitan pa lamang ng pagtuturo ng mahika. Sila rin ang nagturo ng isang anyo ng pangkukulam na tinatawag na astrolohiya.

Ito ay itinuro sa kanila ng dalawang anghel pero pagkatapos na balaan ang mga tao na sila ay mga pagsubok lamang, pero ang mga tao ay hindi nakinig sa babalang ito. Natutunan nila mula sa astrolohiya kung papaano pag-aaway-awayin ang mga tao at kung papaano sisirain ang pagsasama ng mag-asawa, hanggang sa inakala nila na kaya na nilang saktan o kontrolin ang sinuman na kanilang nais. Subalit, ang Allah lamang naman talaga ang Siyang magdedesisyon kung ito ba ay eepekto o sino ang maapektuhan nito. Ang kaalamang ito ay walang anumang kapakinabangan sa kanila, bagkus ay pagkahamak. Sa dahilang ang gawain na walang pananampalataya ay isang mahalagang bahagi sa pagsasagawa ng tunay na mahika, ipinahamak nila ang kanilang mga sarili at sinigurado pa nila ang lugar nila sa Impiyerno.

Batid nang mga Hudyo na nag-aral ng sining na ito na sila ay isinumpa dahil ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang Aklat. Ayon sa Torah ni Moses:

Kapag kayo’y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong makikiisa sa kasuklam-suklam na gawain ng mga to roon. Sinuman sa inyo’y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog, huwag manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mananawas, ng mga mangkukulam, ng mga manggagaway, ng mga espiritista, at ng mga salamangkero. Huwag din kayong makikipag-usap sa mga espiritu ng patay. Sinumang gumawa ng gayon ay kasusuklaman ni Yahweh. Iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. Deuteronomio 18:9-12

Subalit hindi nila pinagtutuunan ito ng pansin, nagkukunwaring sila ay wala roon. Naisulat din sa Torah na sinumang sumama sa sining na mahika ay mananatiling magpakailanman sa Impiyerno, walang anumang gantimpala na matatamo sa Paraiso. Subalit, inalis ito ng mga Hudyo at nagpatuloy sa pagsasagawa ng mahika.

Ang bersikulong: Katotohanang batid din nila na ang kanilang nakamit ay walang kabahagi sa Paraiso sa kabilang-buhay, ay maliwanag na katunayan na ang mahika ay Haraam sa Islam. Ito ay patunay din na ang mga mahikero at ang sinumang nag-aaral at nagtuturo nito ay mga Kaafirs (walang pananampalataya). Tumutukoy din ito na ang ilang porma ng magic ay totoo. Naitala rin sa Saheeh al-Bukharee na ang Propetar ay naghirap din dahil sa epekto ng mahika. Isinalaysay ni Zayd ibn Argam na isang Hudyo na may ngalang Labeeb ibn A’sam, ang nagpukol ng pangkulam sa Propetar, at noong siya ay magsimulang makaramdam ng sakit dahil doon, dumating si anghel Jibreel at inihayag sa kanyar ang Mu’awwadhataan (Surah Al-Falaq at An-Naas) at tapos ay sinabi sa kanya: “Walang pag-aalinlangan na isang Hudyo ang nagpukol sa iyo ng pangkulam at ang magical charm ay nasa sa isang balon.”Pinapunta ng Propetar si Alee (kalugdan nawa siya ng Allah) sa lugar na nabanggit upang kuhanin ang gayuma. Noong siya ay nagbalik dala ang gayuma, sinabihan siya ng Propetar na alisin ang pagkakabuhol ng tali nito, isa-isa, at bigkasin ang bersikulo mula sa Surah ng Qur’aan sa bawa’t isa. Noong ito ay kanyang gawin, tumayo ang Propetar na para bang siya ay nakawala sa pagkakatali.

Ang bawat nasyon sa daigdig ay mayroong tala ng mga tao na nagsagawa ng ilang porma at anyo ng mahika. Kahit na sabihin pa na maaaring ang iba dito ay kasinungalingan, mas hindi naman kapani-paniwala kung ang lahat ay nagkasundo na gumawa ng mga kwento tungkol sa mahika at kataka-takang pangyayari. Sinuman ang talagang pagtutuunan ng pansin ang napakaraming tala ng mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari at kaganapan, ay magtatapos sa pagkakabatid ito talaga ay totoo. Haunted houses, voodoo, sinapian ng masamang espiritu, ouija boards, spirit of the glass, speaking in tounges, pakikipag-usap sa espiritu atbp., lahat ay kumakatawan bilang palaisipan doon sa mga hindi nakababatid sa daigdig ng mga Jinn. Ang mga ganitong kaganapan ay may iba’t-ibang anyo sa iba’t-ibang lugar sa daigdig. Kahit na sa lugar ng mga Muslim ay may kaganapang ding ganito, particular na sa mga Shaiks ng mga sekta na nag-aangking Muslim, katulad ng mga Sufi. Marami sa kanila ang nagpapakita ng lumulutang sa hangin, nagagawang maglakbay sa malalayong lugar sa konting panahon lamang, nakakagawa ng mga pagkain at pera mula sa wala. Ang kanilang mga ignoranteng tagasunod ay naniniwala na ang gawain ito ay mga dibinong himala kaya naman, ang kanilang buhay at kayamanan ay isinasakripisyo nila para sa mga Shaiks na ito. Subalit sa likod ng lahat ng ito ay ang nakatago at ang masamang mundo ng mga Jinn.

Katulad ng nabanggit sa mga naunang kabanata, ang mga Jinn ay hindi lantad sa paningin ng mga tao maliban na lamang ang mga Jinn na nasa ahas at asong anyo. Subalit ang ilan sa kanila ay may kakayahang mag-iba ng anyo na kanilang naisin kasama na ang pagsasakatawang anyo ng tao. Iniulat ni Abu Hurayrah (kalugdan nawa siya ng Allah:

Itinalaga ako ng Propetar bilang responsible sa pangangalaga ng Zakah ng Ramadaan. Habang tinutupad ko ito, may isang dumating at nag-umpisang magdukal sa palibot ng mga pagkain at siya ay aking nahuli. Sinabi ko: Sumpa man sa Allah! Dadalhin kita sa Propeta ng Allah! Sinabi ng lalaki, ako ay isang mahirap lamang at maraming umaasa sa akin. Ako ay nasa lubos na pangangailangan. Kaya pinalaya ko siya. Nang sumunod na umaga, sinabi ng Propetar : Oh Abu Hurayrah, ano ang ginawa ng iyong bihag kagabi?

Sinabi ko:, nagreklamo siya na siya ay nasa lubos na pangangailangan at mayroong pamilya, kaya siya ay aking pinakawalan. Sumagot ang Propetar Walang pag-aalinlangan na siya ay nagsinungaling sa iyo at siya ay magbabalik. Dahil alam ko na siya ay magbabalik, hinintay ko talaga siya at minatyagan. Noong siya ay bumalik at muling mag-umpisang magbungkal sa pagkain, hinawakan ko siya at sinabing: dadalhin na talaga kita sa Propeta ng Allah. Siya ay nagmakaawa, pakawalan mo ako! Ako ay tunay na mahirap at meron akong pamilya. Hindi na ako babalik. Naawa naman ako sa kanya at siya ay pinakawalan kong muli. Kinaumagahan, sinabi ng Propeta ng Allah, Oh Abu Hurayrah, ano ang ginawa ng iyong bihag kagabi? Sinabi ko,na nagreklamo siya na siya ay nasa lubos na pangangailangan at mayroong pamilya, kaya siya ay aking pinakawalan. Sinabi ng Propetar, katotohanang siya ay nagsinungaling sa iyo at siya ay muling magbabalik. Kaya ako ay naghintay sa kanya, at hinuli ko siya noong siya ay magsimulang ikalat ang mga pagkain. Sinabi ko: Sumpa man sa Allah, dadalhin kita sa Propeta ng Allah. Ito ay ang ikatlong pagkakataon, at nangako ka na hindi ka na magbabalik. Pero bumalik ka pa rin. Sinabi niya: Hayaan mong bigyan kita ng mga salita o pangungusap kung saan bibiyayaan ka ng Allah. Sinabi ko: ano ang mga ito? Siya ay sumagot: kapag ikaw ay magtutungo sa iyong higaan (upang matulog) bigkasin mo ang Aayatul-Kursee mula sa umpisa hanggang sa katapusan. Kapag ito ay iyong isinagawa, isang bantay mula sa Allah ang magbabantay sa iyo at si Satanas ay hindi magagawang lapitan ka hanggang sa umaga. At siya ay pinalaya ko. Kinaumagahan, sinabi ng Propetar:, Oh Abu Hurayrah, ano ang ginawa ng iyong bihag kagabi?Sinabi ko na sinabi niya sa akin na tuturuan niya ako ng mga salita kung saan ay bibiyayaan ako ng Allah, kaya pinalaya ko siya. Noong tinanong ng Propetar, kung ano ang mga ito, sinabi ko na ito ay ang pagbigkas ng Aayatul-Kursee bago matulog. Sinabi rin sa kanya, na sinabi niya na magpapadala ang Allah ng bantay na mananatili sa akin at si Satanas ay hindi magagawang lumapit sa akin hanggang sa paggising ko sa umaga. Sinabi ng Propetar, Katotohanang siya ay nagsabi ng katotohanan, kahit na siya ay isang sinungaling. Oh Abu Hurayrah! Kilala mo ba kung sino ang nakausap mo nitong nakaraang tatlong gabi? Sumagot ako: Hindi, at pagkatapos ay sinabi niyar sa akin, siya ay isang demonyo.

Nagagawa rin ng mga Jinn na makapaglakbay sa iba’t-ibang lugar sa napakaigsing panahon at nagagawa rin nilang sumapi sa katawan ng mga tao, na nakahanda sa kanilang pagpasok dito. Pinagkalooban sila ng Allah ng mga ekstra ordinaryong mga kakayahan, katulad din ng pagbibigay Niya ng mga katangian sa iba pang mga nilikha. Subalit, pinili pa rin Niya ang mga tao, bilang pinakamataas na uri ng nilikha.

Kung ang mga ganitong kaalaman tungkol sa kakayahan ng mga Jinn ay mailalagay sa kaisipan, ang lahat ng mga hindi pangkaraniwang pangyayari at ang tungkol sa mahika, kulam atbp. ay madaling maipapaliwanag at mauunawan ng mga tao. Bilang halimbawa, sa mga haunted houses, kung saan ang ilaw ay patay bukas, ang mga larawan ay nahuhulog mula sa dingding, ang bagay ay lumilipad sa hangin, pag-ingit ng sahig; ang mga Jinn ang gumagawa nito habang sila ay nanatiling hindi nakikita ng mga tao.

Ito ay totoo rin sa mga kaso ng pakikipag-usap sa mga espiritu ng mga namatay na tao na nakikipagkomunikasyon sa mga buhay. Ang mga tao na nakakakilala ng mga boses ng kanilang namatay na kamag-anak, ay naririnig nilang nakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga insidente na nangyari sa kanila. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng paggamit ng medium (tagapamagitan) na siyang tumatawag at nag-aanyaya sa Jinn na kasa-kasama noong namatay na tao. Gagayahin ng Jinn ang boses ng namatay na tao at magsasalaysay ng mga insidenteng nangyari sa taong yaon. Katulad din ito halimbawa sa paggamit ng ouija board na sumasagot sa mga katanungan. Ang hindi nakikitang pakikialam ng jinn ay nagbibigay ng kamangha-manghang resulta kung ang tamang kaayusan ay naisagawa. Sa mga kaso naman noong mga lumulutang sa hangin o sa pagpapalutang ng mga ito na hindi naman hinahawakan, ang mga ito ay iniaangat ng mga hindi nakikitang Jinn.

Yaon namang nakakapaglakbay sa malalayong distansiya at ang pagka nasa dalawang lugar ng magkasabay na panahon ay inihahatid ng kanilang kasamang Jinn o ang Jinn ay nagpapakita sa hayag nilang kaanyuan. Ganundin naman, yaong nakakakuha ng pera at nakakapagdala ng pagkain mula sa hangin ay tinutulungan ng mga hindi nakikita at maliksing Jinn.

Ganundin ang kamangha-manghang pangyayari ng reincarnation daw ng isang pitong taong gulang sa India na ang ngalan ay Shanti Devi na malinaw na malinaw at detalyadong nagsaysay ng mga eksaktong pangyayari sa kanyang naunang buhay. Isinalarawan niya ang kanyang dating tirahan sa bayan ng Muttra na nasa isang probinsiya na malayo sa kanyang tinitirhan. Noong ang mga tao ay nagtungo roon upang magsaliksik, kinumpirma at pinatotohanan ng mga tao roon na mayroon ngang bahay na dati’y nakatayo doon sa lugar kung saan niya itinuro. Kinumpirma din nila ang ilang detalye sa kanyang dating buhay. Maliwanag na ang mga impormasyong ito ay inilagay ng Jinn sa kanyang kubling-kamalayan (subconscious). Kinumpirma ng Propetar ang ganitong uri ng pangyayari noong sinabi niya: katotohanan na ang mga panaginip na nakikita ng isang tao ay tatlong klase; ang panaginip na mula sa Ar-Rahman (Allah), ang malungkot at masamang panaginip mula kay Satanas at ang panaginip ng kubling-kamalayan (subsconcious).

Wala ring pag-aalinlangan na ang mga Jinn ay may kakayahang pumasok sa katawan ng mga tao kung papaanong ito ay pumapasok sa kaisipan ng mga tao. Ang mga pangyayaring sinapian o pinasukan ng Jinn ay napakarami para mabilang. Ang mga ito ay hindi pangmatagalan katulad ng sa kaso ng mga Kristiyano at mga paganong sekta ng paniniwala kung saan ang mga tao ay nagsasagawa ng mga pisikal at espirituwal na mga orasyon, nawawalan ng malay at nagsisimulang magsalita ng iba’t ibang wika banyaga.

Sa ganitong kahinang sitwasyon ay maaaring madaling makapasok ang mga Jinn sa kanilang mga katawan at paputakin ang kanilang mga labi. Ang ganitong mga pangyayari ay naitala rin sa ilang kasapi ng Sufi sa oras ng kanilang mga Dhikr (ang pangalan ng Diyos ay maraming beses na inuulit at minsan naman ay paawit na pagbigkas habang iniiindayog ang katawan o kaya ay sumasayaw). O dili kaya ay matagalang pangyayari kung saan ang personalidad ng isang nasapian ay nagbabago. Ang mga sinapian ay kalimitang wala sa makatwirang pag-iisip, nagpapakita ng pambihirang lakas o kaya ang Jinn ay makikipag-usap sa mga tao sa pamamagitan nila.

Ang Exorcism (ang pagpapalayas ng demonyo o masamang espiritu mula sa mga sinapian nito) ay naging tanyag at laganap na gawain sa Europa noong Middle Ages. Ang Kristiyanong pamamaraan ng exorcism ay base sa ilang mga pangyayari noong kapanahunan ni Hesus, kung saan pinalayas niya ang mga demonyong sumapi sa mga tao na nakatala sa Bagong Tipan. Sa isang pangyayari, si Hesus at ang kanyang mga kasamahan ay nagtungo sa Gerasenes at nakatagpo ang isang lalaki ng sinasakayan ng demonyo. Noong utusan ni Hesus ang mga demonyo na umalis at lumayo sa lalaki, umalis sila doon at pumasok sa kawan ng mga baboy na ipinapastol sa kalapit na parang. Ang buong kawan ay biglang sumibad ng takbo tungo sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod. (Mateo 8: 28-34, Markos 5:1-20 at Lukas 8: 26-39).

Ang pangkalahatang pananaw ng mga tao sa Kanluraning Bansa ay itanggi ang mga kamangha-manghang bagay na ito. Kaya naman para sa kanila, ang exorcism ay walang matibay na basehan at itinuturing na produkto lamang ng mga pamahiin. Subalit sa pananampalatayang Islam, ang pagsasagawa ng exorcism ay itinuturing na isang mabisang pamamaraan na isasagawa sa mga pangkakataong may sinakayan ng demonyo at para sa ilang mga sakit o karamdaman na magreresulta dahil dito, at ito ay dapat na nakabase sa Qur’an at sa Sunnah ng Huling Propetar.

Tatlong pamamaraan ng pagpapalayas ng Jinn sa isang sinakayan nito:

1.)   Una, ang isang Jinn ay maaaring palayasin sa pamamagitan ng pagtawag sa isa pang Jinn. Ang pamamaraang ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa Islam dahil kalimitang ang gawaing ito ay kinapapalooban ng paglapastangan sa pagsamba sa Allah. Ang halimbawa nito ay ang isang mahikero o isang mangkukulam na nagpapalayas ng mga Jinn sa pamamagitan ng mas malakas na Jinn.

2.)   Pangalawa, ang isang Jinn ay maaaring mapalayas sa pamamagitan ng pagkumpirma ng gawaing Shirk. Kapag nagustuhan nang Jinn ang gawaing Kufr ng isang nagsasagawa ng exorcism, ang jinn na ito ay dagliang aalis. Sa paggawa niya ng ganito, iisipin ng isang nagsasagawa ng exorcism na ang kanyang pamamaraan at paniniwala ay tunay at tama. Ang halimbawa nito ay sa mga paring Kristiyano na nagsasagawa ng exorcism sa pamamagitan ng pagtawag kay Hesus at sa paggamit ng krus, ganundin sa mga matataas na paganong pari na nag-eexorcise sa pamamagitan ng paggamit sa pangalan ng kani-kanilang mga diyus-diyosan.

3.)  Pangatlo, ang Jinn ay mapapalayas sa pamamagitan ng paggamit ng mga bersikulo sa Banal na Qur’an at ng mga panalanging humihingi ng kalinga at tulong mula sa Allah.

Ang mga banal na salitang ito at panalangin ay nakatutulong sa kapahintulutan ng Allah na mabago ang atmospera sa paligid ng isang sinasapian ng Jinn. Ang jinn ay dagliang mapapalayas sa katawan ng tao sa pamamagitan ng pag-uutos dito o kaya ay sa pamamagitan ng paghihip. Magkaganunpaman, ang ganitong gawain ay wala ring saysay kung ang isa na nagsasagawa nito ay walang matibay na pananalig at paniniwala sa Allah at hindi nagsasagawa ng mga mabubuting gawain. Kahit na mayroong mga ilang Muslim sa ngayon na na-impluwensiyahan ng sekularistang paniniwala ng Kanluran na tumatanggi sa katotohanan ng pagsapi ng Jinn sa katawan ng tao, at ang iba pa nga ay nagsabing ang mga jinn ay hindi katotohanan, iba naman ang sinasabi ng Qur’an at ng Sunnah ng Huling Propetar. Ang mga kasamahan ng Propetar ay nagsalaysay na ang pagpapalayas ng demonyo ay isinagawa niya, ganundin ang ilan sa kanyang mga kasamahan.

Isinalaysay ni Ya’ala ibn Marrah (kalugdan nawa siya ng Allah), Minsan, ako ay sumama sa paglalakbay ng Propetar at mayroon kaming nadaanang isang babaeng nakaupo at kalung-kalong ang kanyang anak sa may tabi ng daan. Sinabi noong babae: O sugo ng Allah, ang batang ito ay sinasapian at nagbigay sa amin ng napakaraming paghihirap. Hindi ko alam kung ilang beses sa 1 araw kung siya ay sapian! Sinabi ng Propetar, ibigay mo siya sa akin. Kaya iniangat niya ang bata at ibinigay sa Propetar pagkatapos ay ibinuka ang bibig at hinipan ito ng 3 beses at nagsabing: Bismillah (sa ngalan ng Allah)! Ako ay alipin ng Allah, kaya umalis ka, kaaway ng Allah! At pagkatapos ay ibinigay na niya ito sa babae at nagsabing: katagpuin mo kami dito sa aming pagbabalik at sabihin mo sa amin kung ano ang nangyari. Pagkatapos, nagpatuloy na kami sa aming paglalakbay at sa aming pagbabalik ay nadatnan namin ang babae sa nasabing lugar na may kasamang 3 tupa. Sinabi ng Propetar Kumusta na ang iyong anak? Siya ay sumagot: Sumusumpa ako sa Isa na Siyang nagsugo sa iyo ng katotohanan, wala na kaming napansin o nakitang anumang mali o sakit sa kanya pagkatapos noong araw na yaon, kaya dinalhan kita ng tupa. Sinabi sa akin ng Propetar, bumaba ka at kumuha ka ng isa at pagkatapos ay ibalik mo sa kanya ang iba.

Isinalaysay naman ni Umm Abaan bint al-Waazi na noong ang kanyang lolong si Zaari ay nagtungo sa Propetar bilang bahagi ng 1 delegasyon mula sa kanilang tribo, isinama niya ang isa niyang anak na may sira ang ulo. Noong makaharap na niya ang Propetar sinabi niya: ako ay may kasamang anak na may sira ang ulo, dinala ko rito upang maisama mo siya sa iyong mga panalangin. Sinabi ng Propetar na dalhin sa kanya ang batang ito. Inalis niya ang damit ng kanyang anak na suot-suot nito sa paglalakbay at binihisan ng panibagong damit, at pagkatapos ay dinala na niya sa Propetar. Sinabi ng Propetar , ilapit at italikod mo siya sa akin. Sinunggaban ng Propetar ang damit ng bata at nagsimula siyang ipalo ito ng malakas sa likod ng bata habang sinasabing, lumabas ka, kaaway ng Allah! (2x) Ang bata ay nagsimulang magpalinga-linga na para bang walang nangyayari sa kanyang masama. Iniupo siya ng Propetar sa kanyang harapan at nagpakuha ng tubig. Ipinunas ito ng Propetar sa mukha ng bata at nag-alay ng mga panalangin sa Allah para sa bata. Pagkatapos ng panalangin ng Propetar, wala isa man sa miembro ng delegasyon ang mas mabuti at maayos kaysa sa bata. (Ahmad at Abu Dawood at –Tayaalasee mula kay Matar ibn Abd-Ar-Rahman.

Isinalaysay naman ni Khaarijah bin as-Salt na sinabi ng kanyang tiyuhin na, minsan noong iniwan namin ang tropa ng Propeta Muhammadr , may nadaanan kaming tribo ng mga Bedouin. Sinabi nila sa amin: “nabalitaan namin na kayo ay may dala-dalang kabutihan mula sa taong iyon (Propeta Muhammadr). Mayroon ba kayong gamot para sa isang taong sinapian ng masamang espiritu? Sinabi namin na meron, kaya dinala nila ang lalaking ito sa amin. Binigkas ko ang Faatiha sa kanya tuwing umaga at gabi sa loob ng tatlong araw. Sa tuwing ako ay matatapos sa pagbigkas, titipunin ko ang aking laway at ito ay aking ilulura. Pagkatapos, siya ay bumangon na para bang nakawala sa isang mahigpit na pagkakatali. Pagkatapos nito, dinalhan nila ako ng regalo bilang kabayaran, kaya sinabi ko sa kanila: “Hindi ko ito matatanggap hangga’t hindi ko nakakausap ang Propeta ng Allahr”. Noong tanungin ko ang Propetar, siya ay nagsabi: “Kunin mo ito, dahil katotohanan, sinuman ang kumain sa pamamagitan ng maling inkantasyon o gamot, dadalhin niya ang bigat ng kanyang kasalanan. Subalit kinita mo iyon sa pamamagitan ng tamang inkantasyon o panggamot.”Abu Dawood vol. 3, p. 1092, no. 3887

ANG ISLAMIKONG BATAS UKOL SA SALAMANGKA O MAHIKA

Sa kadahilanang ang pagsasagawa at pag-aaral ng salamangka o mahika ay itinuturing ng Islaam bilang Kufr (walang paniniwala), ang Sharee’ah ay nagbalangkas ng matinding kaparusahan sa sinuman na mahuhuling nagsasagawa nito. Ang kaparusahan sa sinumang mahuling nagsasagawa nito, na hindi nagsisi at nangakong ito ay tatalikuran ay kamatayan. Ang batas na ito ay base sa sinabi ng Propetar na isinalaysay ni Jundub ibn Ka’b (kalugdan nawa siya ng Allaah): “Ang kaparusahan sa mga salamangkero ay ang pagbitay sa kanila sa pamamagitan ng espada”.Ang batas na ito ay mahigpit na ipinatupad ng mga Matutuwid na mga Kalipah (pinuno) na siyang namuno sa mga Muslim paglisan ng Propeta Muhammadr. Isinalaysay ni Bajaalah ibn ‘Abdah na nagpadala ng sulat si Kalipah Umar Ibn-al-Khattab sa puwersa ng Muslim na nakikidigma noon sa Roma at Persia at ang isa na nakapaloob dito ay ang kautusan na patayin ang lahat ng mga manghuhula at mga salamangkero na kanilang matatagpuan. Sinabi ni Bajaalah na base dito, tatlong salamangkero ang kanyang binitay.

Isinalaysay ni Muhammad ibn Abdur-Rahman na si Hafsah (kalugdan nawa siya ng Allaah), isa sa asawa ng Propetar, at anak ni Umar, ay nagpabitay ng isa sa kanyang katulong dahil sa salamangkang isinagawa nito sa kanya. Ang batas at kaparusahang ito ay matatagpuan din sa Torah kahit na sa kasalukuyan, maliwanag na nagpapakita na sa mga Hudyo at Kristiyano, ang salamangka ay mahigpit ding ipinagbabawal: “Sinumang manghuhula o espiritista, lalaki o babae, ay dapat na patayin,babatuhin sila ng bato hanggang sa mamatay. Sila na rin ang dapat sisihin sa kanilang sinapit”. Levitico 20:27

Pagkalipas ng panahon ng Matutuwid na mga Kalipah, naging maluwag na sa batas. Ang mga hari ng Umayyad ay nagpahintulot sa mga salamangkero at mga manghuhula na magsagawa nito. Dahil ang pamahalaan ay huminto na sa pagpapatupad ng mga batas, ilan sa mga Sahaabah ang bumalikat nito sa kanilang mga sarili. Isinalaysay ni Abu Uthman an-Nahdee na si Kalipah al-Waleed bin Abdul-Maleek (namuno mula 705-715 C.E.) ay mayroong tauhang lalaki sa kanyang tribunal (court) na nagsasagawa ng mahika. Minsan, pinaghiwalay niya ang ulo ng isang lalaki sa katawan nito. Noong ang mga manonood ay nabigla at nagulat sa kanyang ginawa, muli niyang ikinabit ang ulo sa katawan na nagpamangha sa kanyang mga manonood. At pagkatapos ang lalaki ay tumayo na para bang ang kanyang ulo ay hindi man lamang naputol o naihiwalay sa kanyang katawan. Ang mga taong nanonood ay nagwika: “Subhanallaah (Ang Kaluwalhatian ay para lamang sa Allaah)! Siya ay nakakapagbigay nang buhay sa isang namatay! Isang Sahabee, si Jundub al-Azdee ang nakapansin sa pagkakagulo ng mga tao sa tribunal ni Al-Waleed kaya siya ay nagtungo doon at pinanood ang palabas ng mahikero. Nang sumunod na araw, siya ay bumalik sa lugar na dala-dala ang kanyang matalas na espada na itinali niya sa kanyang likuran. Nang ang mahikero ay lumabas at mag-uumpisa nang magsagawa ng kanyang palabas, sinuong ni Jundub ang karamihan ng nanonood na tangan-tangan ang kanyang espada at pagkatapos ay tinaga ang leeg ng mahikero (hanggang sa ang ulo ay humiwalay sa katawan). Pagkatapos ay humarap siya sa mga manonood na noo’y nagulantang at nagsabing: “ Kung siya ay tunay na may kapangyarihang magbigay ng buhay sa isang patay, bakit hindi niya ngayon ibalik ang kanyang buhay?” Siya ay pinahuli ni al-Waleed at ipinatapon sa bilangguan..

Ang kahigpitan at kabigatan sa batas ukol sa mahika ay upang proteksiyunan ang mga mahihinang elemento ng sosyalidad mula sa pagkahulog sa patibong ng Shirk sa Tawheed Al-Asma Was Sifaat, na paglalagay ng kapangyarihan nang Allaah na bukod tangi lamang sa Kanya sa isang mahikero. Kabilang din sa kalapastangan na isinasagawa noong yaong nagsasagawa ng kulam at mahika ay ang pag-aangkin sa kanilang mga sarili nang pagkakaroon ng kakaibang kapangyarihan at dibinong mga katangian, upang maraming tao ang maniwala at sumunod sa kanila.

viii. KABANATA UKOL SA Al-ULOO (KATAAS-TAASAN)

Maliwanag na ipinahayag nang Allaah subhanahu wa taala ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga ipinahayag na mga Aklat at sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling mga propeta at mensahero upang ang sangkatauhan ay magkaroon ng maliwanag at tamang pagkakaunawa kung sino ba talaga Siya. Sa kadahilanang ang kaisipan ng sangkatauhan ay limitado lamang ang kaalaman at nasasakupan, imposible para dito ang maunawaan ang isang bagay na walang hangganan.

Na samakatuwid, ang Allah, subhanahu wa taala, ay nagpahayag mismo ukol sa Kanyang Sarili ng ilan sa Kanyang mga katangian upang ang tao ay hindi malito hinggil sa pagkakaiba ng mga katangian ng mga NILIKHANG BAGAY sa mga katangian ng NAGLIKHA sa lahat ng bagay.

Kapag ang mga katangian ng Tagapaglikha ay naipagkamali doon sa mga nilikha, ang tao ay nakakagawa ng malaking kalapastangan sa kanyang Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagtataas sa antas ng mga nilikha patungo sa antas ng Tagapaglikha. Ang pagtataas na ito sa mga nilikhang bagay lamang ang siyang basehan at ang pinakabuod ng pagsamba sa mga diyus-diyosan.

Kabilang sa hindi mabilang na napakahalagang mga katangian nang Allaah ay ang isa na tumutukoy sa pagsamba sa Tagapaglikha kontra sa pagsamba sa mga nilikha. Ito ay ang katangian nang AllahY na “al-‘Uloo” o ang Kataas-taasan. Na kapag ipinaliwanag ang isa sa mga katangiang ito ng Allah, ito ay tumutukoy sa katotohanan, na ang Allah ay nasa itaas o ibabaw ng Kanyang mga nilikha. Hindi Siya nakapaloob sa Kanyang mga nilikha at hindi rin Siya napapaligiran ng alinman sa Kanyang mga nilikha. At ang anumang bahagi ng Kanyang mga nilikha ay wala sa itaas Niya sa anumang kaparaanan. Hindi Siya kabahagi ng Kanyang mga nilikha, ni ang mga nilikha ay kabahagi Niya. Ang Kanyang pagiging ay naiiba, natatangi at hiwalay sa Kanyang mga nilikha.

Ang katangiang ito nang kataas-taasan ay may espesyal na kahalagahan sa tao sa kanyang pagsamba sa Tagapaglikha. Bago isinugo ang huling propeta, ang mga tao ay naligaw ng pagkalayu-layo mula sa tama at makatuwirang kahulugan at implikasyon ng dibinong katangiang ito. Inangkin ng mga Kristiyano na ang Allah ay bumaba sa kalupaan sa anyo ng isang tao, na kanilang inangkin na ipinako at namatay para sa kasalanan ng mga tao. Ang mga Hudyong nauna sa mga Kristiyano ay nag-angkin naman na ang Allaah ay bumaba ng lupa sa anyo ng isang tao at nakipagbuno kay Propeta Yaqoub (tingnan sa Genesis 32: 24-30).

Itinuring naman ng mga Persians na ang kanilang mga hari ay mga diyos na may katangian ng Tagapaglikha, kaya naman sila ay nasamba nila. Ang mga Hindus naman ay naniniwalang si Brahman, ang Tagapaglikha at ang Kataas-taasan ay nasa iba’t-ibang lugar at iba’t-ibang bagay, kaya naman sila ay sumamba sa hindi mabilang na mga idolo, tao ganundin ang mga hayop bilang katauhan ni Brahman. Sa katotohanan, ang paniniwalang ito ay nagbunsod sa mga Hindus patungo sa isang kagila-gilalas na gawain kung saan sila ay nagtutungo sa kanilang banal na siyudad ng Banaras upang sambahin ang diyos na si Shiva na inilalarawan bilang nakatayong ari ng lalaki na tinatawag nilang “lingam”.

Ang ideyang ito ng mga Hindu ay naging bahagi ng paniniwalang Kristiyanismo at nagawang makapasok sa paniniwala ng ibang mga Muslim, maraming henerasyon ang nakalipas pagkatapos ng Propeta Muhammadr. Noong ang mga pilosopikang aklat ng India, Persia at Greece ay naisalin sa wikang Arabiko noong Golden Age ng Emperyo ng Abbaasid, ang konsepto na ang Allaah ay nasa sa lahat ng bagay at lugar ay nakapasok sa pilosopikang pag-aaral at naging pundasyon ng prinsipyo sa katuruan ng mga Sufi ( mga taong nag-aangkin ng mga espiritwal na kaalaman). Naimpluwensiyahan din nito ang pilosopikal na paaralan na kilala bilang Mu’tazilah ( mga taong bumabase sa katwiran) na noon ay may mahahalagang tungkulin sa administrasyon ng Kalipa ng Abbaasid na si Ma’moon (namuno mula 813 hanggang 832 CE). Sa basbas at pagsang-ayon na rin ng Kalipa, malugod nilang pinalaganap ang paniniwalang ito kabilang ang mga likong aral na matatagpuan sa kanilang katuruang pilosopiya. Maraming iskolar na Muslim ang pinapatay, ipinakulong at tinortured dahil sa kanilang pagtuligsa sa pilosopiya ng mga Mu’tazilites.

Ang ganitong kalakaran ay natapos sa panahon ni Imam Ahmad ibn Hambal (775-855CE) na naging matatag sa kanyang paniniwala at ipinagtanggol ang paniniwala ng mga naunang mga iskolar na Muslim at nang mga Sahaabah. Sa kapanahon ng pamumuno ni Kalipa Al-Mutawakkil (namuno mula 847 hanggang 861 CE), ang pilosoper na Mu’tazilite ay inalis sa mga sensitibong katungkulan sa gobyerno at ang kanilang paniniwala at pilosopiya ay tahasang kinondena. Bagama’t ang halos lahat ng kanilang mga ideya ay nawala at nakalimutan na, ang paniniwalang ang Allaah ay nasa sa lahat ng lugar at bagay ay nanatiling pinapaniwalaan ng mga tagasunod ng mga Ash’arite. Ang paaralang ito ay itinatag ng mga iskolar na umalis sa pilosopiyang Mu’tazilite at tinangkang pasinungalingan ang mga kalabisan ng pilosopiyang Mu’tazilite

ANG PANGANIB NA IDINUDULOT NG PANINIWALA NA ANG ALLAAH AY NAROROON SA LAHAT NG BAGAY

Base sa maling konsepto nang pagbibigay ng katangiang ang Diyos ay nasa sa lahat ng bagay, ang iba ay nag-angkin na ang Diyos ay nakahihigit na magsasakatawang-tao keysa maging hayop, halaman o mineral. Mula sa ganitong teoriya, maaaring dumating ang panahon na angkinin ng ibang tao na ang Diyos ay higit na naninirahan sa kanila kaysa sa ibang tao. Ito ay maaaring sa pamamagitan nang Hulool (ang pagsapi ng Diyos sa isang tao) o nang Ittihaad (kumpletong pagiging isa nang tao at nang Diyos).

Kabilang sa mga Muslim noong ika-9 na siglo ay ang isang hibang at luku-lukong tinawag na santo ang ngala’y Al-Hallaaj (nabuhay noong 858-992C.E.) ay tahasang nag-angkin na siya at ang Allaah ay iisa. Ang grupo naman ng Nusayrites, isang sekta ng Shiite noong ika-10 siglo, ay nag-angkin na ang manugang ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na si Ali Ibn Abi Taalib, ay manipestasyon nang Allaah. Ganundin ang isa pang sekta ng Shiite noong ika-11 siglo, ang Druze, na nag-angkin na ang kalipa o pinuno ng Shiite Fatimid na si al-Haakim bi Amrillah (996-1021 C.E.) ay ang huling inkarnasyon ng Diyos sa sangkatauhan.

Isa namang tinatawag na santo sa sektang Sufi na si Ibn Arabee (1165-1240C.E.) nang ika-12 siglo, ang humikayat sa kanyang mga tagasunod sa kanyang mga tula na manalangin sila sa kani-kanilang mga sarili at huwag sa mga bagay na nasa labas o paligid na kanilang mga sarili dahil sa paniniwalang ang Diyos ay nananahan sa katawan ng sangkatauhan. Ang teoriya ring ito ang pinakabuod ng batayan at pag-aangkin ni Elijah Muhammad (namatay noong 1975) sa Amerika na ang mga itim na tao ay mga diyos at ang kanyang tagapayong si Fard Muhammad ay ang diyos mismo. Si Reverend Jim Jones naman na nagpatiwakal kasama ang kanyang 900 na mga tagasunod noong 1979, ay isang maliwanag na halimbawa nang pag-aangkin ng isang tao na siya ay diyos at ang pagtanggap sa kanya ng mga tao. Sa katotohanan, natutunan ni Jim Jones ang kanyang pilosopiya at psikolohikang pamamaraan sa pagmamanipula sa mga inosente mula sa isa ring Amerikano na tinatawag ang kanyang sarili bilang “Father Divine”. Itong si Father Divine na ang tunay na pangalan ay George Baker ay lumitaw noong maagang taon ng depresyon nang 1920 at nagbukas ng isang restawran para sa mga mahihirap. Pagkatapos na makuha niya ang kanilang mga sikmura, inangkin niya sa kanila na siya ay diyos na nagkatawang tao. Kaalinsabay nito ay pinakasalan niya ang isang Canadian na babae na pinangalanan niyang Mother Divine.

Dito ay malinaw nating makikita na ang pag-aangkin ng pagkakaroon ng dibinidad ng diyos ay hindi limitado sa iilang lugar o sekta ng pananampalataya. Ang pinakapangunahing panganib sa paniniwalang ito ay ang pagkakahikayat sa pagsamba sa mga nilikhang bagay. Kapag ang isa ay naniwala na ang Diyos ay naroroon sa lahat ng bagay, nangangahulugan nito na Siya ay nandoroon sa loob ng Kanyang nilikha.

Na samakatuwid, ang taong nagtatangan ng ganitong paniniwala ay sasamba sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha, dahil mas madali daw sambahin ang diyos na nakikita kaysa sa hindi nakikita. Ang ganitong uri ng paniniwala ay kadalasang humahantong sa pagsamba sa tao, na kapag ang Allaah ay naandoon sa lahat ng bagay, mas gugustuhin ng tao na isipin na ang Diyos ay katulad ng isang tao kaysa sa isipin niya na ang Diyos ay kahawig ng isang hayop, halaman, o bato, sapagka’t ang tao ay nakahihigit kaysa sa ibang uri ng mga nilikha.

Kapag tinanggap ang ganitong idea, ang pintuan kung gayon ay mabubuksan sa sinuman, na angkinin na ang Allaah ay higit na nasa kanila kaysa sa Siya ay nasa kaninupaman. At sa umangkin nito, kaagad na nagsimulang masamba nila ang kanilang mga sarili. Sa ganitong kadahilanan nasamba bilang mga diyos, ang mga Pharaon ng Ehipto, at ang Chosroes ng Persia. At maging si Propeta Eesa (Hesus –sumakanya nawa ang kapayapaan) ay naging diyos din para sa mga karamihang Kristiyano.

ANG MGA KATIBAYAN NA ANG ALLAH AY WALA SA LAHAT NG BAGAY AT HINDI RIN SIYA NAKAPALOOB O NAPAPALIGIRAN NG KANYANG MGA NILIKHA NI ANUMANG BAHAGI NG KANYANG NILIKHA AY WALA SA ITAAS NIYA SA ANUMANG KAPARAANAN.

Sa kadahilanang ang pinakamatinding kasalanan sa harapan ng Tagapaglikha ay ang paglalagay sa Kanya ng katambal o ng katulong, at ang anumang bagay maliban sa Kanya ay Kanya lamang mga nilikha, ang lahat ng prinsipyo ng Islam ay direkta o di direktang sumasalungat sa pagsamba sa nga nilikhang bagay lamang. Ang pundamental na balangkas ng Paniniwalang Islamiko ay nagbigay ng maliwanag na pagkakaiba sa pagitan ng Tagapaglikha at sa Kanyang mga nilikha.

Maraming mga katibayan base sa mahahalagang elemento ng Islamikong katuruan na ginamit ng mga iskolar na Muslim upang itatag ang katotohanang ang Allaah ay nakahiwalay at nakasasakop sa lahat ng Kanyang mga nilikha.

  1. 1. Ang Natural na Katibayan:

Ang sangkatauhan, mula sa Islamikong pananaw, ay isinilang na may natural na kaisipan, pag-uugali, kamalayan, pang-unawa, pandama at kaalaman, at hindi produkto lamang ng kanyang kapaligiran. Ang katotohanang ito ay base sa bersikulo sa Banal na Qur’an kung saan ipinaliwanag nang Allaah na noong nilikha Niya si Adan (sumakanya nawa ang kapayapaan), kinuha Niya mula kay Adan ang lahat ng kanyang magiging anak at salinglahi at pinatestigo silang lahat (kabilang si Adan) na Siya, ang Allaah lamang ang Siyang dapat na pag-ukulan ng pagsamba. Ang konseptong ito ay lalo pang binigyang linaw ng mga paliwanag ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na ang lahat ng mga sanggol ay isinilang sa natural nitong kalagayan nang pagsamba at pagtalima sa Nag-iisang Tunay na Diyos na Tagapaglikha, subalit ang kani-kanilang mga magulang na Hudyo, Kristiyano o Magian ang siyang imimpluwensiya sa kanila upang magaya ng kanilang mga anak ang kanilang mga pananampalataya.

Kaya naman, ang natural na reaksiyon ng sangkatauhan sa kaalamang ang “diyos ay nasa sa lahat ng bagay” ay maaaring gamitin upang sukatin ang katotohanan ng pag-aangking ito. Kung ang Allaah ay totoong nasa sa lahat ng lugar at bagay, tumutukoy ito na ang Allaah ay makikita rin sa maruming lugar at bagay. Kapag ang isang tao ay nasabihan ng ganito; hindi nila ito matatanggap sa kanilang mga sarili. Wala silang makita o makapang katotohanan sa mga ganitong pag-aangkin, na ang Allaah, ang Lumikha ng langit at lupa ay makikita sa dumi ng tao, sa maruming bagay o maruming lugar na hindi angkop sa Kanyang kadakilaan at kamaharlikahan. Samakatuwid, ang ating maaaring maging konklusyon sa bagay na ito base sa natural at likas na talino ng tao na inilagay sa atin ng ating Tagapaglikha, ay pasinungalingan ang pag-aangkin na ang Diyos ay naandoon sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar.

  1. 2. Ang Salah bilang katibayan:

Ayon sa mga regulasyon at alituntunin na kinasasaklawan ng Salah sa Islam, ang lugar ng sambahan ay kinakailangang ganap na malaya mula sa lahat ng uri ng mga estatwa, rebulto o mga larawan na sinasagisag ang Allaah o ang Kanyang mga nilikha.

Na ang iba’t ibang mga posisyonsa pagsa-Salah (katulad ng pagyuko, pagpapatirapa atbp.) ay ipinagbabawal na ituon kahit na kaninuman maliban sa Allaah. Na samakatuwid, kung ang Allaah ay naroroon sa lahat ng bagay nasa bawa’t indibidwal, magiging katanggap-tanggap sa mga tao na magsambahan na lamang sa isa’t isa o di kaya ay sambahin na lamang nila ang kani-kanilang mga sarili.

Kung totoo ngang ganito, ipinahihintulot din sa mga tao kung gayon na sumamba sa mga bato, punong-kahoy, mga hayop at maging sa mga idolo. Ngunit ang lahat ng ito ay ipinagbabawal nang Allaah. Kaya nga ipinadala ang Islam ay upang alisin ang tao sa pagsamba niya sa kanyang kapwa tao at sa iba pang mga nilikhang bagay, at upang akayin siya patungo sa pagsamba sa Nag-iisa at natatanging Tagapaglikha lamang.

Ganap na ipinagbabawal sa isang tao na ituon niya sa mga nilikhang bagay ang kanyang isinasagawang pagsa-Salah, kahit na sa anumang pagkakataon. Ang ganitong pagbabawal sa Islam ay katibayan na ang Allaah ay hindi maaaring matagpuan sa alinman sa Kanyang mga nilikha; kailanman Siya ay hindi kabahagi o naging kabahagi ng Kanyang mga nilikha.

  1. 3. Ang al-Miraj bilang isa pang katibayan

Dalawang taon bago nangibang bayan patungong Al-Madeenah, gumawa ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) nang kahima-himalang paglalakbay sa gabi (na sa wikang Arabic ay tinatawag na Al-Isra’)— mula Makkah patungong Jerusalem, at mula naman sa Jerusalem siya ay pumaitaas patungo sa ikapitong kalangitan upang makaharap niya mismo ang Allaah nang katuwiran (na tinatawag na Al-Mi’raj sa wikang Arabic). Doon sa itaas ng ikapitong kalangitan ibinigay ng Allaah ang rebelasyon hinggil sa obligadong pagsa-Salah ng limang beses sa isang araw. Nakipag-usap ang Allaah sa kanya nang tuwiran na ang tanging harang ay liwanag sa pagitan niya at nang Allaah. Kasama rin sa inihayag sa kanya ay roon ay ang mga huling talata ng Suratul Baqarah.

Samakatuwid, kung ang Allaah ay nandoroon sa lahat ng bagay, hindi na kakailanganin pang pumunta ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa anumang lugar, dahil maging sa kanyang tahanan ay maaari niyang makaharap ang Allaah nang tuwiran. Ang insidenteng ito nang mahimalang pagpunta ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa ikapitong kalangitan ay maliwanag na katunayan na ang Allaah ay hindi kabahagi nang kanyang mga nilikha, bagkus Siya ang walang hanggang nakasasakop sa kanila.

  1. Ang Qur’an bilang katibayan

Maraming mga talata sa Qur’an ang tuwiran o di-tuwirang nagsasaad na ang Allaah ay nasa ibabaw ng Kanyang mga nilikha. Matatagpuan ang mga ito sa halos bawa’t kabanata ng Qur’an. Ang ilan sa mga di-tuwirang pagtukoy na ang Allaah ay nasa ibabaw ng Kanyang mga nilikha ay yaong pag-akyat at pagbaba ng mga bagay mula sa Kanya. Bilang halimbawa, sa Surah Al-Ikhlaas, tinawag nang Allaah ang Kanyang Sarili bilang “As-Samad”na ang ibig sabihin; kung saan ang mga bagay ay tumataas. Ang ilan dito ay magkaminsang literal, katulad halimba ng: … Ang mga anghel at ang Espiritu (Anghel Gabriel) ay tumataas patungo sa Kanya sa isang araw na ang haba ay katumbas ng limampung libong taon. Surah Maarij, 70:4

at minsan naman ay espirituwal, katulad ng sa dasal, panalangin, pagpupuri at pag-aalaala sa Kanya: ..Ang lahat ng mabubuting salita ay tumataas sa Kanya..Surah Faatir, 35:10

..ganundin sa sumusunod na bersikulo:…Sinabi ni Paraon: Oh Haaman, gumawa ka ng isang matayog na tore upang marating ko ang daan, ang daan ng kalangitan, upang aking masulyapan ang Panginoon ni Moses. Subali’t katotohanan, palagay ko siya ay isang sinungaling…Surah Ghaafir 40:36:37

Ang halimbawa naman ng bumaba mula sa Allaah ay matatagpuan sa sumusunod na mga talata: ..Sabihin: ang Banal na Espiritu (anghel Gabriel) ang siyang nagdala nito (ang Rebelasyon- Qur’an) mula sa iyong Panginoon ng may katotohanan, upang palakasin (sa kanilang paniniwala) ang mga mananampalataya, at bilang isang gabay at mabuting balita para sa mga Muslim… Surah An-Nahl, 16:102

Ang direkta at tuwirang reperensiya ay matatagpuan pareho sa mga pangalan ng Allaah ganundin sa Kanyang maliwanag na kapahayagan. Bilang halimbawa, tinawag nang Allaah ang Kanyang Sarili bilang Al-Alee at Al-A’laa parehong nangangahulugan ng Kataas-taasan, na sa Kanya ay wala nang tataas o hihigit pa. Tinukoy din Niya ang Kanyang Sarili bilang nasa sa itaas ng Kanyang mga alipin, sa pagsabi ng: “Siya na al-Qahir (ang Di-mapaglalabanan) ay nasa itaas ng mga sumasampalataya sa Kanya.” Surah An’aam, 6:18,61

Inilarawan din Niya ang Kanyang Sarili sa mga mananampalataya bilang: “yaong (mga mananampalataya) natatakot sa kanilang Panginoon na nasa sa itaas nila..Surah An-Nahl 16:50

Samakatuwid, ang Banal na Qur’an mismo ay malinaw na katibayan para sa mga nag-iisip nang malalim hinggil sa mga kahulugan nito, na ang Allaah ay nasa sa itaas ng Kanyang mga alipin at wala sa loob nila.

  1. Ang Hadeeth bilang katibayan

Marami ring mga ebidensiyang makikita sa mga Hadeeth ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na mariing nagpapatunay na ang Allaah ay wala sa daigdig o nasa sa loob ng Kanyang mga nilikha.

Sinabi ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan): “Hindi mo ako pinagkakatiwalaan gayong pinagkatiwalaan ako ng Isa (Allaah) na nasa itaas ng kalangitan”.. (Muslim at Bukhari)

Sinabi ng Propeta Muhammad r:..magpakita kayo ng awa sa mga nasa kalupaan nang sa ganoon ay magpakita (rin) ng awa ang Isa (Allaah) na nasa kalangitan. (At-Tirmidhi)

Sinabi ng Propeta Muhammad r: “Ang Arsh ay nasa ibabaw ng tubig, at ang Allaah ay nasa itaas ng Arsh (na angkop sa Kanyang Kamaharlikahan) at batid Niya kung ano ang inyong pinapaniwalaan at ginagawa.” (Abu Dawood)

Sa isang pangyayari, minsan ay tinanong ng Propeta Muhammadr: ang isang babaeng alipin, “Nasaan ang Allaah? Sinabi niya: “Nasa sa itaas ng kalangitan”. Pagkatapos ay sinabi ng Propeta (sa nagmamay-ari ng kanyang alipin), “Palayain mo siya sa kanyang pagka-alipin, (sapagka’t) siya ay isang Muslim.” (Muslim).

  1. Lohikal (makatuwiran) na Katibayan:

Sa makatuwirang pangungusap, maliwanag na sa dalawang bagay na nabubuhay, ang isa ay kinakailangang kabahagi ng isa at ito ay umaasa lamang dito katulad nang sa katangian, o dili naman ito ay nabubuhay na mag-isa, kaiba sa ibang bagay. Kaya naman, nang lalangin nang Allaah ang sandaigdigan, maaaring ito ay nilikha Niya sa loob ng Kanyang Katauhan o sa Labas ng Kanyang Katauhan. Ang unang nabanggit na posibilidad ay hindi katanggap-tanggap dahil ito ay mangangahulugan na ang Allaah, ang Napakadakila, ang Kataas-taasan ay mayroong kakulangan ng katangian at kahinaan sa loob ng Kanyang Katauhan. Samakatuwid, ang daigdig ay nilikha Niya sa labas ng Kanyang Katauhan, bilang isang nilikhang bagay na kaiba sa Kanya, subalit nananatiling umaasa sa Kanya. Dahil ito ay nilikha Niya sa labas ng Kanyang Katauhan, alin sa dalawa, nilikha Niya ito sa itaas o ibaba Niya? Base sa eksperiensiya ng sangkatauhan, wala namang nananalangin pababa at ang pagiging mas mababa Niya sa Kanyang mga nilikha ay kontra sa Kadakilaan at Kaluwalhatian nang Tagapaglikha. Ang Allaah ay nasa sa ibabaw ng Kanyang mga nilikha na kaiba sa kanila.

ANG BUOD:

Mapagtitibay kung gayon batay sa panuntunan ng Tawheed na:

  1. Ang Allaah ay ganap na hiwalay mula sa Kanyang mga nilikha.
  2. Hindi Siya napapaligiran ng alinmang nilikha at walang sinuman sa Kanyang mga nilikha ang nasa sa itaas Niya sa anumang kaparaanan.
  3. Siya, ang Allaah ay nasa sa ibabaw ng lahat ng mga nilikhang bagay.

ix. KABANATA UKOL PAGKAKITA SA ALLAAH

Katulad ng nabanggit sa mga naunang kabanata, ang kaisipan ng sangkatauhan ay limitado lamang na kung kaya hindi niya mauunawaan ang mga katangian ng Allaah maliban na lamang sa mga pinili Niyang mga katangian na ipinabatid sa kanila.

Anumang pagsisikap na ilarawan ng tao sa kanyang kaisipan ang Allaah, maliligaw at maliligaw pa rin siya, sapagka’t ang Allaah ay kaiba mula sa lahat ng mga bagay na iniisip ng tao. Ang anumang imahinasyon ng tao ay bahagi lamang ng nilikha o mga kumbinasyon ng mga nilikhang bagay na kanyang nao-obserbahan. Halimbawa ay ang mga gremlins, unicorns, vampires, ninja turtles, supermen, matrix atbp, ay mga likhang isip lamang na mga hugis at anyo. Na samakatuwid, kapag ninais ng tao na bigyan ng anyo o larawan ang Allaah sa kanyang kaisipan, magtatapos siya sa pagbibigay sa Allaah ng mga katangian ng Kanyang mga nilikha.

Magkagayunpaman, posible para sa tao na maunawaan niya ang ilan sa mga katangian ng Allaah. Halimbawa ay ang katangiang: “Al-Qadir”- ang Pinakamakapangyarihan sa Lahat- nangangahulugan ito na walang anumang bagay na hindi maaaring magawa ng Allaah ng ayon sa Kanyang kadakilaan, kaluwalhatian, at kamaharlikahan. Gayundin ang “Ar-Rahman”- ang Pinakamaawain- nangangahulugan iot na walang sinuman sa mga nilikha ng Allaah ang hindi Niya pinagkalooban ng Kanyang mga biyaya at kagandahang loob. Ang kahulugan ng mga katangiang ito ay hindi na nangangailangan pa ng paglalarawan sa kaisipan upang ating maunawaan.

Na kung kaya,sa ganitong punto lamang nang kaisipan ng tao maaaring mag-isip ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa Allaah. Ang pagkalito at maling pagkaunawa sa mga hangganan kung saan ang Allaah at ang Kanyang mga katangian ay posibleng maunawaan ng sangkatauhan ang siyang nagbunsod sa Sangkakristiyanuhan ng Roma at Griego na lumayo sa tunay at dalisay na katuruan ni Propeta Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Yaong mga Europeano na yumakap ng Kristiyanismo ay naglagay sa mga simbahan at bahay dalanginan ng mga larawan at estatwa ng Diyos sa anyo ng isang matandang Europeano na may mahabang-mahabang puting balbas. Isa sa naging pangunahing dahilan ng kanilang pagkakaligaw ay dahil sa pagkakasalig nila sa nadumihang aklat ng mga Hudyo para sa kanilang gabay pangrelihiyon. Sa Genesis, ang unang aklat ng Torah, isinulat ng mga Hudyo ang impormasyong ito na may kaugnayan sa pagkakalikha sa mga tao: Then God said, “Let us make a man in our image, after our likeness…. So God created man in his own image, in the image of God He created him.  Genesis 1:26-27

Dahil sa mga talatang ito at sa iba pa na katulad nito, ipinalagay ng mga Kristiyano na ang Allaah ay kamukha ng tao, na kung kaya, Siya ay sinagisag nila sa kani-kanilang mga estatwa o rebulto at sa mga guhit, pinta o larawan. Kapag ang sangkatauhan ay naligaw mula sa matuwid na katuruan na ang Diyos ay hindi kailanman magiging katulad ng Kanyang mga nilikha, mag-uumpisa siyang idirekta ang kanyang pagsamba sa mga bagay na nilikha lamang ng Diyos. Sa pangyayaring ito, magkaminsan ay pinipili niyang isalarawan ang Diyos sa hugis ng tao, dahil ang tao ang siyang pinakamataas na uri ng nilikha ng Diyos.

Maliwanag na ipinaliwanag at ipinaunawa nang Allaah sa Banal na Qur’an na ang anumang bagay na ating maiisip o mailalarawan sa ating mga kaisipan ay hindi maaaring maging Siya: Walang sinuman ang katulad Niya, Siya ang Walang-Hanggang Nakaririnig at walang-Hanggang Nakakikita. Surah Ash-Shura 42:11

… “Walang sinuman ang maihahalintulad sa Kanya”. Surah Al-Ikhlas 112:4

HINILING NI PROPETA MOSES NA MAKITA ANG ALLAAH…

Pagkatapos maging malinaw na Siya ay hindi katulad ng Kanyang mga nilikha, sinabi rin Allaah na siya ay hindi makikita ng ating mga mata. “Hindi Siya maabot ng mga paningin, subali’t batid Niya ang tinataglay at inaabot ng mga paningin. Surah Al-An’am 6:103

Upang bigyang liwanag ang katotohanang ito sa atin, sinabi Niya ito sa Qur’an sa pamamagitan ng kuwento hinggil kay Propeta Moses. Sinabi ng Allaah: “..nang dumating si Moses sa tipanang lugar na itinakda Namin at ang kanyang Rabb ay nakipag-usap sa kanya at pagkatapos ay sinabi niya: “O aking Rabb! Ipakita Mo sa akin ang Iyong Sarili, nang sa ganoon ay mapagmasdan kita.” Sinabi ng Allaah: “ Hindi mo Ako makikita, subail’t tumingin ka sa bundok, kung ito ay nanatili sa lugar nito nang hindi natitinag, samakatuwid ay makikita mo Ako”.

Nang ihayag nang Allaah ang Kanyang kaluwalhatian sa bundok, ito ay nadurog na parang mga alikabok, at si Moses ay bumagsak na walang malay. Nang magkamalay siyang muli, sinabi niya: Luwalhati sa Iyo, ibinabaling ko ang aking pagsisisi sa Iyo at ako ang una mula sa tunay na mananampalataya. Surah al-A’raf 7:143

Inakala kasi ni Moses na maaari siyang pahintulutang makita ang Allaah yayamang pinagkalooban siya ng Allaah ng higit na biyaya at kagandahang-loob kaysa sa ibang mga nilikha noong kapanahunan niya, gaya ng pagtanggap ng mensahe mula sa Allaah at ang pagbibigay sa kanya ng pabor kaysa sa ibang mga propeta sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-usap nang tuwiran sa kanya ng Allaah.

Nilinaw nang Allaah na hindi maaaring mangyari ang kanyang kahilingan. Kung ang kaluwalhatian nga ng Allaah ay hindi nakayanang makita ni Moses dahil sa tindi nito, mano pa kaya ang Allaah na Napakadakila at Walang Hanggan. Napagtanto ni Moses kung gayon ang kanyang kamalian at hiningi niya ang kapatawaran ng Allaah hinggil sa hiniling niyang bagay na wala sa lugar.

NAKITA BA NI PROPETA MUHAMMADr ANG ALLAAH?

May mga Muslim na nag-akala na namumukod tangi ang nangyari sa Huling Propeta ng Allaah, si Muhammadr, na pinahintulutan nang Allaah na maglakbay sa mga kalangitan at makalampas sa hangganan na maging ang mga anghel ay hindi pinahihintulutang magtungo.

Subali’t nang tanungin si Aa’isha ng isa sa mga Tabiun (estudyante ng mga Sahaabah) na si Masrooq, kung nakita ba ng Propeta Muhammadr ang Kanyang Rabb (Allaah), siya ay tumugon at nagsabi: “Kinilabutan ako at tumindig ang aking mga balahibo dahil sa tinanong mo! Sinuman ang magsasabi sa iyo na nakita ni Muhammad ang kanyang Rabb, katotohanang siya ay nagsinungaling” (Sahih Muslim)

Noon namang tanungin ni Abu Dharr (kalugdan nawa siya ng Allaah) ang Propeta Muhammadr kung nakita niya ang kanyang Rabb, sumagot ang Propetar: “Ang nakita ko lamang ay liwanag, papaano ko Siyang makikita?” (Sahih Muslim)

At sa isang pagkakataon, binigyang-linaw ng Propeta Muhammadr na ang ibig sabihin ng liwanag (Nour) na ito ay hindi mismo ang Allaah: “…at ang nakaharang sa pagitan Niya ay liwanag.” (Sahih Muslim)

Samakatuwid, ligtas na sabihin na ang Huling Propeta kagaya ng mga Propetang nauna sa kanya ay hindi rin nagawang makita ang Allaah- ang Pinakadakila at Napakamaluwalhati-sa buhay dito sa daigdig. Yaong mga taong nag-aangkin na nakita nila ang Allaah dito sa daigdig ay isang napakalaking kasinungalingan. Ito ay sa kadahilanang, kung ang mga Propeta na pinili ng Allaah mula sa sangkatauhan ay hindi napagkalooban ng kakayanan na makita ang Allaah, papaanong sasabihin ng ibang tao na nakita nila ang Allaah, kahit na angkinin nila na sila ay mga relihiyoso at mga banal? Sa pag-aangkin nilang ito, lalabas na mas nakahihigit pa sila sa mga Sugo at Propeta na batid naman nitong hindi maaaring mangyari.

ANG PAGPAPANGGAP NI SATANAS BILANG ANG ALLAAH

Walang pag-aalinlangan na karamihan sa mga mistiko (Sufis-mahilig sa hiwaga at kababalaghan) na nag-aangking nakita ang Allaah ay mayroon ngang nakita. Kalimitan nilang isinasalarawan ang pagkakita sa napakaganda at napakatingkad na liwanag at ibang hindi makalupang bagay. Magkaganunpaman, ang katotohanan na marami sa mga mistikong ito ang bumabalewala sa ilang mga pangunahing gawain sa Islam pagkatapos ng mga pangitaing ito ay maliwanag na nagpapakita na sila ay nasangkot sa kademonyuhan at hindi sa kabanalan.

Yaong mga nag-aangking nakita nila ang Allaah ay magkaminsang nag-aangkin na hindi na nila kailangan pang mag-Salah at mag-ayuno katulad ng ginagawa ng mga pangkaraniwang tao, dahil ang kanila daw antas ng espiritual ay nakahihigit na sa mga ito. Si Sheikh Abdul-Qaadir al-Jeelanee (1077-1166 CE), kung saan ipinangalan ang Qaadiree Sufi, ay nagpahayag ng isang insidente na kanyang naranasan. Ang insidenteng ito ay naglalaman ng kapaliwanagan para sa mga pangitain ng mga nag-aangking nakakita sa Allaah, ganundin sa dahilan kung bakit binabalewala nila ang ilang pangunahing kautusan ng Islam pagkatapos ng pangitain. “Isang araw”, sabi niya, “habang ako ay nananalangin, bigla ko na lamang natambad sa aking harapan ang isang dakilang trono na napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag. Isang nakabibinging boses ang aking narinig: O Abdul-Qaadir, ako ang iyong Panginoon! Ipinahihintulot ko sa iyo ang mga bagay na ipinagbawal ko sa ibang tao.” Si Abdul-Qaadir ay nagtanong: “Ikaw ba ang Allaah, na maliban sa Kanya ay wala nang karapat-dapat pang sambahin? Noong siya ay walang nakuhang sagot, sinabi niya: Lumayo ka sa akin, kaaway nang Allaah. At pagkatapos noon, nawala ang liwanag at kadiliman ang bumalot sa kanya. At ang boses ay muli na namang nagsalita: Abdul-Qaadir, nagtagumpay ka na biguin o talunin ang aking istratehiya o panlilinlang sa iyo dahil sa iyong pagkakabatid sa relihiyon at nang iyong kaalaman. Nagawa kong iligaw ang mahigit 70 mabubuting tagasunod sa pamamagitan ng ganitong insidente. Pagkatapos, ang mga tao ay nagtanong: Abdul-Qaadir, papaano mong nakilala na siya si Satanas. Sumagot siya: “Nakilala ko na siya si Satanas sa pamamagitan ng kanyang pag-aangkin na ipinahintulot na nang Allaah ang mga bagay na ipinagbawal Niya sa ibang tao, dahil alam ko na ang mga dibinong batas na ipinahayag sa Propetar ay hindi maaaring mabago o makansela. Napagtanto ko rin kung sino siya, noong sabihin ni Satanas na siya ang aking Panginoon, subalit hindi naman niya makumpirma na siya nga ang Allaah, ang Natatangi at Nag-iisa.”

Maraming mga tao rin ang nagpahayag na nakita nila ang Ka’abah na sa kanilang pangitain ay inikutan nila. Ang iba ay nagsabi na ang isang dakilang trono ay nahayag sa kanilang harapan; may nakaupo dito at maraming bilang ng kalalakihan ang akyat-manaog o taas-baba sa paligid nito. Inakala nila na ang kalalakihan ay mga anghel at ang nakaupo ay ang Allaah, ang Kataas-taasan at Napakamaluwalhati Niya, subalit sa katotohanan, ito ay si Satanas at ang kanyang mga tagasunod.

Samakatuwid, maaaring ipalagay na ang basehan ng mga pag-aangkin nang pagkakita sa Allaah, sa panaginip mo o sa kaliwanagan ng araw, ay maaaring landasing pabalik sa kalagayang psikolohikal at emosyonal ni Satanas. Sa ganitong kalagayan, si Satanas ay nag-aanyong dakilang liwanag at nag-aangkin doon sa mga taong nakakita ng pangitaing ito bilang ang kanilang Rabb (Allaah). Dahil sa kanilang pagiging ignorante at salat na kaalaman ng dalisay at purong Tawheed, tinatanggap nila ang ganitong pag-aangkin kaya sila ay naliligaw mula sa matuwid na landas ng mga Propeta at Mensahero.

ANG NAKAPALOOB NA WISDOM SA HINDI PAGKAKAKITA SA ALLAAH

Kung ang Diyos ay atin nang makikita dito sa daigdig, ang mga pagsubok sa daigdig na ito ay magiging walang kabuluhan. Kung bakit ang daigdig na ito ay nagiging tunay na pagsubok sa sangkatauhan ay dahil sa katotohanan na ito ay inoobliga na maniwala sa Allaah kahit na hindi pa natin siya nakikita. Kung ang Allaah ay lantad sa paningin ng lahat ng mga nilikha, ang lahat ay maniniwala na kaagad sa Kanya, at sa mga itinuro ng Kanyang mga sugo at propeta. kapag ganito ang nangyari, ang sangkatauhan ay matutulad sa mga anghel na magiging masunurin sa kanilang Tagapaglikha. Sa kadahilanang ang sangkatauhan ay nilikha nang Allaah na mas mataas ang antas kaysa sa mga anghel, na walang pagpili sa paniniwala, ang pagpili ng mga tao sa paniniwala laban sa di-paniniwala, ang mga tao ay kinakailangang nasa sitwasyon kung saan ang pagkakaroon ng Tagapaglikha ay maitatanong. Kaya naman, pinanatiling nakatago at hindi lantad nang Allaah ang kanyang Sarili, ang Kanyang kadakilaan, kaluwalhatian at kapurihan sa sangkatauhan hanggang sa huling araw.

MAKIKITA ANG ALLAAH SA KABILANG BUHAY…

Maraming mga pangyayari sa Banal na Qur’an na kung saan maliwanag na sinabi nang Allaah na makikita Siya ng mga tao (ng mga mananampalataya) sa Kabilang Buhay. Sa paghahayag ng ilang mga pangyayari na magaganap sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sinabi ng Allaah: “Sa Araw na yaon ang ilang mga mukha ay maliwanag, nakatingin sa kanilang Rabb”. Surah Al-Qiyamah 75: 22-23

Ipinaliwanag pang maige ng Propetar ang hinggil sa dakilang pangyayaring ito. Nang siya ay tanungin ng ilan sa kanyang mga Sahaabah: “Makikita ba naming ang aming Rabb sa Araw ng Muling Pagkabuhay?” Tumugon siya at sinabi: “Nahihirapan ba kayong tumingin sa buwan kapag ito ay nasa kabilugan?”Tumugon sila: “Hindi”, Pagkatapos ay sinabi niya: Katiyakan na makikita ninyo Siya nang ganoon din. (Sahih Bukhari & Muslim) Sa ibang pahayag, sinabi ng Propeta: “Katiyakan, ang bawa’t isa sa inyo ay makikita ang Allaah sa Araw na kinakailangan makaharap ninyo Siya at walang harang sa pagitan Niya at sa pagitan ninyo ni tagapagsalin.”

Inihayag din ni Umar (kalugdan nawa siya ng Allaah), na minsan ay sinabi ng Propeta: “Ang Araw ng Muling Pagkabuhay ay ang unang araw na ang mga mata ay titingin sa Allaah, ang Pinakadakila at Napakamaluwalhati.” Ang makita ang Allaah sa Kabilang Buhay ay isang natatangign karagdagang biyaya at kagandahang loob para sa mga tao ng Al-Jannah. Ang karagdagang pabor na ito ay mas higit na dakila kaysa sa lahat ng mga kaluguran na inilaan ng Allaah para sa mga matatapat na tagapagmana ng Hardin. Ang tinutukoy ng Allaah na karagdagang kalugurang ito ay Kanyang sinabi sa Qur’an: “Ang para sa kanila ay kung anuman ang kanilang nais at mayroon pang karagdagang bagay mula sa Amin”. Surah Qaf 50:53

Ang dalawa sa pinakakilalang Sahaabah ng Propeta na sina Ali Bin Abi Talib at Anas (kalugdan nawa sila ng Allaah) ay nagsalaysay hinggil sa paliwanag ng talatang “ang karagdagang bagay” na tinutukoy ng Allaah dito ay yaong pagtingin sa Kanya. Sinabi ng Propeta Muhammadr: kapag ang tao na karapat-dapat sa al-Jannah ay nakapasok na roon at yaong karapat-dapat sa Impiyerno ay nakapasok na rin doon, ang tagapagtawag ay mananawagan: O mga tao ng Al-Jannah, ang Allaah ay mayroong pangako sa inyo na nais Niyang tuparin. Magtatanong sila at sasabihin: Ano iyon, di ba sinanhi Niya na bumigat ang timbang (ng aming mga mabubuting gawa), sinanhi rin Niya na magningning ang aming mga mukha, inilagay Niya kami sa Al-Jannah at inalis sa Impiyerno (ang ilan sa amin na napunta roon)? Ang harang samakatuwid ay maaalis at sila ay titingin sa Kanya. Wala anuman sa ipinagkaloob Niya ang higit na mas kaibig-ibig sa kanila kaysa ang pagmasdan Siya. Ito ang tinutukoy na karagdagang bagay.

At para naman sa mga walang pananampalataya, hindi nila makikita ang Allaah sa Kabilang Buhay na isang napakalaing pag-alis ng karapatan sa kanila hinggil sa bagay na ito, isang pagkakatalo at kabiguan. Sinabi ng Allaah: “Walang pag-aalinlangan, ang kanilang (masamang nagawa) ang haharang sa kanila upang hindi nila Makita ang kanilang Rabb sa Araw na Yaon.” Surah 83:15

ANG PAGKAKITA SA PROPETA MUHAMMADr

Ito ay ang isa pang aspeto ng pangitain na sa isang antas ay naging dahilan ng kalituhan at pagsubok para sa mga Muslim. May mga tao na nag-angkin na nakita nila ang Propeta r at sila ay nakatanggap ng espesyal na gabay mula sa kanya. Ang iba ay nag-angkin na ang kanilang pangitain ay sa panaginip, ang iba naman ay nagsasabing nakita nila ang propeta ng harapan at habang sila ay gising. Ang mga taong nag-aangkin ng ganitong pangitain ay magkaminsang karespe-respeto sa mga tao. Magkaminsan din, sila ang nagpapasimula ng mga inobasyon sa relihiyon at sinasabing ito ay iniutos ng Propetar. Ang basehan ng ganitong pag-aangkin ay sa Hadeeth na isinalaysay ni Abu Hurayrah, Abu Qataadah at Jabir Ibn Abdullah kung saan sinabi ng Propetar: Sinuman ang nakakita sa akin sa panaginip, katotohanang nakita niya ako, dahil sa Satanas ay walang kakayahang gayahin ang anyo ko.” Walang pag-aalinlangan na ang Hadeeth na ito ay Saheeh o awtentibo at mapananaligan, kaya hindi maaaring tanggihan o di pagtiwalaan; subalit merong mga bagay-bagay na dapat na isaalang-alang na tumutukoy sa tunay nitong kahulugan:

  1. Kinukumpirma ng Hadeeth ang katotohanang, si Satanas ay maaaring magpakita sa panaginip sa iba’t ibang anyo at porma at imbitahan ang mga tao sa kalikuan.
  2. Isinasaad ng Hadeeth na si Satanas ay walang kakayahang gayain o kopyahin ang anyo ng Propetar.
  3. Kinukumpirma din ng Hadeeth ang katotohanang ang porma o anyo ng propetaray maaaring makita sa panaginip.

Yayamang binanggit ng Propetar ang Hadeeth na ito tungkol sa panaginip sa kanyang mga kasamahan, na pamilyar at nakakakilala sa kanyang kaanyuan, ito ay nangangahulugan na ang isa na nakababatid ng eksaktong kaanyuan ng Propeta r at nakita ang deskripsiyong ito sa kanyang panaginip, siya ay nakasisiguro na biniyayaan siya ng Allaah na makita ang Propetar. Ito ay sa dahilang, hindi pinahintulutan ng Allaah si Satanas na magaya ang kaanyuan ng Propeta Muhammadr. Subali’t ito ay nangangahulugan din na si Satanas ay maaaring magpakita sa panaginip nang mga taong hindi pamilyar sa kaanyuan ng Propetar, at tapos ay angkinin na siya ang Propeta ng Allaah. Siya ay magbibigay ngayon ng panibagong katuruan o mga inobasyon sa relihiyon para sa nakakita ng panaginip o pangitain o di kaya ay sabihin sa kanya na siya ang Al-Mahdi (ang isa na pinatnubayan) o kaya ay si Hesus na darating sa mga huling araw. Ang bilang ng mga taong nagdala ng mga inobasyon sa relihiyon at pananampalataya base sa panaginip ay hindi na mabilang. Ang mga tao ay kalimitang naniniwala sa ganitong pag-aangkin dahil na rin sa hindi nila pagkakaunawa sa implikasyon ng nabanggit na Hadeeth. Sa kadahilanang ang Sharee’ah (batas Islamiko) ay kumpleto, ang pag-aangkin na ang Propetar ay nagpakita sa kanyang panaginip na mayroon daw karagdagang batas na ipinag-utos sa kanya ay maliwanag na kasinungalingan. Ang pag-aangking ito ay mayroong dalawang implikasyon: una: hindi naisakatuparan ng Propetar ang kanyang misyon noong siya ay nabubuhay pa; pangalawa: na hindi batid ng Allaah ang kinabukasan ng Ummah, kaya hindi naibigay ang kaukulang batas noong kapanahunan ng Propeta Muhammadr Ang dalawang implikasyong ito ay taliwas sa mga pangunahing batas ng Islam.

Doon naman sa nag-aangkin ng pagkakakita sa Propeta Muhammadr sa panahong sila ay gising, ang ganitong pag-aangkin ay lumampas na sa hangganan ng Hadeeth sa pagiging imposible. Ang alinmang mga pangitain na naganap ay walang pag-aalinlangang kagagawan ni Satanas, anuman ang kinalabasan nito.

ix. KABANATA UKOL SA PAGSAMBA SA MGA SANTO AT BANAL

ANG PABOR MULA SA ALLAAH

Kabahagi na ng naturalesa ng isang tao ang iangat o itaas ang ilang indibidwal na nakahihigit sa ibang tao. Ang nais niya ay igalang at respetuhin ang mga ito at mas gusto pa nilang sumunod na lamang sa mga ito kaysa ang bumase sila sa kani-kanilang mga desisyon. Ito ay ang direktang resulta ng katotohanan na ang iba ay higit na biniyayaan ng Allaah kumpara sa ibang tao. Katulad na lamang ng sa kalalakihan at kababaihan. Sinabi ng Allaah: Ang mga kalalakihan ay tagapangalaga at tagapagtustos ng mga kababaihan, ito ay sa dahilang sinanhi ng Allaah na nakahihigit ang isa sa isa..Surah an-Nisa 4:34

At ang ilang kalalakihan ay nakaaangat sa iba: Sinabi ng Allaah:.. “Pinaboran ng Allaah ang ilan sa inyo higit sa iba ng mga kayamanan at ari-arian”... Surah an-Nahl 16:71

Ang tribo ng Israel ay pinaboran ng Allaah:… O angkan ng Israel, tandaan ang pabor na Aking ipinagkaloob sa inyo.. Baqarah 2:47

Ang mga propeta at mensahero ay biniyayaan at tinangkilik higit sa sangkatauhan sa pamamagitan ng rebelasyon at ang iba ay pinaburan at nakahihigit kaysa sa iba: “Yaon ang mga propeta. Ang iba ay higit Naming pinaboran at tinangkilik kaysa sa iba.. Baqarah 2:253

Subalit mahigpit na ipinag-utos ng Allaah na huwag naising makamit ang mga bagay na kung saan ang iba ay ginawa niyang higit sa iba:. “At huwag asamin ang mga bagay na kung saan sinanhi ng Allaah na nakahihigit ang isa sa isa.. Surah an-Nisa 4:32

..ito ay sa kadahilanang ang mga pabor na ito ay pagsubok na may kaakibat na mabigat na responsibilidad. Ang mga ito ay hindi resulta ng pagpupunyagi ng sinumang tao, kaya naman, hindi ito dapat na maging sanhi ng kayabangan at pagiging mataas. Hindi tayo pagkakalooban ng Allaah ng gantimpala sa pagkakaroon natin ng mga ito, subali’t tayo naman ay mananagot kung papaano natin ito gagamitin. Kaya nga, tayo ay pinayuhan ng Propeta ng Allaahr: “huwag ninyong tingnan ang mga nasa sa itaas ninyo, bagkus ay sa mga nasa sa ilalim ninyo kayo tumingin. Ito ay higit na makabubuti sa inyo, upang hindi ninyo itanggi ang mga biyaya ng Allaah sa inyo.” Sahih Bukhari vol.8, p.328, no. 497

Ang bawat isang nilikha ay nakahihigit sa ibang mga nilikha sa iba’t ibang pamamaraan, at ang bawa’t isa ay pinagkalooban ng kanya-kanyang responsibilidad na kanilang pananagutan. Sinabi ng Propetar: “Ang bawat isa sa inyo ay pastol, at ang bawa’t isa ay may pananagutan sa kanyang kawan.” Sahih Bukhari vol.3, p.438, no. 730

Ang mga responsibilidad na ito ay ang mga pangunahing balangkas sa mga pagsubok sa buhay natin dito sa daigdig. Kung tayo ay magiging isang mapagpasalamat na nilikha sa Allaah sa Kanyang mga Biyaya at isinabuhay natin ito ng may katarungan, tayo ay magtatagumpay, dahil kung hindi, tayo ay mabibigo. Subali’t, ang pinakamatinding pagsubok ng responsibilidad ay ang pagbibigay ng pabor at ang pagtangkilik ng Allaah sa sangkatauhan kumpara sa ibang mga nilikha Niya. Ang pabor na ito ay nakumpirma sa kautusan ng Allaah sa mga anghel na magpatirapa kay Adan (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ang responsibilidad ay nahahati sa dalawa:

  1. Ito ay nagtataglay ng personal na responsibilidad na tanggapin ang pananampalatayang Islam; ang kabuuang pagpapasakop sa kagustuhan ng Allaah.
  2. Ito ay nagtataglay din ng pangako ng bawa’t isa na palaganapin at itatag ang batas ng Allaah sa buong sandaigdigan.

Kaya naman, ang mananampalataya ay nakahihigit kumpara sa mga walang pananampalataya sa paningin at harapan ng Allaah dahil sa kanilang pag-ako ng responsibilidad. Sinabi ng Allaah: Kayo (ang mga mananampalataya) ang pinakamabuting nasyon na nilikha mula sa sangkatauhan; ipinatutupad ninyo ang Al-Ma’ruf (ang kabutihan) at ipinagbabawal naman ang al-Munkar (lahat ng uri ng kasamaan) at kayo ay naniniwala sa Allaah..Surah Imran 3:110

TAQWAA:

Kabilang sa komunidad ng mga mananampalataya; ang iba ay nakahihigit sa iba; at ang pagkahigit na ito ay direktang resulta ng kanilang sariling pagsisikap. Ang pagkahigit na ito ay may kaugnayan sa Eeman, ang lakas at ang lalim ng pananampalataya. Ang isang buhay na paniniwala ay ang siyang nagtutulak sa isa na nagtataglay nito na mapangalagaan ang kanyang sarili mula sa mga bagay na hindi kalugod-lugod sa kanyang Tagapaglikha. Ang pananggang ito ay tinatawag sa wikang Arabic na “Taqwaa”. Ito ay isinalin bilang “ang pagkatakot sa Panginoon”, kabanalan at debosyon, ganundin bilang ang “pagkakabatid na may Diyos na nakababatid ng lahat ng bagay”. Mariing ipinaliwanag ng Allaah ang kahigitan ng Taqwaa sa sumusunod na mga bersikulo: Walang pag-aalinlangan, ang pinakamarangal sa inyo ay ang mayroong mas maraming Taqwaa”.. Surah Al-Hujurat 49:13

Dito ipinaliwanag ng Allaah na ang natatanging kadahilanan kung papaanong ang isang mananampalataya na lalaki o babae ay makahihigit sa isa’t-isa ay sa pamamagitan ng antas ng Taqwaa. Ang kabanalang ito o ang pagkatakot sa Tagapaglikha ang siyang nagpapaangat sa antas ng isang tao mula sa isang may isip na hayop patungo sa pagiging isang Khaleefah (tagapamahala) ng sandaigdigan. Kaya walang Taqwaa, ang pananampalataya ng isang tao ay mababalewala na parang pinaghalu-halong salita at kataga na namemorya, at ang matuwid na mga gawain ay nagiging pakitang tao at pagkukunwari na lamang. Samakatuwid, ang Taqwaa ay ang dapat na pinakamahalagang konsiderasyon ng isang tao sa pang-araw-araw niyang pamumuhay. Sinabi ng Propeta Muhammadr: “Ang isang babae ay pinapakasalan dahil sa apat na kadahilanan: ang kanyang kayamanan, ang kanyang nobilidad o angkang pinagmulan, ang kanyang kagandahan at ang kanyang pagkatakot sa Allaah. Piliin ninyo ang may pinakamalaking takot sa Allaah at kayo ay magtatagumpay.

Kahit na anong ganda, yaman o maayos na angkan ang kanyang pinagmulan at maganda at mataas ang pinag-aralan, kung siya naman ay walang takot sa Allaah, mas nakahihigit pa sa kanya ang isang pangit, mahirap at hindi magandang angkan ang pinagmulan subalit may malaking pagkatakot naman sa Allaah. Ganundin naman para sa mga kalalakihan, sinabi ng Propeta Muhammadr: “kung mayroong isang lalaki na ang pagsasagawa niya sa mga batas ng relihiyon (Islam) ay kasiya-siya sa inyo, hingin ang kamay ng inyong anak upang mapangasawa, kinakailangang ipakasal mo sila, kung hindi lalaganap ang korupsiyon at katiwalian…” (At-Tirmidhee)

Minsan ay pinagalitan ng Propeta Muhammadr si Abu Dharr (kalugdan nawa siya ng Allaah) dahil sa pangmamatang kanyang ginawa kay Bilal (kalugdan nawa siya ng Allaah) dahil sa pagsasabi niya ritong: “anak ng itim na babae”, at tapos ay sinabihan siya ng Propetar ng: “Ikaw ay hindi nakahihigit sa isang kayumanggi ang kulay o saisang maitim man kundi sa pagkatakot mo sa Allaah ng higit sa pagkatakot niya.” (Ahmad). Kahit na sa Huling Peregrinasyon, na isinagawa ng Propetar bago siya pumanaw, ipinaliwanag niya sa mga tao ang kahalagahan ng Taqwaa at ang kawalang saysay ng lahi, lipi o angkang kinabibilangan ng sinuman.

Ang Allaah lamang ang nakaaalam sa mga taong pinakamarangal at ang may pinakamalaking takot sa Kanya, dahil ang lugar ng Taqwaa ay ang puso. Ang isang tao ay maaari lamang mahusgahan sa kanyang panlabas na mga gawain. Sinabi ng Allaah:

.. “Mayroong mga tao dito sa mundo, na ang kanilang mga salita ay magpapamangha sa inyo. At tatawagin niya ang Allaah bilang kanyang testigo sa mga bagay na nasa kanyang puso, subalit, siya ay kabilang sa mga yaong mahigpit na kalaban.” Surah Al-Baqarah 2:204

Kaya nga, hindi pinapahintulutan para sa mga tao na humirang ng isang kapwa niya tao bilang santo at banal sa antas na hindi kayang maunawaan ng mga ordinaryong tao. Ipinahayag ng Propeta Muhammadr sa kanyang mga kasamahan na ang ilan sa kanila ay maninirahan sa paraiso sa kabilang buhay. Subali’t dapat na mabatid, na ang pahayag na ito ay base sa rebelasyon at hindi ayon sa kanyang sariling kakayahan na humusga kung ano ang nasa puso nila. Bilang halimbawa, noong ipahayag ng Propeta r ang tungkol sa mga yaong sumumpa ng katapatan na kilala bilang Bay’ah ar-Ridwaan, Walang sinuman sa kanila na sumumpa ng katapatan sa ilalim ng isang puno ang papasok sa Impiyernong-Apoy., kinukumpirma niya lamang ang rebelasyon ng Banal na Qur’an na: “Ang Allaah ay nalulugod sa mga mananampalataya noong sila ay sumumpa ng katapatan sa iyo sa ilalim ng isang puno..”Surah al-Fath 48:18

Ganundin naman, hinukuman niya ang ibang tao na sa pag-aakala ng iba ay nakatalaga sa paraiso na mapasama sa mga yaong itinalaga sa Impiyerno. Ang lahat ng paghuhukom niyang ito ay base sa maliwanag na rebelasyon. Isinalaysay ni Ibn Abbas (kalugdan nawa siya ng Allaah) na sinabi sa kanya ni Umar ibn al-Khattab (kalugdan nawa siya ng Allaah) na araw ng labanan ng Khaybar, dumating ang ilan sa kasamahan ng Propetar at nagsabi: Si ganoon at ganito ay namartir(namatay na nakikipaglaban para sa kaluguran ng Allaah), si ganoon at si ganito ay namartir,”subalit noong sila ay mapadako sa pagsasabing: si ganoon at si ganito ay namartir, sinabi ng Propetar: Hindi maaaring mangyari iyon. Nakita ko siya sa impiyerno na nakabalot sa kapa na ninakaw niya (mula sa nalabi ng digmaan). Pagkatapos ay sinabi ng Propetar: “Humayo ka, Ibn al-Khattab, at ipahayag mo sa mga tao nang tatlong beses na ang mga mananampalataya lamang ang siyang makapapasok sa Paraiso.

Sa pananampalatayang Kristiyanismo sa paglipas ng panahon, mayroong ilang mga indibidwal ang masyadong nirespeto at iginalang dahil sa mataas na antas ng espiritual na pamumuhay na kanilang natamo. Ang mga himala ay iniugnay sa kanila at ang ranggo bilang “santo”ay ikinabit sa kanila. Ganundin sa ibang paniniwalang Hinduismo at Budhismo, ang mga guro na nakarating at nakaabot sa mataas na antas ng espiritual na pamumuhay at gumawa ng mga kahima-himalang gawain ay nabigyan ng titulong Guru, Avatar atbp. na nagsasaad ng pagiging higit nila sa espiritual. Ang mga designasyong ito ang siyang nagtulak sa mga tao upang hingin ang tulong ng mga sinasabing santo o sambahin sila bilang mga diyos. kaya nga sa mga pananampalatayang ito ay mayroong napakaraming mga santo kung saan ang mga tao ay matiyagang nanalangin at nagsusumamo. Ang Islam sa kabilang banda ay hindi sumasang-ayon sa sobrang pagrespeto at paggalang sa Propeta Muhammadr na nagsabing: huwag ninyo akong purihin at respetuhin ng sobra katulad ng ginawa ng mga Kristiyano kay Hesus na anak ni Maria, walang pag-aalinlangan na ako ay alipin lamang, kaya tawagin ninyong akong alipin ng Allaah at ang Kanyang Mensahero.” Sahih Bukhari vol.4, p.435, no.654

WALEE: ANG “SANTO”

Ang terminong “santo” ay ginamit upang isalin ang salitang Arabic na “walee” (Awliyaa-kung maramihan) na ginamit nang Allaah para sa mga nilikhang malapit sa Kanya. Subalit ang pinakamalapit na pagkakasalin ay “malapit na kaibigan” dahil sa literal nitong kahulugan, ang ibig sabihin ng “walee” ay kakampi o kapanalig. Ginamit din ito nang Allaah para sa Kanyang sarili:

.. “Ang Allaah ay ang Walee ng mga mananampalataya, iniahon sila mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan.” Surah Al-Baqarah 2:257, 3:68, 42:9 at 45:19

Ginamit din ito ng Allaah na pantukoy kay Satanas:

… “Sinuman ang kumuha kay Satanas bilang kanyang Walee imbis na ang Allaah, ay maliwanag na dumanas ng malaking pagkatalo..”Surah An-Nisa 4:119, 7: 27 at 30

Ang terminong ito ay nangangahulugan din ng “malapit na kamag-anak” katulad ng sa:

.. “Pinagkalooban Namin ang kanyang walee ng awtoridad o kapangyarihan (na hingin ang batas ng pagkakapantay-pantay sa pagbibigay ng parusa- o magpagtawad o tanggapin ang Diyah (blood-money)..Subali’t huwag siyang hayaang lumampas sa hangganan ng pagkitil ng buhay (kung sino ang nagkasala, siya lang ang mananagot). Surah Al-Isra 17:33

Ito ay ginamit din sa Qur’an upang ipakita ang pagiging malapit sa isa’t isa ng mga tao:

.. “Hindi marapat sa mga mananampalataya na kuhanin ang mga walang pananampalataya bilang Awliyaa sa halip (ang dapat na kuhanin niya ay) ang mga mananampalataya.:” Surah Imran 3:28, 4:139, 144 at 5:51

Subali’t ang termino na pinakamahalaga sa atin ay ang terminong “Awliyaa-ullaah”, na malapit na kaibigan ng Allaah. Sa Banal na Qur’an, itinalaga ng Allaah sa sangkatauhan ang ilang uri ng indibidwal na itinuring Niyang katangi-tangi ang pagiging malapit sa Kanya. Sinabi ng Allaah sa Surah Al-Anfaal, 8:34:

.. “Walang pag-aalinlangan na ang Kanyang (Allaah) Awliyaa ay yaon lamang may Taqwaa, subali’t karamihan sa mga tao ay hindi ito nauunawan.”

At sa Surah Yunus, 10:62-63

.. “Walang pag-aalinlangan! Katotohanang ang Awliyaa ng Allaah na nagmamahal sa Kanya ng labis ay walang dapat katakutan ni dapat ipangamba.

Ipinaliwanag sa atin ng Allaah na ang basehan at criteria ng “Walaayah” (dibinong pagkakaibigan) ay ang Eeman (paniniwala) at ang Taqwaa (pagiging banal at deboto), at ang mga katangiang ito ay tinataglay ng mga tunay na mananampalataya. Sa mga ignoranteng tao, ang pinakabasehan ng Walaayah (pagiging santo at banal) ay ang pagkakasagawa ng mga himala na kilala bilang “Karaamat”upang maitangi at hindi maipagkamali sa “Mu’jizaat” na ipinagkaloob sa mga propeta. Subali’t kailanman ay hindi ito ang naging kriteria ng Allaah upang maging Walee Niya ang isang nilikha.

Samakatuwid, ang mga Muslim ay hindi pinapahintulutan na magtalaga sa ilang mga mananampalataya bilang mga Awliya ng Allaah. Sa kabila ng pagbabawal na ito sa pananampalatayang Islam, mayroong mga santong Muslim ang naging tanyag sa mga Sufi at doon sa mga taong bulag na sumusunod sa kanila. Sa antas o level ay narito ang pagkakasunod-sunod: a.) Ang Akhyaar (ang pinili) na bumibilang ng 300; b.) Ang Abdaal (ang kapalit) na bumibilang ng 40; c.) Ang 7 Abraar (ang banal); d.) Ang 4 na Awtaad (haligi); e.) Ang 3 Nuqabaa (tagapagbantay); isang Qutb (tikin) na itinuturing na pinakasanto ng kanyang panahon, at ang nasa unahan ng listahan ay ang Ghawth (ang saklolo), ang pinakasanto sa lahat ng mga santo, na pinaniniwalaang, may kakayanang akuin ang ilang mga kasalanan ng mga mananampalataya. Ayon sa paniniwalang ito ng mga mistiko, ang mga santo ng tatlong pinakamataas na antas (Ghawth, Qutb at Nuqabaa) ay invinsible na nasa Makkah sa oras ng mga Salah. Kapag ang Ghawth ay namatay, papalitan siya ng Qutb, at mapo-promote yaong iba pang nasa ibaba nila, ang pinakapurong kaluluwa ng bawat antas ay maitataas sa susunod na antas. Ang mitolohiyang ito ay nakuha mula sa paniniwalang Kristiyanismo, katulad din ng Dhikr beads ay nakopya mula sa rosaryo, at ang Mawlid sa pagseselebra ng mga Kristiyano ng Pasko.

FANAA: ANG PAGIGING ISA NG TAO SA DIYOS

Isa sa pinakatanyag ng mga tinatawag na santo ay si Al-Hallaaj na pinarusahan (pinugutan ng ulo) sa harapan ng publiko bilang isang apostata dahil sa harapan niyang pag-aangkin ng kanyang dibinidad noong sinabi niyang ‘Anal-Haqq’, ako ang Katotohanan gayung malinaw na sinabi ng Allaah:

.. “ito ay sa dahilang ang Allaah, Siya ang Katotohanan, at Siya lamang ang nagbibigay ng buhay sa namatay..” Surah Al-Hajj 22:6

Ang nagtulak sa sira-ulong ito na angkinin at sabihin sa madla na siya ay ang katotohanan ay ang kanyang paniniwala sa prinsipyo na halos ay katulad ng sa Nirvana ng pananampalatayang Budhismo. Sa kalagayang ito, ayon sa Budhismo, ang ego o ang pagkamasarili ay nawawala, ang kaluluwa at ang kamalayan ng tao ay namamatay at napupuksa.

Ang konsepto ring ito ang siyang humubog sa pundasyon ng pilosopiyang “Mysticism. Ang mysticism ay ipinaliwanag bilang ang karanasan ng pagiging isa sa diyos at ang paniniwalang ang pinakapangunahing layunin ng tao ay ang makamit ang pagiging isa sa Panginoon. Ang pinagmulan ng mistisismo ay makikita sa mga kasulatang ng mga pilosopong Griego katulad ng Plato’s Symposium, kung saan binanggit niya ang ilang hagdan patungo sa itaas, na binubuo ng matarik at mahirap na baitang, kung saan ang pagiging isa ng kaluluwa sa diyos ay makakamit. Ang konseptong ito ay makikita rin sa Hinduismo sa tinatawag nilang pagiging isa ng Atman (kaluluwa ng tao) kay Brahman (diyos), na itinuturing din nilang pinakapangunahing layunin ng tao, pagkamatay at reinkarnasyon o pagkasilang na muli sa ibang katauhan hanggang sa maging perpekto at maging isa ni Brahman. Ang paniniwalang ito ng mga Griego ay nakapasok sa samahang Gnostic Christian, katulad ng kay Valentinus (140 CE), na naging tanyag noong ika-2 siglo. Ang kalakarang ito ay naihalo noong ika-3 siglo sa Platonism ng pilosopong Egipto-Romano, si Plotinus (205-270CE), na siyang nagtatag ng neoplatonism.

Ang mga Kristiyanong ermitanyo nang ika-3 siglo, na nagsimula ng tradisyong monastiko sa Kristiyanismo sa pamamagitan ng paninirahan sa disyerto ng Egipto, ay gumaya din sa mistikong paniniwala ng pagiging isa ng tao sa diyos, sa pamamagitan ng meditasyon at self-denial. Kahit na si “St.” Pachomius (290-346 CE) ang nagtatag ng unang porma ng mga batas sa monastikong Kristiyanismo at ang siyang nagtatag ng 9 na monasteryo sa disyerto ng Egipto; si “St.” Benedict ng Nursia (480-547CE) ang nagdebelop ng Batas ng Benedictine para sa monasteryo ng Monte Cassino sa Italia, ang siyang itinuturing na tunay na tagapagtatag at tagapagsulon ng Monastikong Kanluran.

Ang tradisyong mistiko na napanatiling buhay sa monastikong Kristiyanismo ay nagawang maka-impluwensiya sa mga Muslim noong ika-8 siglo, isang siglo pagkatapos na ang hangganan ng Estadong Islamiko ay lumawak kabilang na ang Egipto, Syria at ang pangunahing sentro ng monastisismo. May mga grupo ng Muslim na hindi nasisiyahan sa kayang ibigay ng Sharee’ah, ay gumawa ng katulad ding paniniwala ng monastisismo na tinawag nilang Tareeqah (ang daan). Kung ang pangunahing layunin ng mga Hindu ay ang pagiging isa sa makalupang kaluluwa at sa Kristiyanong mistiko na pagiging isa ng tao sa diyos; ang naging pangunahing layunin ng grupong ito ay ang Fanaa, ang pagkawala ng pagiging makasarili at Wusool, ang pagtatagpo at ang pagiging isa ng kaluluwa sa Allaah sa kabilang buhay. Ipinakilala ang mga serye ng paunang istasyon at estado na kinakailangang marating at makuha. Ang mga ito ay tinatawag na Maqaamat (istasyon) at Halaat (estado). Ang sistema ng mga ehersisyong pang-espiritual ay dinisenyo upang marating ang ganitong kalagayan. Ang mga gawaing ito ng Dhikr ay magkaminsang napapalooban ng paggalaw ng mga ulo at katawan at minsan pa nga ay katulad ng sa sayaw. Ang lahat ng mga gawaing ito ay ini-ugnay sa Propetar upang ito ay maging katanggap-tanggap sa mga tao, subali’t wala naman silang matibay na ebidensiya para suportahan ito. At katulad din kung papaanong sa mga Kristiyano at Hindu ay may espesyal na tagong lugar (monasteryo) upang magsilbing lugar para sa kanilang komunidad, ang mga Sufi ay mayroon ding ganito na tinawag nilang Zaawiyahs (sulok o panulukan).

Kaalinsabay nito, mayroong mga heretikong paniniwala ang naitatag base sa mistikong paniniwala nang pagiging isa sa diyos. Bilang halimbawa, karamihan sa kanila ay nag-aangkin nang pagkakita sa Allaah kapag narrating ang kalagayang Wusool (pagdating). Subali’t noong tanungin ni Aa’eshah ang Propetar kung nakita niya ang Allaah noong Miraj ang sagot niya ay hindi. Ipinakita rin ng Allaah kay Propeta Mosesr ang katotohanang siya o sinumang tao ay walang kakayahang panindigan na makita ang Allaah sa buhay dito sa daigdig noong ipinakita ng Allaah ang Kanyang kaluwalhatian sa bundok at ito ay napatag at naging alikabok na lamang.

Inaangkin ng ilang mga Sufi na kapag ang kalagayang Wusool ay kanilang narating, ang mga obligasyong iniutos ng Shareeah katulad ng pagdarasal ng limang beses isang araw, ay hindi na obligasyon para sa kanila. Ipinapayo naman ng ilan sa kanila na ang pananalangin ay maaari nang iparating sa Allaah sa pamamagitan ng Propetar o sa pamamagitan ng mga santo at mga banal. Ang iba ay nagsimula nang mag-Tawaf, magsakripisyo ng mga hayop, at iba pang uri ng pagsamba sa mga rebulto at libingan ng mga inaangkin nilang mga santo at banal. Ating makikita sa ngayon na may mga nagta-tawaf sa puntod nina Zaynab at Sayyid al-Badawi sa Egipto, sa libingan ni Muhammad Ahmad sa Sudan at sa palibot ng Darghas ng hindi mabilang ng mga santo at banal sa India at Pakistan.

Ang Shareeah ay itinuturing na panlabas na daan na susundin ng masang ignorante at walang alam, samantalang ang Tareeqah ay ang panloob na daan ng mga naliwanagan. Naglabasan ang mga Tafseer na base sa kanilang mga opinion kung saan ang maliwanag na kahulugan ng mga talata sa Qur’an ay binabaluktot upang suportahan ang kanilang heretikong paniniwala. Ang pilosopiyang Griego ay inihalo sa mga gawa-gawang Hadeeth upang magkaroon ng mga huwad at hindi awtentibong reperensiya na maliwanag na taliwas sa tunay na katuruan ng Propetar. Ang musika ay ikinabit sa pagsamba, at ang mga droga tulad ng marijuana ay makikita naman sa iba upang dagli nilang marating ang inaangkin nilang kataasan ng espiritual. Yaan ang mga kaganapan sa kasulukuyang generasyon ng Sufi na itinatag sa huwad na paniniwala na ang pagiging isa ng kaluluwa ng tao sa diyos ay mararating at makakamtan. Ang mga sinaunang banal na tao katulad ni Abdul-Qaadir al-Jeelani, at iba pang mga iskolar na sinasabi ng mga Sufi na siyang tagapagtatag nila, ay maliwanag na nakaunawa sa kahalagahan ng kaibahan ng Tagapaglikha at ng Kanyang mga nilikha. Ang Diyos at ang tao ay kailanman hindi maaaring maging isa, ang Isa ay Dibino at Walang kamatayan, samantalang ang isa naman ay tao at may katapusan.

ANG PAGIGING ISA NG DIYOS SA TAO

Walang anuman ang makaliligtas sa kaalaman ng Diyos, kaya naman, ang mga matatalino ay yaong gumagawa ayon sa batas ng Diyos. Nararamdaman nila ang Kanyang presensiya sa lahat ng pagkakataon. Maingat nilang isinasagawa ang kanilang mga obligasyong gawain, at may kabanalang binabayaran ang mga nakaligtaang gawain sa pamamagitan ng mga boluntaryong gawain. Ang mga boluntaryong gawaing ito ang siyang nangangalaga sa kanilang mga obligasyong gawain. Bilang halimbawa, sa panahon ng kahinaan o kababaan ng espiritual, ang isa ay tatamarin ng isagawa ang kanyang pangrelihiyong obligasyon. Subali’t yaong may mga boluntaryong gawain; ang hindi lamang nila gagawin ay ang mga boluntaryo subalit pangangalagaan naman nilang gawin ang mga obligasyong gawain. Kung sila ay walang pananggang boluntaryong gawain at dumating ang panahon ng espiritual na katamaran, posibleng pati ang ilang obligasyong gawain ay kanilang kakalimutan. Habang lalong pinalalakas ng isang mananampalataya ang kanyang mga obligadong tungkulin sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga boluntaryong gawain, ang kanyang buhay ay patuloy na nakalinya sa mga batas ng Shareeah, sa kagustuhan ng kanyang Tagapaglikha.

Ang prinsipyong ito ay ipinahayag nang Allaah sa Propeta Muhammadr sa pamamagitan ng isang Hadith na nagsasaad: “Ang pinakamamahal na bagay na ang Aking mga alipin ay maaaring maging malapit sa Akin ay ang mga bagay na ginawa Kong obligado para sa kanya. Ang Aking alipin ay patuloy na magiging malapit sa Akin sa pamamagitan ng kanyang mga boluntaryong gawain hanggang sa siya ay Aking mahalin. At kapag siya ay Akin nang minahal, Ako ang kanyang magiging pandinig kung saan siya ay makikinig, ang kanyang paningin kung saan siya ay titingin, ang kanyang magiging kamay na kanyang ihahawak, at kanyang magiging paa na kanyang ilalakad. Kung siya ay hihiling sa Akin nang anuman, ito ay Aking ipagkakaloob sa kanya, kung siya ay hihingi ng kalinga sa Akin, siya ay Aking poproteksiyunan.”

Itong Walee nang Allaah ay makikinig, titingin, hahawak at lalakad sa mga bagay na Halaal (mga bagay na ipinahihintulot), habang maingat na tinatalikuran at iniiwasan ang mga bagay na Haraam (mga bagay na ipinagbabawal), ganundin ang mga bagay o gawain na magtutulak patungo dito. Ito ang natatanging tunay na layunin at mithiin ng ating buhay. Ang katuparan nito ay ang ang pagiging perpektong tungkulin ng isang tao bilang isang alipin ng Diyos at tagapamahala sa mundo. Subalit ito ay hindi mararating maliban na lamang sa mga bagay at gawain na nakapaloob sa Hadeeth. Una, ang mga obligadong gawain ay dapat munang maitatag ng isang tao, pagkatapos ay ang palagiang pagsasagawa ng mga boluntaryong gawain at naaayon sa sunnah ng Propeta. Ang katotohanan nito ay binigyang diin ng Allaah sa sumusunod na pahayag: sabihin, kung mahal ninyo ang Allaah, sundin ninyo ako (ang Propeta Muhammadr) at mamahalin kayo nang Allaah.” Surah Al-Imran 3:31

Samakatuwid, ang pagmamahal nang Allaah ay matatamo lamang sa pamamagitan ng istriktong pagsunod sa direktiba ng Kanyang Alipin (si Propeta Muhammadr) at sa pamamagitan ng maingat na pag-iwas sa lahat ng uri ng inobasyon na may kinalaman sa relihiyon. Ang pormulang ito ay nakapaloob sa isang hadeeth na kung saan ang Propeta Muhammadr ay naiulat ni Abu Najeeh na nagsabing: Manatili kayo sa aking Sunnah at sa sunnah ng mga pinatnubayang Kalipah. Mahigpit ninyong panghawakan ang mga ito. At iwasan ang mga inobasyon, dahil walang pag-aalinlangan lahat ng mga yaon ay bid’ah (erehiya) at ang bid’ah ay pagkaligaw mula sa matuwid na landas na nag-aakay patungo sa naglalagablab na apoy ng impiyerno. Abu Dawood, vol.3, p. 1294, no. 4590

Ang isa na istriktong sumusunod sa prinsipiyong ito-.

~ ni justisip sa Pebrero 9, 2010.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: